Chapter Seven

146 1 0
                                    

CHAPTER SEVEN

“PAANO kung hindi na natin kailangang magkunwari? Paano ko sasabihin sa mga magulang ko na hindi naman talaga tayo totoong kasal?” tanong ni Angela kay Rafael. Kasalukuyan silang nag-uusap sa silid niya.

“At mukhang may ginagawang hindi maganda.” Natawa si Rafael.

“Tumigil ka nga riyan!” saway niya.

“Bakit, Angela? May balak ka bang umalis ng bahay ko nang hindi nababayaran ang salaping ipapautang ko sa’ yo?”

“W-wala naman. P-pero paano kung dumating ang pagkakataong—”

“Hindi naman siguro mahirap ikatwirang hindi tayo nagkasundo at nagdesisyong maghiwalay.”

Napalatak siya. “Masahol ka pa sa abogado kung gumawa ng mga palusot.”

Saglit silang natahimik. Mayamaya ay may naisipan siyang itanong dito. “Saan ka nga pala matutulog?”

Umunat si Rafael sa pagkakaupo sa gilid ng kama at mabilis na nahiga. “Dito. Saan pa ba sa akala mo?”

Napahumindig siya. “Excuse me, kung anuman ang iniisip mo ay mabibigo ka lang.”

“Bakit?” seryosong tanong nito. “Iniisip mo ba na re-rape-in kita?”

“Wala akong sinasabing ganyan. Pero malay ko?”

Tumitig ito sa kisame at saka nagsalita. “Bakit kita re-rape-in? Gayong alam ko namang hindi naman kita kailangan pang pilitin.”

Mabilis niyang nahablot ang isang unan at pinaghahampas ito.

“Bastos ka talaga! Sige, matulog kang mag-isa sa kamang iyan. In the first place ay iyo naman talaga iyan. Puwede akong magtiis sa lapag.”

“Bakit ka magtitiis sa lapag? King-size naman ito.”

“Ayokong katabi ka!”

“Di huwag. Pinipilit ba kita?” At umakto itong matutulog na.

Naiinis naman na naglatag siya ng kumot sa sahig. Kumuha siya ng isang unan at nakabaluktot na nahiga roon.

“Ang kapal ng mukha mo. Ako pang babae ang patutulugin mo rito sa lapag!” Inis na inis talaga siya.

“Wala namang nagsabing diyan ka matulog. Ikaw lang naman itong may gusto.”

Muli siyang tumindig. Nakatalungkong naupo siya sa isang gilid ng silid at nag-isip. Nasa guest room ang mga magulang niya. Kung sa silid naman siya ni Christine matutulog, ano ang sasabihin niyang dahilan? Kung sa sala naman ay baka makita siya ng kanyang mga magulang at magtanong kung bakit doon siya natutulog. Ngunit matigas sa sahig. Kahit na mahirap sila ay naibili naman siya ng mga magulang niya ng isang magandang kama. Sa boardinghouse din noon ay may sarili siyang kama. Bakit siya kailangang magtiis sa matigas na sahig? Naiinis na hinablot niya ang kumot at unan at lumapit sa kama. Itinulak niya ang nakahigang si Rafael na alam niyang nagtutulug-tulugan lamang.

“Aray, ha,” asik nito.

“Lumayu-layo ka nga, akin ang kalahati ng kama.” Naglagay siya ng isang unan sa gitna bilang partition.

“Iyan ang demarcation line,” sabi niya.

Hindi na kumibo si Rafael. Mayamaya ay nag-aagaw tulog na si Angela.

NARAMDAMAN ni Angela na may humahaplos sa kanyang braso. Nananaginip ba siya? Saglit siyang nakiramdam. Hindi siya nananaginip lang. May humahaplos talaga sa kanya. At may iba pa bang gagawa niyon maliban kay...

“Rafael! Ano na naman ang ginagawa mo? Gabing-gabi na ay kung anu-ano pang kalokohan ang naiisip mo.”

Hindi siya nito pinansin. Naramdaman na lamang niya na mula sa kanyang braso ay umakyat ang kamay nito patungo sa kanyang pisngi. Pagkatapos ay muling bumaba at sa balikat naman siya nito hinagod. At sa wakas, sa dibdib.

Mahal Mo Ba Ako by Eloisa LeeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon