Chapter Two

289 5 1
                                    

CHAPTER TWO

NAPATITIG si Angela kay Rafael. Natawa siya sa sinabi nito.

“Talaga? Ikaw talaga, ang hilig mong magbiro.”

“Hindi naman ako nagbibiro,” sabi nito.

Bago pa man siya makasagot ay biglang may kumatok sa pinto. Pumasok doon ang matandang katulong na nagdala sa kanya sa study room kanina.

“Excuse me po, Mr. Sevilla. Dumating na po si Senyorita Christine, nasa kuwarto po niya at nagpapahinga na,” sabi nito.

“Sige, salamat, Manang Ising,” pagdi-dismiss ni Rafael sa matanda. Iyon lang at lumabas na ito.

Napanganga si Angela. At hindi naman nalingid kay Rafael ang pagkagulat niya.

“Surprised?” tila nakalolokong tanong nito.

Napatango siya. Talagang nahihiya siya sa kanyang natuklasan. Lalo na kapag naaalala niya ang klase ng pakikitungo niya rito kani-kanina lamang. Ngunit akalain ba naman niyang ang lalaking ito pala si Mr. Sevilla? Si Rafael Sevilla.

“Nakisalamuha ako sa mga aplikante, nagtanung-tanong, inaarok ang kalooban nila. Gusto kong matiyak na sa mabuting kamay ko iiwanan ang anak ko kapag busy ako sa negosyo. Mula pa sa initial screening ay nakita ko na ang lahat ng mga aplikante. And you suited my taste, Miss Delgado,” sabi nito na para bang sa paliwanag nito ay maaalis ang pagkailang na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

Nanatili siyang nakatitig dito. Pormal na pormal na ito ngayon. Tila bulang naglaho ang mga pagbibiro at kaarogantehan na ipinakita nito sa kanya. Kung ganoon ay palabas lang pala ang lahat ng iyon.

“Would you like some coffee, Miss Delgado? Or perhaps juice before we take our dinner?”

Dinner? Simula na ba ngayon ng trabaho niya? Sa kawalan ng masasabi ay napatango na lamang siya.

“Then, let’s go.”

Napasunod na lamang siya rito patungong dining room.

“LET ME tell you something about my daughter, Angela,” panimula ni Rafael habang umiinom sila ng juice. “Dati siyang marunong at masipag sa klase. Pero lately ay inirereklamo na siya ng teacher at mga kaklase niya. Pati yaya niya ay hindi na rin nakatagal at umalis. Nagsimula lang naman iyon nang... nang iwan siya sa akin ng mother niya.”

Napatungo si Angela. “Nalungkot siguro siya, Mr. Sevilla. Nanibago,” sabi niya.

“Naiintindihan ko siya sa puntong iyon. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kailangan niyang idamay ang kanyang pag-aaral. She’s in grade four now, sa ganoong edad, siguro naman ay nakakaintindi na siya ng mga paliwanag. At naipaliwanag ko na sa kanya ang lahat. Pero ganoon pa rin.”

Napabuntong-hininga ito. “Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa batang iyon. Kaya nga nagpahanap ako ng isang taong mag-aaruga sa kanya. Siguro ay iyong papalit na rin sa mga tungkuling iniwanan ng mother niya.”

Muli ay napabuntong-hininga ito. Mas malalim. “At iyon ang inaasahan ko sa’yo, Angela.”

Matiim silang nagkatitigan. Naroon na ang kompirmasyon na gagampanan niya kung anuman ang inaasahan sa kanya ni Rafael Sevilla. Pagkatapos ay siya naman ang napabuntong-hiniga. Ilang babae na kaya ang nagkandarapa sa lalaking ito? Kung hindi nga lang siya aplikante noong una niya itong makita, siguro ay nakipaglambingan na rin siya rito nang araw na iyon. At kung hindi nga lang sana sa kaarogantehang ipinakita nito, noon pa sana ay nagkamabutihan na sila.

“Tell me, Angela. What can you do for Christine, bago natin pag-usapan ang magiging suweldo mo?”

“Some children really need to be taught on a one-on-one basis, Mr. Sevilla. Especially sa sitwasyon ngayon ni Christine na kahit na paano ay alam ko nang hinahanap-hanap ang presensiya ng mommy niya. I personally feel na ang batang biglang iniwan ng kanyang ina, maging anupaman ang dahilan, ay nangangailangan ng personal na atensiyon para magbalik ang tiwala niya sa sarili in case it has been shattered.

Mahal Mo Ba Ako by Eloisa LeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon