Prologue: End of the Nightmare

159 12 5
                                    

---
"𝐅𝐨𝐫 𝐚 𝐦𝐨𝐦𝐞𝐧𝐭, 𝐈 𝐰𝐚𝐬 𝐚 𝐛𝐢𝐫𝐝 𝐟𝐥𝐲𝐢𝐧𝐠 𝐟𝐫𝐞𝐞. 𝐓𝐡𝐞𝐧 𝐨𝐧𝐜𝐞 𝐚𝐠𝐚𝐢𝐧, 𝐈'𝐦 𝐚 𝐩𝐮𝐩𝐩𝐞𝐭 𝐰𝐡𝐨𝐬𝐞 𝐦𝐨𝐯𝐞𝐦𝐞𝐧𝐭𝐬 𝐫𝐞𝐥𝐲 𝐨𝐧 𝐦𝐲 𝐦𝐚𝐬𝐭𝐞𝐫'𝐬 𝐬𝐭𝐫𝐢𝐧𝐠𝐬."

Prologue

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Prologue

End of the Nightmare


Lagi akong nagkakaroon ng panaginip na namatay raw si Papa— at 'yon ang tanging nagbibigay sa 'kin ng kapayapaan at pag-asa sa madilim naming mundo. At ngayon, ang dating panaginip lamang ay naging isa ng realidad.

Tinitigan ko ang nakamulat na mata ni Papa. Madalas itong nanlilisik, maihahalintulad sa isang mabangis na hayop sa gubat na ilang araw nang 'di nakakain. Ngunit ngayon, blangko na lamang itong nakatingin sa 'kin. Walang kabuhay-buhay. Tila sa isang manika na ipinapahiram sa 'kin ng aking kaibigan.

Naliligo si Papa sa kaniyang sariling dugo. Halos nagmukhang binungkal ang kaniyang likod sa dami ng saksak. Lahat ng 'yan ay nagmula sa 'kin. Nanginginig pa rin ang buo kong katawan. Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan sa labas ay hindi ko marinig ang tunog nito. Ang tanging naririnig ko ay ang sariling boses na paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak ko.

Pinatay ko si Papa... Nakapatay ako ng tao. Wala nang pag-asa para sa 'kin, pang habambuhay ko na itong dadalhin. Ang kaniyang dugo ay permanente nang nakamantsa sa aking palad. Isa akong mamamatay tao. Makukulong ako...

Isang palad ang marahang humawak sa 'king pisngi. Dahan-dahan nitong itinulak palayo ang ulo ko hanggang sa hindi na ako nakatingin sa bangkay ni Papa. Muli niyang pinadaan ang suklay sa hanggang bewang kong buhok. Bawat hagod ay nagpapakalma sa kaguluhang nangyayari sa loob-loob ko. Inayos ko ang pagkakaupo sa sahig.

"Mama... nakapatay ako. Dahil sa 'kin wala na si Papa. Sorry, Mama! Sorry..." Saglit akong napiyok dahil sabay-sabay nang umagos ang mga luhang pinipigilan ko.

"Sshhh..." Nagmistulang ihip ng hangin ang boses ni Mama. Nagpatuloy lamang siya sa pagsusuklay sa 'king buhok.

Napunta ang atensyon ko sa mga lampara na siyang tanging nagbibigay liwanag sa bahay namin. Dahil sa malakas na bagyo, ang lahat ay nawalan ng kuryente. Nanatili ang katahimikan sa bibig ni Mama, ngunit nagawa ko nang marinig ang malakas na buhos ng ulan.

"Ginawa mo lamang ang tama, anak. Kung hindi dahil sa 'yo, p-patuloy niya pa rin tayong sasaktan," sabi ni Mama.

Sa tulong ng salamin na nasa aming harapan at sa kabila ng kakarampot na liwanag, nakita ko ang pagtulo ng mga luha ni Mama. Tinignan niya ako nang diretso sa mata sa pamamagitan ng salamin... at bigla siyang ngumiti nang malawak habang ang kaniyang mga luha ay patuloy pa ring umaagos.

"Dapat mong ipagmalaki ang iyong sarili. Dahil sa 'yo, tapos na ang ating bangungot. Makakapagsimula na tayong muli." Ngumiti na siya na may kasamang ngipin.

Isang malakas na hangin ang pumasok sa loob ng bahay. Niyakap ko ang sarili dahil sa biglang panlalamig na naramdaman. Itinuro ni Mama ang mga peklat sa 'king braso, maging sa kaniyang sarili. Naiintindihan ko naman ang pinaparating niya. Hindi na madadagdagan pa ang aming mga sugat. Ngunit sa kabila nito, mas malinaw pa rin sa 'kin ang mga natuyong dugo sa bawat parte ng aking katawan.

Mama started to hum a tune that resembled the call of sirens. It was haunting... yet beautiful. Umaalingawngaw ang kaniyang boses sa apat na sulok ng kuwarto. Naramdaman ko ang pagtaas ng aking balahibo.

Niyakap niya ako sa 'king likuran. "...it's now over, Lovelace. Nanalo tayo."

Over? Biglang nag-init ang dibdib ko. Kanina pa ako hindi mapakali rito, paano niya nagagawang maging kalmado? Marahas akong kumalas sa kaniyang pagkakayakap.

"It's now over? Mama, hindi mo ba naiintindihan kung anong nangyayari?! Makukulong ako kapag may nakaalam nito! Paano mo nagagawang maging kalmado—" Natigilan ako sa pagsasalita nang makita ko ang takot sa kaniyang mga mata.

Takot— isang ekspresyon ni Mama na pinaka pamilyar sa 'kin. Ito ang lagi kong nakikita sa tuwing nag-aaway sila ni Papa. Sa bawat paghampas ng latigo sa kaniyang katawan, ito lamang ang reaksyon na kaniyang nagagawa habang hinahayaan si Papa. And now, she's looking at me with that same kind of eyes.

Lumunok ako. Nanlambot ang aking mukha. "M-Mama, I'm sorry... hindi ko sinasadya." Tumayo ako at sinubukan kong lumapit ngunit umaatras lamang siya.

"Parehas talaga kayo ng mata ng Papa mo," bulong niya.

"M-Mama..."

"Sinusubukan ko lang maging kalmado pero Lovelace anak, takot na takot ang Mama. Nasaksihan ko kung paano siya binawian ng buhay sa iyong kamay. Para kang ibang tao, hindi kita namukhaan. Gusto ko na lang isipin na dahil sa 'yo, tapos na ang paghihirap natin. Kaya intindihin mo naman sana ako." Nakita ko ang hinanakit sa kaniyang mata.

Para akong sinasaksak sa puso. Nanlambot ang aking tuhod at muli akong sumalampak sa malamig na sahig. Saglit na napuno ng liwanag ang bahay dahil sa kidlat. Sa isang segundong 'yon, nakita ko ang kalagayan ng aking katawan. Ang puti kong pangtulog na bestida ay nagmistulang pula sa dami ng dugo. Maraming hiwa sa bawat panig na braso ko dahil sa pagtatalo namin ni Papa.

Nakita ko ang paglapit sa 'kin ni Mama. Niyakap niya akong muli sa kabila ng panginginig sa kaniyang katawan. Mabibilis ang tibok ang puso ko na mistula'y katatakbo ko lang sa isang karera. Sinunggaban ko ang laylayan ng kaniyang damit.

She started humming again, maybe in an attempt to calm the both of us. "'Wag kang mag-alala anak, mananatili lamang itong sikreto sa 'ting dalawa."

Napatingin ako sa 'king repleksyon sa salamin. Nakangiti ito sa 'kin.

"Kailan ba kita matatakasan?"

Puppet Town (Cold Case Series 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon