Isang linggo na mula nang mawala si Sab.
Halos maya't maya kung tumawag si Tita Stella sa akin. Nagbabalita maging ng kaliit-liitang detalye sa paghahanap nila kay Sab. Hindi pa rin nakikita maging ang mismong chopper na sinakyan niya, pero mga eksperto na sa larangan ang nagsasabing malaki ang posibilidad na sa dagat bumagsak ang aircraft.
Kaya hindi ako masyadong nakakatulog dahil binabangungot ako gabi-gabi. Napapanaginipan ko si Sab na sinisikap makalangoy sa gitna ng dagat na walang matanaw na lupa saan mang panig, hanggang sa dahan-dahan siyang manghina at malunod. Dinig na dinig ko ang pagsigok niya, damang-dama ko ang paghahabol niya ng hininga.
"Rob, pare..."
Namalayan ko na lang na nakatayo na pala sa likod ko sina Marky, Nica, at Ssob. Hindi ko na rin alam kung ilang oras na akong nakatulala sa labas ng bintana sa likod ng desk ko. Ipinaikot ko ang swivel chair na kinauupuan ko upang harapin sila.
"Okay ka lang, Sir? Gusto niyo po pag-usapan?" maingat na tanong ni Nica sa akin.
"O-okay lang ako," iyon lang ang naisagot ko. Iyong "pag-usapan", hindi ako sure.
"Napanood ko sa balita kahapon na may mga professional divers na pumunta sa dagat na hinihinalang nando'n ang...chopper na sinakyan ni Sab..." ani Marky.
Totoo iyon, dalawang araw mula noong mawala si Sab, naibalita na sa mga news outlets ang posibleng nangyari sa kanya. Hindi na rin naman ako nagulat dahil mula sila sa isa sa mga ma-impluwensiyang pamilya sa bansa, isa pa, baka humingi na rin ng tulong ang mga magulang ni Sab sa mga koneksiyon nila sa media at sa gobyerno para mapabilis ang paghahanap kay Sab.
Kaya naman, hindi na rin lihim sa mga kasamahan ko sa trabaho kung sino talaga si Maria Isabella Madriaga.
"Tapos, ako, nandito lang, naghihintay ng balita. Ang hirap ng ganito na wala 'kong magawa." Napa-iling ako. "Pakiramdam ko, wala 'kong silbi."
"Malaki ang maitutulong ng dasal, maniwala ka." Tinapik ni Ssob ang balikat ko. "Mag-leave ka muna. Take a break. Nagugulat nga 'ko ba't pumapasok ka pa, eh."
"Kung papayagan mo 'ko mag-leave, Ssob, pupunta 'ko ng Cebu." Desidido na ako doon. Malalagasan ako nang malaki sa savings ko sa pamasahe at iba pang gastusin, pero itataya ko na ito lahat. "Gusto kong tumulong sa paghahanap sa kahit anong paraan. Gusto kong kapag nakita na si Sab, o kung bumalik man siya, nando'n ako mismo."
"Pumunta ka na. Wala kang dapat sayangin na oras," sagot ni Ssob. "Mag-undertime ka na, asikasuhin mo na mga kailangan mo. Ako nang bahala sa mga papel."
"Maraming salamat, Ssob." Pinigilan kong maluha sa harapan ng mga kasama ko. Maangas lang talaga itong head namin pero alam ko, iba rin ang malasakit niya sa amin sa team. Lubos kong ipinagpapasalamat iyon.
***
Sinabi ko kay Tita Stella ang balak kong paglipad sa Cebu. Sa kabila ng kalungkutan, mukhang masaya naman siya nang malamang darating ako. Tama si Ssob, wala akong dapat sayangin na oras, kaya naman, kinabukasan, matapos kong magpaalam sa trabaho na magli-leave ako ay bumiyahe na agad ako pa-Cebu.
Ang daming alaala na bumabalik sa akin, pag-upo ko pa lang sa eroplano. Kailangan kong kayanin ang nerbiyos ng pag-ere mag-isa dahil wala si Sab sa tabi ko para hawakan ang kamay ko at sabihing, "maganda ang view sa ibaba mula sa itaas ng eroplano." Paglapag ko sa airport, si Manong Junnie pa rin ang sumundo sa akin. Lalo akong nalungkot. Noon, dalawa kami ni Sab na sinundo niya dito.
Si Tita Stella ang nag-insist na sunduin ako ni Manong, kahit na sabi ko ay kaya ko namang mag-commute papuntang Cordova. Doon kasi nag-i-stay ngayon ang mga parents ni Sab para mas maging madali para sa kanila ang communication at coordination sa otoridad at iba pang involved sa search and rescue operation ni Sab. Medyo malayo kasi mula sa siyudad ang Medellin.
BINABASA MO ANG
Surrender To A True Unyielding Spark (FlipPage Series 1)
RomanceMay bago akong kasama sa trabaho - si Sab. Maganda, as in! Mukha ring mabait - palaging bumabati sa lahat ng nakakasalubong. Hindi lang ako sigurado, pero parang rich kid din. Maraming interesado sa kanya sa opisina, mga hindi hamak na mas lamang n...