HINDI magawang lunukin ni Chelsy ang kinakain dahil sa nadaramang tensyon. Magkaharap sila ni Chelly at katabi nito si Paolo na alam niyang ang mga mata ay sa kanya nakatuon.
"So, you're going to postpone the wedding," ani Lolo Martin kay Chelly.
Napaangat ang ulo ni Chelsy sa narinig. Napatingin siya kay Paolo at nagtama ang mga mata nila. Hindi niya mabasa ang emosyon na nasa mukha nito.
Masaya na ito marahil dahil sa pagbabalik ni Chelly.
"Chelsy," ani Chelly na tinawag ang pansin niya. May sinabi ito na hindi niya narinig dahil ang atensyon niya ay nakatuon kay Paolo.
"You're not listening," nakangiting puna ni Chelly.
"H-ha?"
"Sabi ko why don't you extend your vacation here?" ulit ni Chelly. Hindi niya alam kung nahalata nito ang tensyon na nadarama niya nang mga oras na iyon.
"W-why?" Pinilit niyang ngumiti. Iniwas niya ang mga mata nang mapagawing muli kay Paolo.
"I know you've been under pressure these past few weeks at gusto ko namang makabawi. Hindi lang kay Paolo kundi pati sa 'yo."
"K-kailangan ko na talaga kasing bumalik sa Manila. May mga naiwan akong trabaho," pagsisinungaling niya.
"May babalikan ka lang yata sa Manila, e," tukso ni Chelly. Hindi siya kumibo.
"Kaya siguro nagmamadaling umalis si Chelsy ay may naghihintay nga sa kanya," ani Paolo na walang kungiti-ngiti at matiim ang pagkakatingin sa kanya.
Hindi niya maiwasang makadama ng inis. Paano ba niya sasabihin sa binata na kung siya ang tatanungin ay mas gugustuhin na niyang manatili sa San Quintin kapiling nito.
Ngunit tila nakalimutan na siya ni Paolo. Pati na ang namagitan sa kanila dahil sa pagbabalik ni Chelly, ang totoong minamahal nito.
Itinuon niya ang mga mata sa kinakain.
"Kailangan ko lang talagang bumalik sa Manila."
"Both." Hindi niya napigilan ang sarili na lihim na irapan ang binata dahil sa tila pang-iinis nito.
Manhid ka ba para hindi malaman na ikaw ang dahilan kung bakit aalis ako? sigaw ng isip niya.
"Anyway, basta promise mo you'll be here sa wedding day and you'll be my maid of honor," masayang sabi ni Chelly.
"O-of course."
"I'm really happy that you're back, Hija," sabi ni Lolo Martin. "Sana ay hindi na maulit iyon."
"Hindi na po, dahil nakapag-isip-isip na ako." Ipinatong ni Chelly ang kamay sa kamay ni Paolo. "Magiging simpleng maybahay na lang ako ni Paolo."
May kirot siyang nadama sa simpleng aksyon na iyon ng kakambal. Nagseselos siya at nasasaktan, pero alam niyang wala siyang karapatan. Alam niyang mahal ni Paolo si Chelly at ang nangyari sa kanila ay dapat na lang niyang ibaon sa limot. Marahil pagbalik niya sa Manila ay makakalimot din siya. Bibigyan niya ng chance si Perry na makapasok sa puso niya upang malimot ang lahat.
PAGKATAPOS ng dinner ay nagtungo si Chelsy sa garden. Pakiramdam niya ay nasusuffocate siya sa loob ng kabahayan.
"It seems na hindi ka na makatagal dito at gusto mo nang umalis."
Napalingon siya kay Paolo. Bumilis ang tibok ng kanyang puso pagkakita rito.
Inilayo niya ang mga mata. "B-because I don't belong here."
"And where do you belong? Sa boyfriend mo na naghihintay sayo?" sarkastikong tugon ni Paolo.
"Yes, and... ngayong nandito na si Chelly wala nang dahilan pa para manatili ako rito."
Kahit na iyon ang gusto ng puso ko, ang makasama ka.
"Ganoon na lang ba sa iyo ang nangyari sa atin?" ani Paolo. Hindi niya inaasahang sasabihin nito iyon.
"I-I'll just charge it to experience."
Bigla ang galit na bumalatay sa mukha ng binata. "Charge it to experience?" May pang-uuyam sa tono nito. "What do you think your boyfriend will say kapag nalaman niya na may nakauna na pala sa kanya?"
"Wala, dahil hindi iyon ang importante. Ang importante ay mahal niya ako..."
"Kaya pala ganoon lang kadali sa iyo na ibigay ang katawan mo... Siguro kung naghintay lang si Lance ay maaaring sa kanya mo ibinigay ang—"
Dumapo ang kamay ni Chelsy sa pisngi ni Paolo.
"Y-you have no right to..." Nanginginig ang boses niya sa galit. "Alam mong walang ibang lalaki."
Hinaplos ni Paolo ang pisngi nitong bahagyang namula. Hindi naman niya malaman ang sasabihin dahil sa galit.
"Don't ever insult me again dahil kahit kailan wala akong dapat ipaliwanag sa 'yo. Go to hell for all I care," aniya. Alam niyang kasinungalingan lamang iyon, pero gusto niyang saktan din ito dahil sa pananakit na ginawa nito sa kanya.
Lumapit sa kanya si Paolo at mabilis na kinamkam ang kanyang mga labi. At sa halip na itulak niya ito ay gumanti siya ng halik at yakap dito. Gusto niyang madama muli ang mga halik nito na nakapagpapabaliw sa kanya. Kahit sa huling pagkakataon man lamang.
Mahal niya ito; gusto niyang isigaw iyon.
Ngunit alam niyang hindi niya iyon makakayang gawin dahil ayaw niyang magmukhang tanga at kawawa. Hindi siya ang mahal ni Paolo. Kawangis lamang siya ng tunay nitong pag-ibig.
I love you, anang isip niya. Naramdaman niyang natigilan si Paolo sa ginagawang paghalik nito.
Inilayo siya nito at tinitigan. Tila may binabasa ito sa kanyang mukha.
Para naman siyang natauhan. Itinulak niya ito palayo.
"You said something?" kunot ang noong tanong nito.
"I-I hope you're satisfied now," pigil ang luhang sabi niya. "Excuse me, b-baka makita pa tayo ni Chelly." Mabilis na tinalikuran niya ang binata, sabay sa pagpatak ng mga luha.
PAGBALIK niya sa Manila ay inabala ni Chelsy ang sarili. Kapag hindi siya nakaharap sa computer ay sumasama siyang lumabas sa kanyang mga kaibigan o kay Perry. Hindi niya alam kung nahahalata ng nobyo ang lungkot na nadarama niya. Akala niya ay makakalimot kaagad siya, ngunit habang lumilipas ang mga araw ay lalong tumitindi ang nadarama niya. Aminin man niya o hindi sa sarili ay nami-miss niya si Paolo. Gusto niya itong makitang muli, ngunit kailangan niyang pigilan ang sarili. Kung ayaw niyang mas lalong masaktan.
Sana ako na lang si Chelly, nasabi niya sa sarili. Magkahawig lang talaga sila ng kapatid.
Hanggang doon lang iyon.
Dahil ang puso ni Paolo ay pag-aari ng kakambal niya.
BINABASA MO ANG
Kawangis Ng Pag-ibig - Jennie Roxas
RomanceLumapit sa kanya si Paolo at mabilis na kinamkam ang kanyang mga labi. Ngunit sa halip na itulak ito ay gumanti siya ng halik at yakap dito. Gusto niyang madamang muli ang mga halik at yakap nito kahit sa huling pagkakataon. Mahal niya ito. Gusto ni...