Chapter 2

617 10 0
                                    

LAHAT ng natutuhan ni Maggie sa Home Economics tungkol sa table setting ay ini-­apply niya nang ipaghain niya ang dalawa ng meryenda. Pati ang mommy niya ay namangha.

Imagine, maghahain lang ng minatamis na saging at gulaman at sago ay kompleto pa pati sa table napkin ang mesa.

"Wow!" sipol ni Marlon. "Mukhang dalaga na ang kapatid ko, ah?"

"She looks older," ani Lawrence.

Alam niyang sumulyap ito ng tingin sa kanya ngunit nagpatay-­malisya siya. Kunwa ay abala siya sa paglalagay ng crushed ice sa mataas na baso.

"Sino, si Maggie?" kunwa ay maang na tanong ni Marlon. "Kinse anyos lang iyan. Ipinaglihi lang siguro sa kapre kaya ganyang singlaki yata ng puno ng kawayan."

"Marlon, kainis ka!" depensa niya agad.

"Maggie," banayad na saway ni Gilda. "May tao." Sinulyapan nito si Lawrence. "Pasensiya ka na sa magkapatid na iyan. Bihira na ngang magkita ay para pang mga aso't pusa."

Ngumiti si Lawrence. "Wala hong problema. Ganyan nga ho ang nami-­miss ko. Nag-­iisa lang kasi akong anak."

"Malungkot nga," komento naman ng mommy niya. "Mabuti at pumayag ang parents mo na dito ka sa amin mag-­holiday. Nag-­iisa ka lang pala."

"Wala naman ho sila rito sa Pilipinas. May business conference ang papa ko sa Europe at isinama niya si Mama. They decided na doon na rin mag-­celebrate ng New Year. Okay lang naman ho sa akin. Tutal ay inimbita naman ako ni Marlon dito sa inyo."

Matamis namang ngumiti si Gilda. "You're always welcome, hijo."

"Salamat ho."

Tapos na si Maggie na maglagay ng crushed ice. Inilagay niya iyon sa isang panig ng mesa katabi ng pitsel na may timplang arnibal at sago.

"O, ikaw, bakit hindi ka sumalo sa amin?" pansin ni Marlon sa kanya.

"Ayoko. Malapit na ang tanghalian, masisira ang gana ko."

"Gana? Kailangan mo pa ba iyon?" Nambubuska na naman ito. "Kung hindi ko pa alam, may alaga kang Godzilla sa tiyan mo."

Inirapan niya ito at saka padaskol na umupo sa isang dulo ng mesa. Pabor sa kanya iyon. Si Lawrence ay sa kabisera pinaupo ni Marlon. Sa magkabilang gilid ay sina Marlon at Gilda.

Eight-­seater ang mesa. Tamang-­tama ang distansiya para matitigan niya si Marlon sa paraang hindi naman ito mako-­conscious; at hindi rin siya masyadong mahalata.

Lawrence had a boyish face. Hindi mukhang beinte-­kwatro kagaya ng edad ni Marlon. May dimples ito sa magkabilang pisngi na kahit hindi ngumiti ay kusang lumalalim sa simpleng paggalaw ng mukha.

His eyes were soft brown. At kung tumingin ito ay tila laging naaaliw. Noon lang siya nakakita ng mga matang tila laging tumatawa. Normal lang ang tangos ng ilong ng binata ngunit sa paningin niya ay walang problema roon. And if there was something na talagang pag-­uukulan ng second look sa mukha nito, iyon ay ang mga labi nito.

It was pinkish. Kasing-­rosas yata ng gilagid nito. Gusto niyang matawang mag-­isa. Sa sandaling oras ay napansin na niya ultimo kulay ng gilagid ni Lawrence.

Paano ba naman ay may isang bagay na ikinuwento si Marlon na sukat ikahagalpak ng tawa ng mga ito. They were laughing in a manner na para bang hindi na magsisitawa kinabukasan. Natigil lang ang mga ito nang mapansin siyang wala man lang kangiti-­ngiti.

Si Marlon ang unang napalingon sa kanya. She was staring at nothing. Ang mga mata ay tila nakalutang at bahagya pang nakaawang ang bibig. Ngunit walang magsasabing mukha siyang namatanda. It was more of she was under a spell.

Just One Kiss - Jasmine EsperanzaWhere stories live. Discover now