Kabanata 5

20 0 0
                                    

Lilith Trilogy Book 1:

Lilith and the Vehemian Prince

Kabanata 5

Suot ang kasuotang pansanay na inihanda ng aking mga tagapagsilbi, walang alinlangan akong pumasok sa bilog na bulwagan kung saan naghihintay na ang tatlong prinsipe. Ang pulang kapa na may balahibo, na ayon sa aking tagapagsilbi ay mula sa hindi pangkaraniwang tupa, ay nakayakap sa aking balikat. Ang botang pandigma ay gumagawa ng ingay sa aking bawat hakbang.

Ang tatlong prinsipe ay matikas na nakatindig sa pabilog na bulawagan at kapwa nakasuot ng kanilang kasuotang pansanay. Gaya ko ay may kapa din silang pula. Kapwa rin nakasuot ng itim na gwantes. Sa kanilang baywang ay nakayakap ang kalupi ng kanilang gintong espada. Halos pare-pareho ang hulma nito ngunit magkakaiba ang disenyo.

Sa esapada ng unang prinsipe ay may nakaukit na korona. Sa ikalawang prinsipe ay tila latigo na may tinik at sa dulo ng gintong hawakan ay rosas ang nakaukit. Sa pinakabatang prinsipe ay may nakaukit na kalahati ng buwan na sa gitna'y may isang malaking bituin.

"Narito na ang ating Binibini," anunsyo ni Prinsipe Rust.

"Pisikal na pagsasanay," iyon ang turan ko.

"Tama, Binibining Liliosa. Alam mo ba kung sino ang magsasanay sa atin?"

"Hindi pa niya kilala ang ilan sa magagaling nating mandirigma, Ras," pigil ni Prinsipe Ros sa kaniyang kapatid. "Maaari nating ipagpaliban ang pisikal mong pagsasanay, Lilith. Alam kong wala ka pang sapat na kaalaman. Kung nais mo'y kakausapin-"

"Narito na pala kayong lahat," isang tinig ang pumutol sa dapat ay sasabihin ni Prinsipe Ros. Bumaling kami sa entrada ng bulwagan kung saan din ako pumasok kanina. Isang matipunong lalaki ang nakatindig doon. Nakasuot ng pandigma. Sa kaniyang likod ay naroon ang kaniyang dalawang espadang pilak na naka-krus.

Ngunit hindi siya nag-iisa. Sa kaniyang likuran ay nakasunod ang punong kawal na si Nimrod.

Nakalapit sila sa amin, hindi nababahiran ng ngiti ang mga labi, at nagbigay pugay sa tatlong prinsipe.

"Ang babaeng itinakda," bati sa akin ng mandirigma na unang pumasok. "Ako si Ricos, ang pumapangalawa sa pinakamagaling na mandirigma sa Fanta Vehema." Pakilala nito sa akin.

"Liliosa," pakilala ko.

"Kaming dalawa ang magsasanay sa inyo," wika ni Nimrod. "Ipagpaumanhin mo, binibini, ngunit nagbilin ang hari na kabilang ka sa pagsasanay ngayong araw."

Kasabay noon ay inilahad niya sa akin ang kahoy na armas na siyang madalas kong ginagamit sa pagsasanay namin ni Kenon. Nakaramdam ako ng kalungkutan ngunit agad kong iwinaksi iyon.

"Sinabi ni Reyna Cassia na ibigay ko raw ito sa'yo."

Tinanggap ko iyon. Pagkamangha ang bumalot sa akin nang sa pagkakalapat noon sa aking palad ay bigla iyong nagliwanag.

"Ika'y kinilala ng sarili mong sandata," iyon ang wika ni Ricos. "Ang bawat sandata ay may kakayahang piliin at kilalanin ang nagmamay-ari sa kaniya. Ang taglay nitong kapangyarihan ay mapapalabas lamang ng nagmamay-ari sa kaniya."

"Ngunit hindi ito nagliwanag nang unang beses itong ibinigay ni Kenon sa akin."

"Dahil ikaw ay nasa mundo ng mga norpel, Binibini. Ang kakayahan at kapangyarihan ng isang sandata ay hindi nagagamit kapag wala ito sa lupain ng Fanta El Mento. Iyon ay isang espesyal na proteksiyon na ipinagkaloob ng mga taga-panday ng ating mundo."

Akala ko'y isang normal na arnis lamang ito at hindi ko akalaing may nakakubling kapangyarihan ito.

Nakakamngha na ang bawat bagay na natutuklasan ko sa mundong ito'y nagdadala ng misteryo na hindi masasagot ng kahit anong aklat na aking nababasa. Mga hiwagang nakakubli. Mga misteryong naghihintay ng pagtuklas.

Lilith and The Vehemian PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon