9

130 11 94
                                    

"Grabe, Ma, Pa, may syota na si Kuya Rob. Sobrang ganda. Si Ate Sab!"

Bidang-bida sa pagkukuwento si Ion habang nanonood kami ng TV at lumalantak ng instant pancit canton at softdrinks.

Talaga itong kapatid ko. Inunahan pa akong mag-announce sa mga magulang namin. May pagka-Jollibee din talaga ito minsan, eh. Wala pa naman muna sana akong balak sabihin. Hindi dahil nahihiya ako, kundi alam kung kukulitin ako nang walang humpay ng mga ito, lalo na ni Mama.

"Aba, eh, kailan mo ipapakilala sa 'min 'yan?" tanong ni Mama.

Kasasabi ko lang.

Bago ko pa nasagot ang tanong ng nanay ko ay ito na naman si Ion. May ipinapakita na nasa cellphone niya. "A'yan, Ma, 'yong nasa gitna, katabi ni Kuya. 'Yan siya! Nag-selfie kami kanina kasi nando'n din siya sa book fest. Kasama din siya ni Kuya sa trabaho."

"Itong mestisahin? Parang artista, ah!" Ipinasa ni Mama ang phone kay Papa. "Tingnan mo, 'tart. Sobrang ganda."

"'Tart", pina-igsing "sweetheart" ang tawagan ng mga magulang ko, pero mas madalas na si Mama ang naririnig kong tumatawag nang ganoon kay Papa.

Ibinaba ni Papa ang suot na salamin sa mata para tingnan ang nasa cellphone. Sa malayuan lang kasi malabo ang mga mata niya kaya kailangan niyang gawin iyon.

"Niloloko niyo 'ko, eh, Artista nga 'yan at nagpa-picture lang kayo. Bagong artista siguro 'to, hindi ko pa nakita sa TV 'to, eh." Hindi makapaniwala ang tatay ko.

Pati si Edie, nakitingin na rin pero wala namang sinabi, ibinalik lang ang cellphone kay Ion.

"Ano ka ba naman, 'tart. Wala ka bang bilib sa anak mo? Kita mong ang pogi-pogi niyan." Napa-igtad ako nang kurutin ni Mama ang baba ko, luh, muntik na ako nahulog sa sofa. Sa armrest pa naman ako nakaupo at hawak ko ang isang platong pancit canton.

"O'nga, Pa. Mataba lang si Kuya." Isa pa ito si Edie. Sumang-ayon na pogi ako, pero sinabihan naman akong mataba.

Pero, buong buhay ko, hindi talaga ako namulat na pogi ako. Dahil nga malaki ako mula pa noong bata, iyon, tampulan ng tukso. Saka ang alam ko noon, maputi = pogi, eh, moreno ako. Kaya ang baba ng confidence level ko kapag hitsura ang usapan. May mga nagugustuhan akong babae noon, pero takot akong manligaw dahil ang iniisip ko, maba-basted lang ako.

Noong nagka-GF ako noong college, sa socmed ko lang nakilala. Parehas kasi kami ng mga interests katulad ng arts at music. Pero, short-lived lang iyon. Mga Eight months. Parang nagbago siya mula noong nagkita kami sa personal. Sa chat lang kasi kami nagkaligawan noon, tapos, nag-meet kami after Three months. Nagvi-video call naman kami at hindi ko naman itinago sa kanya ang hitsura ko, pero ewan ko ba. T-in-ry ko pa isalba kaya umabot ng walong buwan hanggang sa nakipag-break na lang talaga siya.

"Mukhang mayaman pati. Wala tayong maipagmamalaki diyan, Pierre. Baka alipustahin ka lang ng pamilya niyan." Ang seryoso ni Papa, pero ganito talaga siya, eh. Si Mama iyong mas kalog at maingay.

Siya lang din ang tumatawag sa akin ng "Pierre". Sa mga kapatid ko ay Jean at Elodie ang tawag niya, hindi Ion at Edie. Jean Marion kasi si Ion, si Edie naman ay Marc Elodie. Hindi ko rin alam kung bakit napag-trip-an niya kaming bigyan ng French names. Iyon ngang Elodie, pambabae, eh.

"'Ya, pa'no 'pag sinabi ng mama o papa niya, "Ito ang isang milyon, layuan mo ang anak ko!" Anong gagawin mo? Tatanggapin mo ba?" tanong ni Ion. Tawanan tuloy kami.

"Liit naman ng isang milyon," angal ko.

"Nagpataas pa ng presyo ang walanghiyang 'to!" Tinapik ni Mama ang braso ko, ang sakit. Napakabigat talaga ng kamay nito kahit kailan. "Pero ano nga, mayaman nga?"

Surrender To A True Unyielding Spark (FlipPage Series 1) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon