Chapter 1

1.8K 18 2
                                    

"ANO BA talaga ang nangyari?" Bumubungad pa lang si Lirio sa pintuan, nagtatanong na siya sa ina.

Nasa sala si Mrs. Mercedes Castillo. Ang paa ay nakatapak sa mesita at ang isa ay nabebendahan. Lumuwang ang ngiti sa mga labi nito nang makita siya.

"Wala ito. Natapilok lang ako. Namaga."

"Wala?" ungol niya at yumuko upang hagkan ito sa noo. "Mukhang wala na kayong magagawa kung hindi ang maupo maghapon. Paano kayo rito? Ni kasamang mag-aabot sa inyo ng tubig ay wala."

Biyuda na ang kanyang ina. Bata pa lang siya, namatay na ang kanyang ama, at wala naman siyang naging kapatid. Tatlong taon na rin silang magkahiwalay na mag-ina. At maliban sa minsan-minsang pagdalaw, sa pagtawag na lamang sa telepono sila bumabawi sa isa't isa.

Head teller siya sa isang commercial bank sa Caloocan. At kahit na may branch na ang nasabing bangko sa kanila sa Nueva Ecija, hindi naman siya nakapag-request ng transfer of assignment. Nakalinya siya sa promotion. Bago matapos ang taon, nakatakdang magretiro ang isang supervisor.

Dalawang araw lang ang hiningi niyang bakasyon sa opisina. Huwebes ng gabi ay itinawag sa kanya ng ina na nagka-injury ito. At hindi niya mapapayagang hindi man lang ito nadalaw, kung kaya't kinabukasan din ay umuwi siya sa Cabanatuan. Sinamantala niya na sulitin na ang pag-uwi at Martes na lang siya ng madaling-araw luluwas.

"Malayo ito sa bituka," pabale-walang wika ni Mercedes. "Naaasikaso ko pa naman ang sarili ko kahit paika-ika."

Nilabian niya ito. "Kinokonsiyensiya ninyo naman ako. Mama, alam naman ninyo na 'di pa ako makakalipat ng trabaho. 'Di naman ho kasi madali iyon. Ako ang nagsusuhestiyon sa inyong kumuha kayo ng makakasama rito, ayaw naman ninyo."

Umiling ito. "Tama na sa akin iyang pinsan mong si Shirley. Tatlong beses isang linggo ay naririto siya para siyang gumawa ng ibang gawain. Hindi naman ako sanay na palagi na lang na nakaasa."

"Eh, bakit ho nagkaganyan ang paa ninyo?" banayad niyang sumbat. "Kung dito na ninyo pinatitira si Shirley, utos na lang kayo nang utos."

"Kailangan rin siya sa kanila. Nag-iisang babae lang iyon ng Tiyo Ponso mo." Kumilos ito upang tumindig.

Agad namang nakaalalay si Lirio, ngunit pinalis nito ang kanyang kamay. Napailing na lang siya. Ganoon talaga ang kanyang ina. Hanggang makakaya, hindi iaasa ang sarili sa iba.

Sumunod na lang siya nang tunguhin nito ang kusina. May almusal nang nakahain sa mesa.

Ang percolator sa malapit ay sigurado siyang mayroong umuusok na kape. Napangiti siya. Iyon ang nami-miss niya kapag nasa Caloocan siya. Madalas ay tanghalian na ang kain niya para sa almusal. Ngunit kapag nasa Cabanatuan siya, hindi makakapayag ito na walang laman ang kanyang sikmura.

"Kain na tayo," sabi nito.

Tahimik lamang siyang kumain. Matatapos na sila nang magsalita ito. "May handaan bukas sa mga Romero," wika nito.

Natigil siya sa pag-inom ng kape. Tumingin pa muna siya sa ina bago nagbukas ng mga labi. "Anong okasyon?"

"Engagement party. Ikakasal na si Gabriel," parang nananantiya pang wika nito.

Nagkibit siya ng balikat. "Walang problema sa akin, Mama. Magkaibigan naman kami ni Gabriel kahit na nagkahiwalay na kami."

Tipid itong napangiti. "Mabuti naman. Nasa isang lugar lang kasi tayo. Kahit walang nagsasalita, alam ng mga nasa paligid ang naging relasyon ninyo."

"Tapos na ho iyon. Kung mag-aasawa na siya ngayon, masaya ako para sa kanya."

"Lirio.."

Napatitig siya sa ina. Kabisado niya ang ganoong tono nito. Alam niyang may ipakikiusap ito sa kanya kung hindi man may hihilingin.

Hating, Loving Each Other - Jasmine EsperanzaWhere stories live. Discover now