Chapter 24

1 0 0
                                    

Habang nagbabasa ako sa bench ay may naramdaman akong naupo sa tabi ko. Nag-angat ako ng tingin sa lalaking tumabi sa akin at napagtantong si Sincere iyon. Nakangisi siya sa akin ngayon at bumaba ang tingin sa binabasa ko.

"Review na review, ah."

Hindi ko siya inimikan. Ibinalik ko ang tingin sa binabasa pero hindi ko na magawang magpokus at naghihintay na lang sa susunod niyang sasabihin.

"Ano plan mo after grade nine? Isang buwan lang yata ang fourth quarter natin at wala nang gaanong ipinapagawa. Evaluation na lang," aniya.

Tumikhim ako at umayos ng upo. Tumango ako sa impormasyon na sinabi niya dahil hindi ko alam iyon. Sinagot ko siya nang ang tingin ay nasa binabasa pa rin.

"Dito pa rin naman ako. Kapag pinalad maging vice president, e 'di goods, kung hindi ay hindi."

Sunod na bumalot ang katahimikan sa amin. Gusto na niya talagang magkaayos kami. Gusto ko rin naman iyon kasi sino ba namang hindi. Pero ayokong biglain na bati na kami. Isa pa, may attitude ang mga kaibigan niya. Ayokong isiksik ang sarili sa friendship nila.

"Sumali ka ba?" tanong ko.

"Uh-huh. President."

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nahuli ang tingin sa akin. Uminit ang pisngi ko sa atensyon na binibigay niya sa akin. Ano ibig sabihin n'yan, ha?

"Sino-sino kayo?" Ikinunot ko ang noo.

Alam mo, Elyjah, kung ganito ka lang din naman, huwag na kayo mag-usap. Hayaan mong maging hangin na lang kayo sa isa't isa katulad nang dati. Panigurado namang hindi kayo palaging magtatagpo dahil magkaiba kayo ng section.

"Ako, si Mishi, Carlisle, tatlo sa kaklase ko, at si Ate Aiah," sagot niya at humalukipkip. Hinarap niya ang katawan sa direksyon ko.

"Si Ate Aiah?" ulit ko.

Tumango siya. "College representative. Accountancy."

Grabe naman pala dito sa VU. Kahit ganitong edad katulad namin ay malayang sumali sa SSG at nananalo pa! Madalas kapag ganito ay dapat mga senior na namin ang humahawak sa ganitong bagay dahil may maturity na sila pero akalain mo 'yon, kahit grade 10 ka pa lang yata ay p'wede ka na maging presidente.

"Ano pangalan ng partido niyo?"

"Matatag party list. Sa inyo ba?" Nilagay niya ang dila sa loob ng kabilang pisngi kaya para lumobo ang pisngi niya.

"Sandigan..." Umiwas ako ng tingin.

May Sandigan na nga, may Matatag pa. Ayos.

Mahina siyang natawa. "Lakas siguro ng amats ng nagpangalan sa partido natin. Sandigan saka Matatag?" Napailing-iling siya habang natatawa.

"Bakit?" natatawa kong tanong. "Sino ba nagpangalan sa inyo?"

"Ako!" Mas lalo siyang natawa.

Napailing-iling ako. "Ikaw? Malakas talaga amats mo!" Humagalpak ako sa tawa. Sinarado ko na ang binabasa at tuluyan na siyang hinarap. "Matatag ka pa, ah! Ano 'yan? DepEd Matatag?!"

Hindi unique ang pangalan ng partido namin. Gusto ko sana lagyan ng meaning iyong sa amin kaso ayaw ni Parzival, mag-iisip pa kami, e, hindi naman pangalan ng partido namin ang magpapanalo sa amin.

"Bakit? Sino ba sa inyo? Don't tell me, ikaw?" Ngumisi siya.

"Hindi, ah!" tanggi ko sabay iling. "Si Parzival! Natawa nga ako no'ng sinabi niya iyon! Hindi ko lang ipinakita dahil alam kong mag-aalburoto iyon. Boogsh!" Iminuwestra ko pa ang kamay na parang sumabog.

Young Love (Almost #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon