Chapter 10: Pagod at Luha

1 1 0
                                    

Chapter Ten


Isabella Garces




Umalis ako sa kinaroroonan ng altar matapos mag dasal. Lumabas ako saka naman huminto sa paglakad si Nanay Celia nang makita ako. May gulat sa kanyang mata pero isang buntong hininga lang nawala ang emosyong iyon.

"Isabella, tungkol pala sa nangyari nakaraan..." Umpisa ni nanay. May halong nginig ang kamay kaya iniklian ko ang aming distansya para maabot ang kamay nito upang kumalma kahit paano.

Hindi ako nagsalita. Hinayaan ko siya na pakalmahin ang kanyang sarili at ilang saglit lang, binuka niya ang kanyang mga labi para sa paumanhin na ako dapat ang magsasabi at magsasagawa. "Ako ay humihingi ng paumanhin sa nagawa ni Esther, Isabella. Nais ko lamang na ipabatid sa iyo na hindi niya iyon sinasadya at nadulas lamang sa binitawang salita. Nagsisisi ang aking anak sa kanyang nasabi kaya heto pauuwiin ko nalang siya ng probinsya at ako nalang ang maiiwan rito. Kaya sa susunod na buwan nalang ako uuwi upang makasama rin si Esther at mga kapatid niya." May kasamang ubo ang bawat hinto ng kanyang sinasabi para lang matagpi-tagpi ang mga sinasabi. Sa higpit ng kanyang kamay ay pinainit niyon ang akin at nang pakawalan, lamig ang siyang pumalit.

Mas lumapit ako sa kanya. "Ako dapat ang humihingi ng paumanhin 'nay, sapagkat ako lang naman ang iba ang pagintindi ng sinabi ni Esther. Kaya 'nay, ako ay humihingi ng paumanhin." Ngumiti ako pagkatapos.

Dalawang linggo nang lumipas iyon at bumalik ulit ang pakikitungo sa akin ni nanay Celia. Siya lang at hindi si Edward. Bumalik kami sa dating ginagawa kaya heto ako ngayon nagpapaturo kung paano magkusa sa kusina.

"Ngayon, isunod mo na ang petsay at hintayin mong maluto saka mo tanggalin ang palayok sa kalan de uling." Matapos naman ang habilin ni nanay ay ginawa ko nga at nang makita na lumubog na ang mga gulay at iba na rin ang kulay, inalis ko na nga ang palayok at nagtungo sa mesa kung saan doon ko dahan-dahan na nilapag. Pinunasan ko ang naglalandas na mga pawis sa aking noo at leeg dahil sa init.

Inabot ko ang kutsarang ginagamit ko sa pagtikim ng niluto ko. Napangiti ako dahil masarap ang kinalabasan hindi tulad ng nakaraan. Ngayon, mas sasarap pa ang nilagang ito dahil umuulan at dumidilim na ang kalangitan. Malapit nang halikan ng dilim ang buong paligid pero wala parin ang presensya ni Edward.

Dalawa lamang kami ni nanay ang naiwan rito sa bahay pero nakasanayan ko na rin na wala na kaming ibang kasalo. Ilang beses na rin tumanggi ang nanay pero mabuti nalang ay pinauunlakan niya ang aking mga imbitasyon.

"Iba ang luto mo ngayon sa nakaraan," nakangiting tinitigan ni nanay ang pagkain. "Kaya alam kong magkasabwat kayo ni Esther noon dahil halata masyado na hindi ikaw at si Esther ang nagtimpla ng pagkain noong nakaraan." Natawa ako dahil wala pala kaming dapat na ilihim ni Esther. Kumukuha na ulit ng panibagong salin ng ulam si nanay at napapatango sa pagkain at bawat subo nito. Masaya akong nakikita si nanay dahil kahit paano lumuwag rin ang kanyang trabaho dahil tinutulungan ko rin siya para makapagpahinga rin ng maraming oras.

Dumaan saglit ang katahimikan nang magsalubong tingin namin ng nanay nang pagod na umupo si Edward sa aking tabi. Napatayo naman ako pero sumabay rin si nanay na tila alam din kung saan ako tutungo.

"Maupo ka nalang riyan, ako nang bahala rito, hija." Si nanay na nagmamadaling pumunta ng kusina kung saan, kukuha ng babasaging plato, kutsara't tinidor. Kaya ang tangi ko nalang ginawa ay maupo ng tahimik at dinampot ang kutsara na may pagkain roon.

"Ikaw ang nagluto niyan?" Kumurap ako sa kanyang katanungan at sasagutin na sana ng katanungan nang dumating agad si nanay dala ang plato, kutsara, at tinidor at kasama rin ang baso.

When in JulyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon