Hindi ko pa rin maiwasang mailang kay Sab, ngayong alam ko nang pinsan siya ng CEO ng FlipPage.
Tinupad ko naman ang pangako ko na hindi ipagsabi kahit kanino sa opisina ang nalaman ko tungkol sa kanya, pero parang hindi ko na rin alam kung paano ko siya haharapin pagkatapos ng gabing iyon sa bahay nina Sir Frank.
Hindi ako galit dahil itinago niya sa akin. Naiintindihan ko ang dahilan niya. Saka, alam kong sasabihin din niya iyon sa akin balang-araw, naunahan lang talaga ng mga nangyari noong Sabado.
Mas nangingibabaw sa akin ang hiya. Ang pakiramdam ko kasi, may mas deserving para sa kanya kaysa sa akin. Iyong ka-level niya sa buhay. Hindi katulad kong ngayon pa lang nagsisimulang bumuo at tumupad ng mga pangarap.
Sofa pa nga lang ang nabibili ko para sa bahay namin. Kahapon iyon. Mahilig kasi manood ng TV sina Mama, kaya naisip ko na dapat naman ay komportable ang upuan nila, hindi iyong matigas na monobloc bench.
Ang layo talaga ng agwat namin sa buhay.
Alangang-alangan na nga ako sa hitsura ko para sa kanya, nadagdagan pa nito.
"Ikaw na po."
Siniko ako ni Marky na katabi ko lang ang cubicle.
"Ako na?" Abala kasi ako sa harap ng computer at tutok na tutok sa ginagawa.
"Ikaw na po daw," ani Marky.
"Anong ako na?"
"Ikaw nga. Icaonapo." Lumapit sa akin si Clarence.
Natawa ako. Ngayon ko lang na-gets, apelyido ko pala ang sinasabi. "Ah, bakit?"
Tawanan sina Clarence at Marky.
"Ssob, sabi sa 'yo, eh, lutang 'tong bata natin!" Tawang-tawa si Marky.
Tiningnan ko kung sino pa iyong isang kausap nila. Ang head pala ng Graphics Team, si Dreux o Ssob.
"Luh, Ssob. Bumalik ka na pala. Kumusta?" Natuwa naman akong makita na mukhang ayos na siya matapos ang aksidenteng nangyari sa kanya. Sa pagkakaalam ko ay pumailalim siya sa isang truck nang ma-out-of-balance siya sa minamanehong motorsiklo. Iyon ang dahilan kaya matagal siyang nawala sa opisina.
"Ayos na, palag-palag na ulit," masaya niyang sagot.
Marami kaming napagkuwentuhan bago kami bumalik sa trabaho. In-update din namin si Ssob kung ano-ano ang mga current projects ng Graphics Team at mga upcoming na gagawin pa.
Tiningnan ko ang cellphone ko. May message si Sab. Kanina pang umaga iyon pero sadyang hindi ko sini-seen.
Good morning, Robbie Bear! :)
Nakatingin lang ako doon, habang naiisip ko, kung alanganing maging kami, puwede naman sigurong maging magkaibigan pa rin. Parang okay din naman kaming mag-tropa. Masaya naman kami, nagkakasundo, okay ang vibes.
"Rob, may ipapakita 'ko sa 'yo. Check mo naman kung ayos." Nilapitan ako ni Marky. "Parang nao-off ako sa ginamit kong kulay, pero tingnan mo na rin. "
Tiningan ko kung ano iyong ipinapakita niya sa akin. Nagkomento nang konti, saka bumalik ako sa sarili kong ginagawa.
Naging abala kami sa Graphics Team buong maghapon, hindi ko namalayan ang takbo ng oras. Hanggang sa ako na lang ang naiwan sa opisina.
Naisip ko si Sab.
Tiningnan ko ang cellphone ko. Hindi ko pa pala nasagot ang "good morning" niya kaninang umaga.
Naalala ko rin na ayaw nga niyang nag-iisa sa elevator. Hindi ko talaga siya matitiis kahit hindi ko alam kung paano ko siya haharapin. Nag-reply na ako, Hi Sab. Nakauwi ka na?
BINABASA MO ANG
Surrender To A True Unyielding Spark (FlipPage Series 1)
RomanceMay bago akong kasama sa trabaho - si Sab. Maganda, as in! Mukha ring mabait - palaging bumabati sa lahat ng nakakasalubong. Hindi lang ako sigurado, pero parang rich kid din. Maraming interesado sa kanya sa opisina, mga hindi hamak na mas lamang n...