Chapter 1

499 5 0
                                    

"DAMN!" Naiinis na idinuldol ni Chelsy ang sigarilyo sa ashtray. Kanina pa siya nakaharap sa computer pero ayaw gumana ng isip niya. Writer's block. Kailangan na niyang matapos ang article na isinusulat dahil minamadali na siya ng kanyang editor. Tumunog ang cellphone niya. Tiningnan muna niya sa screen kung sino ang tumatawag at nang makitang ang mama niya ang nasa kabilang linya ay saka lang niya iyon sinagot.

"Chelsy, dadaanan mo ba ako rito sa boutique?" tanong kaagad ng mama niya nang sagutin niya ang cellphone.

"I'm sorry, Ma. Baka hindi na kita masundo. May meeting ako ngayon. Mag-taxi ka na lang muna." Tumingin siya sa alarm clock. "My gosh, male-late na pala ako."

"Okay just be home early and drive safely," paalala ng ina.

"Sige na, Ma. See you later." Pinatay niya ang cellphone.

Tumayo siya at mabilis na nag-ayos ng sarili matapos i-shut off ang computer. Natitiyak niyang mata-traffic na naman siya at male-late sa meeting nila. Kung bakit kasi hindi siya time conscious. Kapag kasi nakaharap na siya sa computer ay nakakalimutan na niya ang lahat.

Pasakay na siya sa kotse niya nang muling tumunog ang cellphone niya.

Si PERRY naman ngayon ang nasa kabilang linya. Ito ang kanyang latest boyfriend. Sa halip na sagutin ay ini-off niya iyon at sumakay na sa kotse. Nagmamadali siya. Sigurado namang kukulitin lang siya ng nobyo na lumabas sila.

Nang makalusot siya sa traffic ay ini-on niya muli ang cellphone. Wala pang ilang minuto ay tumunog iyong muli.

"At last, na-contact din kita, babes," masaya ang tinig na sabi ni Perry sa kabilang linya. "I've been trying to get in touch with you these past few days."

"Marami akong trabaho ngayon," aniya.

"Babes, don't tire yourself too much. Why don't we go out and have some fun," suhestiyon nito.

"I don't think that's a good idea, Perry."

"Come on, babes," pangungulit ng lalaki.

"Perry, I'm on the road right now. Saka na lang tayo mag-usap."

"Why don't we see each other tonight, babes."

Here we go again. Nakadama na naman siya ng inis dahil sa pangungulit nito. Alam naman nito na may deadline siyang hinahabol. At kapag ganoon na ang sitwasyon, hindi siya lumalabas.

"Look, Perry, super to the max busy ako ngayon at alam mo naman kapag ganito—"

"Yeah, kaya lang I miss you na, babes."

Huminga siya nang malalim. "I'm sorry, Perry, but I can't see you tonight. Not even tomorrow or even the day after tomorrow."

"Babes—"

"Just call me later, okay. Choppy ang line mo."

Mabilis niyang pinatay ang cellphone bago pa makapag-react ang nobyo. Kung minsan ay napipikon na siya sa kakulitan nito lalo at pagod siya at may iniisip na trabaho.

SA EDAD na beinte-dos ay nagtatrabaho bilang isang writer si Chelsy. Nagsusulat siya sa isang kilalang pambabaeng magazine, ang The Lady's View. Nagtapos siya ng Mass Communication. Hilig niya talaga ang magsulat. Noong una ay contributor lang siya, hanggang sa magkaroon na rin siya ng sariling column sa nasabing magazine.

Si Perry ay panglima na sa naging boyfriend niya. At tulad ng mga nakaraang pakikipagrelasyon, hindi niya gaanong sineseryoso ang relasyon niya rito. Bank accountant si Perry; mabait at may hitsura ito. Iyon nga lang ay super-kulit ng lalaki. Kaya lang niya ito sinagot ay dahil na rin sa pangrereto ng mga kaibigan nila.

Kawangis Ng Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon