17

116 9 95
                                    

"Rob..."

Nilapitan ako ni Clarence sa pantry habang nagkakape ako mag-isa. Nasa Bali, Indonesia na si Sab, kaya wala akong kasabay mag-coffee break. Nami-miss ko na nga agad, eh, samantalang kahapon lang naman siya umalis.

"O, Clarence." Nagulat pa ako nang makita siya.

Nag-resign na kasi siya pagkatapos ng nangyaring gulo noon sa opisina.

Simula noong nagsapakan sila ni Marky, kinausap kaming tatlo ni Ssob. Ang napagkasunduan, magiging professional kami sa pakikitungo sa isa't isa sa ngalan ng trabaho. Iyon naman ang ginawa namin, pero iba na talaga ang hangin sa loob ng opisina. Hanggang sa nagpaalam na nga itong si Clarence.

"Kumusta?" tanong ko sabay alok ng kape.

"Sige lang, salamat." Umupo siya sa tapat ko. "Nag-aasikaso ako ng backpay, eh, kaya ako nandito. Ngayon ko lang naharap."

Hindi ko malaman ang sasabihin ko. Tumango na lang ako.

"'Di na nga tayo nakapag-usap, pare," nagsalita ulit siya. Alam mo na, do'n sa nangyari."

"Biglaan din kasi 'yong naging alis mo, eh," sabi ko naman.

Tumango siya. "Oo, pagkatapos no'ng nangyari, ang hirap na mag-trabaho, eh. 'Yong may samaan ng loob. Alam ko naman na ako 'yong mali, pero 'di na rin ako komportable."

Naiintindihan ko siya. Ako ngang napagbintngan lang, naiilang, eh. Sobrang tahimik ng opisina namin mula noong mangyari iyon. Hindi na talaga tulad ng dati. Baka nga kailangang may isang umalis sa kanila ni Marky.

"Humihingi ako ng pasensiya. Sorry talaga, pare," paghingi niya ng paumanhin matapos ang ilang sandali ng katahimikan.

"Sa totoo lang, lumipas naman na 'yong sama ng loob ko sa 'yo na pinagbintangan mo 'ko," pag-amin ko. "Mas naiinis ako sa sarili ko dahil wala 'kong ginawa sa maling ginagawa mo."

"Alam ko. Hindi ka masamang tao, Rob, kaya 'di 'yon natural sa 'yo," sagot niya. "Naging mabuti kang kaibigan sa 'kin. Labas do'n 'yong mga pagkakataong pinagtakpan mo 'ko. Marami kang naitulong sa 'kin, nagpapasalamat ako do'n."

Nakatingin lang ako sa kanya. Ano ba iyong mga sinasabi niyang naitulong ko sa kanya?

Para namang sinagot niya ang tanong sa isip ko. "Naaalala mo no'ng bago pa lang kaming nagsasama ni Irene at nakunan siya? 'Di ba, walang-wala kami no'n kasi kamamatay lang ni Mama at ikaw ang nagpahiram sa 'kin? Pumayag ka nga kahit hulugan ang bayad, kahit sabi mong itinatabi mo 'yon pang-tuition ng kapatid mo."

"Ang tagal na no'n, pare. Nagawa'n ko naman ng paraan 'yong tuition ni Ion no'n. Wala 'yon," sabi ko.

Umiling siya. "'Di ko makakalimutan 'yon. 'Pag kagipitan, ikaw 'yong una kong nalalapitan. 'Di ako nagdadalawang-salita sa 'yo."

Sa totoo lang, wala na sa isip ko iyong mga sinasabi niya. Pati daw iyong mga panahon na baon siya sa utang at nililibre ko siya ng lunch o hinahatian ng baon, saka iyong pinakikisiyuan niya ako na ibili ang nanay niya ng gamot noong nabubuhay pa. Tiga-Sta. Cruz lang ako, isang tumbling lang naman ang Bambang sa amin kung saan mura ang bentahan ng gamot at medical supplies. Hindi ko naman nakikita na abala iyon.

Pero natatandaan pala niya lahat iyon.

"Nag-usap na kayo ni Marky?" tanong ko.

Surrender To A True Unyielding Spark (FlipPage Series 1) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon