Prologue

933 12 0
                                    

"Mama, bakit iiwanan natin si Chelly?" nagtatakang tanong ng sampung-taong gulang na si Chelsy sa ina habang patuloy ito sa paglalagay ng mga damit nila sa malaking maleta.

"M-Mama..." si Chelly, ang kakambal niya. Nasa pintuan ito at malungkot na nakatingin sa ina at kapatid. "Saan kayo pupunta? I-iwan n'yo ba ako?"

Napatigil si Julie sa pag-i-empake. Hindi nito napigil ang sarili na mapaiyak. Lumapit ito at niyakap nang mahigpit ang mga anak.

"Anak, h-hindi ko ito kagustuhan..." ani Julie. "Pero kailangan na naming maghiwalay ng papa n'yo."

Nagkatinginan sila ni Chelly. Hindi kaila sa kanila ang madalas na pag-aaway ng kanilang mama at papa. Pero hindi niya akalain na darating ang pagkakataon na magkakahiwa-hiwalay sila.

"Mama, kung aalis tayo dapat ay kasama natin si Chelly," ani Chelsy.

Hinaplos ni Julie ang buhok ni Chelly. "Chelly, hindi kita puwedeng isama. Napagkasunduan namin ng Papa n'yo na... na maiiwan ka sa kanya," hirap ang kaloobang paliwanag nito.

"Hindi natin puwedeng iwanan si Chelly, Mama!" pagtutol ni Chelsy, tumingin sa kakambal.

"Mga anak, malalaki na kayo. Sana'y maintindihan n'yo ako... kami ng papa n'yo. Hindi na kami puwedeng magsama pa at hindi ko naman kayo puwedeng isama pareho," paliwanag pa nito.

"Bakit kasi kailangang maghiwalay kayo ng Papa? Bakit pati kami ni Chelly ay paghihiwalayin n'yo!" umiiyak na sigaw ni Chelsy sa ina. Pagkasabi niyon ay dagli siyang tumakbo palabas ng silid.

"Mama, pabayaan muna natin si Chelsy," pigil ni Chelly sa ina. Umiiyak na niyakap siya ng ina. "Mama, huwag ka nang umiyak," aniya. Pinunasan niya ng kamay ang luha sa pisngi nito. "Ang anak ko..." Nanghihinang napaupo si Julie.

"Kakausapin ko si Chelsy... Maiintindihan ka rin niya."

Napatitig si Julie sa kanya. Alam nitong parehong mabait ang kambal ngunit mas madaling kausapin ang masunurin na si Chelly. Samantalang palaban at laging may katuwiran naman si Chelsy.

"Chelly, mahal ko kayong pareho ni Chelsy. Kung ako lang ang masusunod ay ayokong magkahiwa-hiwalay tayo. Sana'y maintindihan mo kung bakit kailangang maiwan ka sa papa mo." Umiiyak na tumango siya sa ina at yumakap dito nang mahigpit.

Umiiyak na nakaupo si Chelsy sa ilalim ng puno, doon sa lugar na paborito nilang puntahan ng kapatid.

"Chelsy!" Lumingon siya at nakita si Chelly. Bagama't nakangiti ay may lungkot siyang nababanaag sa mga mata nito.

Agad siyang nagbawi ng paningin. Isinubsob niya ang ulo sa mga tuhod upang itago ang pag-iyak. Lumapit si Chelly at naupo sa tabi niya.

"Chelsy, n-nalulungkot ako sa pag-alis n'yo ng Mama. Pero... pero wala naman tayong magagawa, 'di ba? Dapat ay intindihin na lang natin sila ng Papa."

"Parang ang dali-dali mong tanggapin na magkakahiwalay na tayo," umiiyak na sabi niya na hindi nag-aangat ng ulo.

"Hindi... nahihirapan din ako. Ayokong maiwan dito pero..." Tumulo ang luha sa mga mata ni Chelly. "Mga anak lang nila tayo at wala naman tayong magagawa kundi ang sumunod sa kanila."

"Natahimik si Chelsy. Hindi niya gustong maiwan sa villa lalo na at naroroon ang lolo nila. Istrikto at sobrang higpit ang matanda. Kaya lang nakakalusot ang kakulitan nilang magkapatid ay dahil pinagtatakpan sila ng kanilang mama. At alam niyang hindi iyon makakayang gawin ng papa nila.

"A-ayoko ritong maiwan kapag wala ang Mama," aniya.

"Kaya nga dapat ay masaya ka dahil hindi ikaw ang maiiwan dito."

"B-baka pagalitan ka palagi ng Lolo kapag wala na kami ng Mama," pag-aalala niya.

"Madali lang 'yon. Di magtatago ako sa kuwarto o kaya sa attic." Inakbayan siya nito at pilit na pinasaya ang tinig. "Huwag ka nang malungkot, magkikita pa naman tayo. At saka, susulatan mo ako, 'di ba?"

Marahang tumango si Chelsy.

"Kapag nalulungkot ako at nami-miss kita, titingin lang naman ako sa salamin at parang kasama na rin kita. Iyon nga lang wala ang Mama."

Nalulungkot na tumitig siya sa kakambal.

"Kapag pinagalitan ka ng Lolo, sumulat ka kaagad sa amin ng Mama," aniya.

"P-pipilitin ko ang Mama na sunduin ka na rin kaagad dito sa villa."

Umiiyak na nagyakap ang kambal.

Kawangis Ng Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon