CHAPTER SEVEN
"IKAW nga ba si Geraldine?" hindi makapaniwang tanong ni JR.
Hindi, tugon ng isip niya. Hindi ako yon. Yukung-yuko siyang hindi masalubong ang tingin ng kababata.
"Nagka-skin allergey lang 'yan kaya nagka ganyan," sabi ni Aling Marissa.
"Tingin ko nga ho," ani JR na bumaling kay Aling Marissa.
"Binatang-binata ka na," tuwang sabi ng babae. "Muntik na nga kitang hindi nakilala."
Mas mabuti pa nga kung hindi nyo nakilala, nadidismayang naisip ni Geraldine.
"Kayo nga rin ho, e. At pati itong si Geraldine."
Dahil mukhang mamaw na. Kung iyon ang ibig sabihin ni JR ay hindi niya tiyak. Bumaling kasi uli ito sa kanya nang sabihin ang huling tinuran.
"Dalaga ka na kasi," nakangiting sabi nito. Oo na. Me pakunsuwelo de-bobo ka pa. "Sixteen na siya," sabi ni Aling Marissa.
"Oho nga. Ako'y nineteen. Kami ni Patrick Tatlong taon ang tanda namin sa kanya, e. 'Yong kapatid ko namang si Ceto e matanda lang ke Geraldine nang isang taon."
"O, e, kumusta na'ng kapatid mong yon?"
"Kasama ko ho rito sa Maynila. Sa Patts College of Aeronautics naman nag-aaral. Sa me Domestic. Gustong maging abyador ng loko."
"Aba'y maganda 'yon. E, ang mga magulang n' yo?"
"Nasa Legazpi ho. Nagpilit lang po kami ni Ceto na dito makapag-aral."
"Saan kayo tumutukoy dito?"
"Sa isang tiyahin ho sa Bambang."
"Akalain mo 'yon. Narito na pala kayo' y ni hindi kayo nagkakaalamanan ni Patrick."
"Kumusta na ho'ng kaibigan kong 'yon?" masayang tanong ni JR.
"Mabuti, Seaman naman ang inaambisyon. Sa PMI NAG-AARAL."
"Isang araw e papasyal ako sa inyo para personal kaming magkabalitaan."
"Aba'y sige. Matutuwang tiyak 'yon."
"Saan ho ba'ng address n'yo?" Kumuha ng sulatan sa bulsa ng pang-itaas ang binata.
"Sa Villa Sabina. Sta. Sabina St. Number nineteen. Madali lang puntahan. Lahat ng Pasvil na Quirino ang ruta e dadaan doon."
Isinulat ni JR ang mga sinabi ni Aling Marissa pagkuwa'y ngumiti sa babae. "Teka ho't ako na'ng aasikaso sa card n'yo. Sasabihin kong personal ko kayong kakilala."
"Sige nga, iho, Namimitig na 'tong mga binti ko. Nahihiya namang pumila si Geraldine saka walang alam 'yan dito."
Ngumiti rin si JR kay Geraldine bago tumalikod.
Hindi lamang sa ayos niya hiyang-hiya ang dalaga. Nahihiya rin siyang nalaman ni JR na pumipila pa sila sa libre para lamang matingnan. Para tuloy lalong lumala ang pagdaramdam niya sa ina.
"OKEY na ho," nakangiting sabi ni JR nang bumalik sa kanila. Dala na nito ang yellow card na kailangan ng mga nagpapatinging OPD patients. "Deretso na tayo sa Derma."
"Sasamahan mo rin kami ro'n?" tuwang sabi ni Aling Marissa.
"Do'n din naman ho ang duty ko ngayon, e. Tiyempo ang pagpapatingin ni Geraldine."
Tiyempo... neknek mo.
Bad timing nga.
Sa isip lamang iyon sinabi ni Geraldine.
"Magagawan ko ng paraan na sa akin ka mapatapat," sabi sa kanya ni JR. "Baka kung sa hindi mo kakilala e mapahiya ka."
Hindi lamang niya masabing mas lalo siyang mapapahiya kung si JR ang eeksamin sa kanya.
BINABASA MO ANG
ANG UGLY DUCKLING - HELEN MERIZ (COMPLETED)
Novela JuvenilHanggang ngayon ay taglay pa rin ni Geraldine ang palayaw na ibinansag sa kanya noon ng playmate na si JR. Ducky. Dahil noong mga bata pa sila, siya'y masasabing isang ugly duckling. Pati sa sarili'y hindi makapaniwala si Geraldine na magiging magan...