Chapter Eight

163 2 0
                                    

CHAPTER EIGHT

NAGULAT pa kunwari si Angela sa sinabi ni Aling Marta. “B-bakit naman ho ako masasaktan?”

“Alam ko, nahalata ko. Hindi naman ako tumandang ganito na walang natutuhan. Kung nasasaktan ka at natatakot sa maaring ibunga ng pagbabalik ni Mabelle, bakit hindi mo ipaglaban?”

Natawa siya sa sinabi nito. “Kung anu-ano naman ho ang sinasabi ninyo,” depensa niya sa sarili.

“Kung ako ang tatanungin mo ay hindi na ako pabor na magkabalikan pa ang dalawang iyan. Kahit pa nga sabihing nagkaroon sila ng anak. Bakit? Naging mabuti ba siyang asawa at ina nang iwan niya sina Rafael at Christine sa kabila ng pagtutol ng mga ito? At kung hindi pa siya nagkaroon ng show rito sa Manila ay hindi pa siguro niya maiisipang dumalaw. Ni hindi nga nakakatawag sa telepono iyan. Kaya kung ako sa’ yo, gumawa ka ng paraan. Huwag kang basta-basta padadaig. Tingin ko naman ay nahuhulog na rin ang loob sa iyo ni Rafael.”

Nagulat siya at hindi nakakibo sa sinabi nito.

“Alam ko dahil matagal ko nang kilala ang batang iyan. O siya, bababa na ako at baka magtaka pa ang mga iyon kung matagal ako. Sasabihin ko na lang na masakit ang ulo mo. At iyong sinabi ko sa’ yo, ha. Isipin mo.”

Matagal nang wala Aling Marta ay tila hindi pa rin siya makahuma mula sa pagkakatayo. Bakit nagustuhan yata niya ang mga sinabi sa kanya ng matanda?

“TIGILAN mo ako, Christine. Puwede ba? Huwag kang makulit.” Pababa sa hagdan ang mag-inang Mabelle at Christine.

Mula sa pag-aayos sa sala ay napaunat si Angela. Ayaw na ayaw niyang makikitang umiiyak si Christine. Hindi na ito iba sa kanya. Siya namang pasok ni Rafael buhat sa labas at nakita rin nito ang pagmamaktol ng anak.

“Ano’ng problema?” tanong nito.

“Mahirap pagsabihan,” sagot ni Mabelle. “Nagpipilit manood ng sine.”

“Samahan mo na. Minsan mo lang namang makakasama yung bata,” sabi ni Rafael.

“Kahit na ba minsan lang. Eh, nagkataong lalabas din kami ngayon ng mga kasamahan ko. Mamimili kami. Baka nga kanina pa ako hinihintay ng mga iyon. Humingi lang ako ng isang oras para daanan muna si Christine. At itanong tuloy kung ano ang gusto niyang ipabili. Sukat sabihin sa aking ang gusto niya ay manood ng sine. Wala yatang silbi ang widescreen mo rito.” Sumimangot pa ito.

“Bukas na lang, Christine. Sasamahan ka ng mommy mo,” pang-aalo ni Rafael.

“Naku! Hindi rin ako puwede bukas. Ilalabas naman kami ng boss ko. Bakit kasi ako pa ang pinipilit isama gayong...” Tumingin ito kay Angela na tila noon lang napansin ang presensiya niya. “O, hayan ang yaya mo. Siya na lang ang isama mo. Hindi ka ba busy, Angela? Puwede mo bang samahan si Christine?”

Nakita niyang patuloy pa rin na umiiyak si Christine. At nakita rin niya na hinihintay ni Rafael ang magiging sagot niya. Napabuntong-hininga siya.

“Puwede naman siguro,”sabi ni Mabelle. “Kasama iyan sa trabaho mo.”

“Gusto yata ni Christine na ikaw ang kasama niya. Nami-miss ka kasi ng bata kaya—”

“Isa ka pa!” Nagulat siya nang angilan siya nito. “Ano bang nami-miss ang sinasabi mo? Sanay iyan na wala ako. Umaarte lang iyan ngayon. Samahan mo na lang at nang matigil na.” Pagkatapos ay bumaling ito kay Christine. “Si Yaya na ang sasama sa’ yo.”

“S-sige,” sa wakas ay pumayag na rin si Christine na sumisigok pa rin.

“Late na ako, Rafael,” sabi ni Mabelle. “Baka hinihintay na ako ng mga kasama ko. Ihatid mo na kaya ako para madali. Kung gusto mo, you can join us para naman magkasama tayong dalawa.”

Mahal Mo Ba Ako by Eloisa LeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon