"CHELLY?" gulat na tanong ni Chelsy nang makita ang bagong dating.
Masayang lumapit sa kanya si Chelly at yumakap sa kanya. "Aren't you happy to see me here?"
Naroroon din ang mama nila at nakangiting nakatingin sa kanila.
"N-nasorpresa lang ako," aniya na tila nakaharap sa sariling repleksyon. "W-what are you doing here?" Sumulyap siya sa ina. "Ma, hindi n'yo ba sinabi kay Chelly ang.. ang plano?"
"Sinabi sa akin ng Mama," singit ni Chelly. Nagtatakang tumingin siya muli sa kapatid. "I decided to come back para ituloy ang pagpapakasal kay Paolo."
Hindi niya malaman kung ano ang mararamdaman nang mga pagkakataong iyon.
"B-bakit... I mean... akala ko ba?"
"I'll explain everything," nakangiting sabi ni Chelly. "It's not true na sumama ako sa ibang lalaki. N-nagsinungaling ako kasi iyon lang ang naisip kong way dahil akala ko hindi na ako susundan o hahanapin pa ni Paolo."
Naguguluhang napaupo si Chelsy. Tila nanghihina siya.
"Talent manager si Oscar. Gusto kong maging modelo at alam kong hindi ako papayagan ni Lolo. At kung matutuloy ang kasal namin ni Paolo, alam kong kailanman ay hindi na matutupad ang pangarap ko," pagtatapat ni Chelly. "Ayoko na rito sa San Quintin, nasasakal ako. Pero dito gusto ni Paolo at ang buhay dito ang madalas naming pinagtatalunan. Hanggang sa nagdesisyon ako na sumama kay Oscar."
"S-so bakit nandito ka ngayon?" may kabang tanong niya.
Malungkot na ngumiti si Chelly. "Hindi ko alam na napakalaki ng nagawa kong pagkakamali to the extent na ikaw ang maiipit sa ginawa ko. I'm very sorry if I lied to you."
"P-paano na ang pangarap mo k-kung magpapakasal ka kay Paolo?" Tila namamanhid ang kanyang pakiramdam.
"I think this is the right thing to do. Lahat ng ari-arian ng Lolo ay nakansala kay Paolo. And, besides, mahal ko rin naman si Paolo. Nang malaman ko ang plano mo, nakonsiyensiya ako. Hindi ko pala kayang masaktan nang ganoon si Paolo at ang Lolo, kapalit ng pangarap ko."
Hindi nakapagsalita si Chelsy. Ano ba ang dapat niyang sabihin? Naroroon na si Chelly. Siya naman ay puwede nang bumalik sa Manila. Sa dati niyang buhay. Pero alam niyang malaki ang pinag-iba at iyon ay dahil kay Paolo.
"Nagkausap na kami ni Lolo at magpapaliwanag na lang ako kay Paolo."
Iniwas niya ang mga mata rito. Alam niyang anytime ay babagsak ang luhang pinipigil niya.
"Mabuti naman at matatapos na rin ang problema," ani Julie sa kanila.
"O-oo nga. Ah, excuse me muna," ani Chelsy na pinilit ngumiti kahit nangingilid na ang luha sa mga mata. "M-magpapalit lang ako ng damit."
Alam niyang nagtataka ang mama at kapatid niya, pero wala siyang pakialam. Dahil pagtalikod na pagtalikod pa lang niya ay nag-uunahan nang pumatak ang mga luha niya sa mga mata.
Mahal niya si Paolo. Ngunit nagbalik na ang kanyang kakambal kaya wala nang dahilan upang manatili pa siya roon.
Natitiyak niyang matutuwa si Paolo sa pagbabalik na iyon ni Chelly. At siya? Paano na siya? Mahal din niya si Paolo, ngunit hindi siya ang mahal ng binata.
Pamalit lamang siya ng kapatid at wala siyang ibang pamimilian kundi ang umalis na lamang sa villa.
WALA siyang ganang kumain ng almusal. Kaya lang siya napilitang bumaba ay para sabayan ang kanyang mama sa pagkain. Maagang umalis si Chelly kasama si Lolo Martin. Nagtungo ang mga ito kina Paolo.
"Chelsy, may sakit ka ba?" Hinawakan siya sa kamay ng ina nang mapansin ang pananamlay niya.
Pinilit niyang ngumiti. "W-wala ho."
"Kilala kita, Chelsy. Ganyan ka kapag may malaki kang problema."
"Wala, Ma." Huminga siya nang malalim. "Masama lang ang gising ko."
Tinitigan siya nito. Iniwas naman niya ang mukha dahil tiyak niya na mahahalata nito ang pamamaga ng mga mata niya na dulot ng magdamag na pag-iyak.
"You look very tired."
"N-napuyat lang ako last night. Nag-iisip ako ng isusulat para sa pagbalik ko," pagdadahilan niya.
"Sana naman ay maayos na ang lahat between Paolo and your sister."
"Sana nga," aniya sa mahinang tinig kalakip ang lungkot na nadarama. "Ma, magpapahinga lang ako." Tumayo siya at iniwan na ito.
"CHELSY, bakit hindi ka pa nakabihis?" ani Chelly nang pagpasok nito sa silid ay nakitang nakahiga pa rin siya.
"Masama yata ang pakiramdam ko." Ang totoo ay ayaw lamang niyang bumaba dahil alam niyang naroroon si Paolo. Hindi niya alam kung paano kikilos sa harap nito.
Naupo si Chelly sa gilid ng kama at tiningnan siya. "Come on, nandiyan na si Paolo. Gusto kong magkasabay-sabay tayo sa dinner."
"Kayo na lang."
"Sige na, please," paglalambing sa kanya ng kapatid. "After ng dinner ay puwede ka nang umakyat uli kung gusto mo."
"Pero..."
"No buts." Nakangiting hinila siya nito patayo. Wala siyang nagawa kundi pagbigyan ang kapatid. Kahit na masakit para sa kanya na makita si Paolo.
BINABASA MO ANG
Kawangis Ng Pag-ibig - Jennie Roxas
RomanceLumapit sa kanya si Paolo at mabilis na kinamkam ang kanyang mga labi. Ngunit sa halip na itulak ito ay gumanti siya ng halik at yakap dito. Gusto niyang madamang muli ang mga halik at yakap nito kahit sa huling pagkakataon. Mahal niya ito. Gusto ni...