CHAPTER FOUR

123 3 0
                                    

CHAPTER FOUR

ALAM na alam ng Kuya Patrick niya kung kailan siya titiyempuhang namamalantsa.

"Ducky?" tawag nito habang kumakatok sa pinto ng silid niya.

"Bakit?" tanong niya nang may bahagyang pagsususpetsa.

Pumihit ang knob ng pinto, sumilip ang Kuya Patrick niya. Halata niya, kaliligo ng lalaki. "Ano 'yan, ha?" very sweet ang pagkakangiting tanong nito. Nakatingin ito sa pinaplantsa niya.

"Uniform ko sa COCC," walang kangiti-ngiting sagot niya.

Pumasok ng silid si Patrick, may itinatago sa likuran. "Tamang-tama," anito.

"Kuya Patrick, ha?" Nagbabanta ang tono niya.

Inilabas na nito ang ipapaplantsa sa kanya. Ternong polo at pantalon.

"Di ba't ang sabi ng Nanay, huwag namamalantsa nang isa-isa dahil magastos sa koryente. Kaya dapat, dagdagan mo yang pinaplantsa mo."

"Pero ang sabi rin niya, matuto tayong kumilos dito nang kanya-kanya dahil wala naman tayong Katulong, no? Labandera lang."

"Sis naman....." Pinalungkot ni Patrick, ang mukha.
"Maatim mo bang ang guwapo mong kapatid mamalantsa?"

"At ikaw din... maaatim mong ang kapatid mong maganda e pinagpapawisan nang todo sa kapaplantsa?"

"Trabaho n'yo namang mga babae 'yan, a."

"E, kayo? Hindi na naman uso ang nagbubunot
ng sahig o umiigib ng tubig kaya wala nang  natitirang gawain n'yo."

"Meron, ba. Kami pa rin ang breadwinner sa pamilya."

"Kow, ginagawa na rin ng mga babae' yan ngayon, Saka, bread-winner ka na ba?"

"Malapit na. Graduating na ko. Pag naging seaman ako, malaking kikitain ko. Bahala ka. Marami pa naman akong balak ibigay sa'yo."

"Puro ka naman ganyan, e. Nadadala mo ko lagi sa pangako. Wala pa naman. Ni hindi ko nga matiyak kung magkakatotoo."

"Sigurado 'yon. Sige na, o," iniabot ni Patrick ang mga ipinapaplantsa sa kanya.

"Ay, ibigay mo sa Nanay," tanggi niya. "Masyado akong papawisan. Maliligo pa 'ko. Masama 'yon."

"Di magpahinga ka muna bago maligo. Saka me maganda nga pala 'kong balita sa' yo."

"Ano ''yon?" Interesadong napatingin siya sa kapatid.

"Isama mo muna 'to diyan sa paplantsahin mo."

"Binobola mo lang ako, e."

"Hindi, ba."

Napilitan siyang abutin ang damit ng kapatid. Alam niya, wala rin naman siyang magagawa sa kakulitan ng kapatid.

"Ano ba'ng ginagawa ng Nanay?" tanong niya.

"Nagluto ng ube at leche flan. Me magbi-birthday yata sa Sauyo na kumare niya. Umorder nang marami."

Iyon naman talaga ang nakahiligang gawin ng nanay niya. Bukod sa nalilibang na ay kumikita pa.

Tinapos niya ang pinaplantsang uniporme at isinunod ang polo ng Kuya Patrick niya."Ano yong magandang balitang sinasabi mo?" naalala niyang itanong.

"Di ba't malapit na ang piyesta rito sa atin?"

"Less than two months from now."

"Oo nga. P'wes, me nagpuntang mga tao rito. Kasama pa nga ang barangay captain natin, e."

"Ano'ng gusto?"

"Kinausap ang nanay. Kung puwede ka raw ikandidatang Miss Villa Sabina. Ngayon lang mangyayaring magkakaroon ng ganoong kumpetisyon dito. Tagarito rin ang mga makakalaban mo. Lima na yata o apat."

ANG UGLY DUCKLING - HELEN MERIZ (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon