Kabanata 22

4 0 0
                                    

Arceli Angeles: I did not proof read this chapter. Errors ahead. Thank you and happy reading <3

---

Lilith Trilogy Book 1:

Lilith and the Vehemian Prince

Kabanata 22

Pinalaki akong matapang. Pinalaki akong matatag. Hindi nabubuwag. Sa bawat pagsasanay na ginagawa namin ni Kenon noo'y ni minsan ay hindi ko narinig sa kaniya ang kahit anong pag-aalala.

Sa bawat init ng nagbabagang apoy, sa bawat unos na hatid ng along nagngangalit, sa bawat rahas ng hanging bumubulong at sa bawat haplos ng mga tinik ng halaman sa aking balat, ni minsa'y hindi siya naging marahan sa akin. Mga sugat na nagdurugo'y lalong idinidiin upang mas maramdaman ko ang sakit. Nabibingi sa mga iyak at hinagpis na dulot ng kaniyang patalim sa aking balat.

Walang rahan. Walang pag-aalala. Lahat ay mabagsik. Lahat ay walang kaawaan.

Ganoon niya ako sinanay.

Hindi niya ako sinanay sa rahan. Gumaspang ang aking kamay hindi dahil sa pagbuburda gamit ang magagandang tela kundi dahil sa walang humpay na pagsasanay gamit ang aking kahoy na sandata. Ako'y hindi naging wais dahil sa pagbabasa lamang ng mga libro o mga araling may kinalaman sa Fanta El Mento kundi dahil sa mga paraang itinuro sa akin ni Kenon. Ang mga kilos ay hindi pinong gaya sa ibang babae. Bawat kilos ay may tinatagong karahasan, kalkulado ngunit agresibo.

Ako'y sinasay na walang lambing at rahan. Ako'y sinanay na marahas upang protektahan ang aking sarili sa mga traydor at mga mapagsamantala sa mundong hindi kinalakihan.

Sa pagkamatay ni Kenon, napagtanto ko kung bakit niya ako sinanay na ganoon. Hindi ako sinanay upang maging isang reyna lamang. Sinanay akong maging isang reynang kayang ipagtanggol ang sarili at ang kahariang paglilikuran. Ganoon din ang haring aking luluhuran.

Kasama sa sinanay sa akin ay ang katatagan ng loob at ang pagkontrol sa aking emosyon. Hindi dapat nananaig ang emosyon. Hindi dapat nagpapakita ng kahinaan.

Ang mga ganitong emosyon ay hindi ko dapat nararamdaman. Ang mga ganitong emosyon ay bago rin sa akin. Ang mga pag-aalala'y hindi pamilyar sa akin. Hindi dapat akong umiiyak dahil lamang sa pinagdudahan at nasaktan ko ang prinsipe. Hindi dapat ako nalulungkot kung hindi niya ako pinapansin.

Ngunit hindi ko magawang isantabi iyon. Lalo pa't buong araw pagkatapos ng gabing iyon na nagkausap kami ng prinsipe sa ilalim ng puno ng dyosa ng apoy ay hindi niya ako pinagtutuunan ng pansin. Na kahit ang aming mga kasama'y napapansin na ang pagiging malamig ng isinumpang prinsipe sa akin.

"Napapansin kong hindi kayo nag-uusap ni Ros, Lilith?" iyon ang bungad sa akin ni Prinsipe Rust nang salubungin niya ako sa paanan ng hagdan. Naroon na rin ang Pegarong ipinadala ni Prinsipe Fiore noong nagdaang araw.

Ngayon ang araw na kami'y tutungo sa Flora. Pagkatapos akming pulungin ng hari'y rito na agad kami nagtungo ni Prince Rust samantalang naiwan si Prinsipe Ros kasama ang hari at si Ras. Siguro'y para masigurong walang ibang magiging problema habang kami'y wala sa palasyo. Kaunting paghahanda lamang ang aming ginawa dahil hindi naman mahaba ang paglalakbay dahil sa lagusan kami dadaan gamit ang Pegaro.

Tumitig lamang ako sa pangalawang prinsipe at sa halip na sumagot ay binigyan ko lamang siya ng isang maliit na ngiti.

Alm kong napapansin na nila kanina pa sa pagpupulong na iba ang pakikitungo ng prinsipe sa lahat. Lalong higit sa akin. Ni kahit tingin nga yata'y hindi ako tinatapunan ng prinsipe. Ni hindi ko rin nagawang makapagpahinga nang ayos nang ihatid niya ako kagabi sa aking silid sapagkat batid kong may nag-iba sa kaniyang emosyon.

Lilith and The Vehemian PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon