Chapter One

370 7 1
                                    

CHAPTER ONE

GUSTONG ipakasal si Angela ng mga magulang niya sa isang lalaking hindi naman niya gusto. Mayaman kasi si Albert, ang lalaking napipisil ng mga ito para sa kanya at mabibigyan siya ng ginhawa sa buhay. Idagdag pa na wala silang mapagpipilian nang mga panahong iyon.

“Nakasanla ang bahay at lupa natin kay Albert, anak,” paliwanag ng tatay niyang si Mang Nardo. “At ang perang pinagsanlaan niyon ang siya naming ginamit para makatapos ka ng pag-aaral.” Tapos siya ng Mass Communication sa Far Eastern University sa Recto.

“Kaya ako ho ang gagawin ninyong pantubos sa lupa at bahay na ito?”

“Kung puwede nga lang ay hindi namin gagawin, anak,” sabi naman ng nanay niyang si Aling Idad. “Pero pamana pa sa amin ng mga ninuno ng tatay mo ang lupang ito. At hindi naman ito basta-basta mapapayagang mawala nang gayon na lamang.

“Saka, mabuti nga na si Albert ang mapangasawa mo. Kilala n’yo na ang isa’t isa dahil magkababata kayo. At sigurado kaming mabibigyan ka niya ng maginhawang pamumuhay.”

“Kung talagang hangad ninyo ang kaligayahan ko ay hindi ninyo ako dapat pinipilit ng ganito, Inay. Tutal ay hindi lang naman siya ang lalaki sa mundo na puwedeng magbigay sa akin ng ginhawa.”

“Pero sa panahong ito ay wala na tayong mapagpipilian pa, Angela,” pamimilit nito.

“Kaya kailangang ipagbili ninyo ako?”

“Hindi ka naman namin ipinagbibili, anak. Nagkataon lang na malaki ang pangangailangan naming iyon at tanging ikaw lamang ang—”

“Hindi ho ako pakakasal sa lalaking hindi ko gusto, Inay, Itay. Pagtinging-kaibigan lang ang nararamdaman ko kay Albert.”

“At matitiis mo bang isang araw ay damputin na lang tayo sa kalye? Sa loob ng ilang buwan ay iilitin na ang lupang ito, Angela. Paano na tayo kapag nagkataon?”

“Tapos na naman ho ako sa pag-aaral. Ilang panahon na lang at makakahanap na ako ng magandang trabaho. Tatatlo lang naman tayo kaya kahit na siguro ako lang mag-isa ang maghanapbuhay ay pupuwede na. Kahit naman paano ay may pera akong naitatabi. Puwede ko rin kayong maipagpatayo kahit na isang maliit na tindahan para naman—”

“Sayang naman, anak,” sabi ng tatay niya. “Bihira ang mga pagkakataong dapuan ng ganitong suwerte ang katulad nating mahihirap. Kung papayag ka sa sinasabi namin sa’yo ng nanay mo, hindi lang natin mababawi ang bahay at lupang ito na hindi na natin kailangan pang magbitaw ng kahit na isang sentimo. Magkakaroon ka pa ng maalwang buhay. Kapag nagkataon ay para tayong lupa na nakatuntong sa langit.” Nangingiti na ito dahil sa tinatakbo ng sariling imahinasyon.

“Mag-isip ka, anak,” sabi ng nanay niya. “Tutal ay may ilang buwan pa naman bago ang taning sa atin nina Alvin. At inaasahan ko na makakapag-isip ka nang tama.”

Walang kibong nagtungo si Angela sa kanyang silid matapos makipag-usap sa kanyang mga magulang. Hindi na niya kailangang mag-isip pa. Nang gabing iyon, nagpasya siyang takasan ang mga ito. Pati na ang lalaking nais ipakasal ng mga ito sa kanya. Dala-dala ang kaunti niyang ipon noong siya ay nag-aaral pa—at ang ilang pirasong alahas na binili para sa kanya ng mga magulang kasabay ng pagkakasanla ng kanilang bahay at lupa—tumulak siya papuntang Maynila.

SA SAMPALOC nagtungo si Angela. Mas kabisado niya ang parteng iyon ng Maynila dahil sa FEU sa Recto siya nagtapos ng kolehiyo. Idagdag pa ang kamag-anak ng kanyang mga magulang na dating nanirahan sa naturang lugar. Napabuntong-hininga siya nang maisip na wala nga pala siyang tutuluyan. Tiningnan niya ang kanyang relong pambisig. Pasado alas-otso na ng umaga. Marami pa siyang oras upang makapaghanap kahit man lang isang maliit na silid na maaari niyang upahan. Mabuti na lamang at mayroon siyang dalang pera. Napahigpit ang kapit niya sa dalang bag nang maaalala ang mga alahas na nasa loob niyon. Maari niyang isanla ang mga iyon kapag kinapos siya ng panggastos. Tutubusin na lang niya kapag nakakita na siya ng magandang trabaho. Alam niyang mahihirapan siya sa umpisa ngunit maano ba. Ang mahalaga ay hindi siya maipakakasal sa isang lalaking hindi naman niya gusto.

Mahal Mo Ba Ako by Eloisa LeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon