Chapter 6

683 10 2
                                    

Walang baong damit si Lirio para sa pormal na okasyong gaganapin sa bakuran ng mga Romero. Ngunit hindi niya maaaring gawing dahilan iyon para hindi dumalo. Hindi magugustuhan ni Sophia at lalo na ni Gabriel.

Nasasabik din siyang makitang muli ang kaibigan. Inaasahan niyang si Gabriel ang makikita, ngunit ang lagi nang mapanglait na personalidad ni Angelo ang nakatagpo niya.

Tiningnan niya ang oras. May kulang isang oras pa para siya makapaghanda ng sarili. Si Mercedes ay nagsabi na sa kanyang gustuhin man nitong pumunta sa engagement party ni Gabriel, hindi nito magagawa.

Mabilis na siyang naligo. Isang simpleng evening dress na binili niya sa isang boutique nang umagang iyon ang nakatakda niyang isuot. Kung nalaman lang niya ang okasyong iyon nang mas maaga, paghahandaan niya iyon nang husto.

She wanted to look her best. Maraming bisita ang nakakaalam ng naging relasyon nila noon ni Gabriel. Hindi niya gustong tapunan ng mga naaawa nitong tingin kung napakasimple ng kanyang gayak. At isa pa, hindi niya gustong tumanggap muli ng masasakit na salita mula kay Angelo. Sa pamamagitan man lang ng maayos at sopistikadong pagbibihis, maipakita niya ang kanyang dignidad. Kailangan niya iyon kahit sa panlabas lamang na anyo.

Dahil kahit nang mga oras na iyon, dama niya ang kapangyarihan ni Angelo na mapailalim siya rito.

"Baka mahuli ka, Lirio." Mula sa kabilang pinto, narinig niya ang tinig ng kanyang ina.

Mabilis siyang nag-apply ng makeup. Manipis lamang at maingat na maingat siya sa paglalagay. Hindi niya gustong magmukhang clown sa dami ng kulay. Sa halip, pinili niya ang earth colors. At tanging ang lipstick ang bahagyang matingkad ang kulay—scarlet flame, para hindi naman siya magmukhang maputla sa tama ng liwanag ng ilaw.

Sigurado siyang nagniningning na naman ang buong bakuran ng mga Romero. Bihirang magdaos doon ng okasyon, ngunit tinitiyak ni Sophia na ang lahat, mula sa pinakamaliit na detalye hanggang sa pinakamalaki, ay ayos na ayos at walang maipipintas ang mga bisita.

Nilagyan lang niya ng mousse ang buhok saka maayos iyong sinuklay. Nang matiyak na hindi na iyon magugulo, kinuha ang bote ng pabango. Nagwisik siya ng Pleasures sa mga pulse points at sa buong katawan. Ugali na niya iyon—na kulang na lang, pati talampakan ay wisikan ng pabango. Ngunit tinitiyak niyang hindi naman siya mukhang naligo sa pabango para lumikha ng trailing scent sa lugar na dadaanan niya. Nababalanse niya ang pagwiwisik niyon.

Nang maisuot ang damit, ilang sandali ring pinagmasdan niya ang sariling repleksyon sa salamin. Pinili niya ang yaring iyon—Sabrina style na walang manggas, hanggang kalahati ng binti ang diretsong tabas na may slit sa magkabilang gilid para sa komportable niyang paghakbang. Mukhang konserbatibo ngunit hindi rin naman. At kapag tumalikod siya, litaw ang halos kalahati ng makinis niyang likod sa ukab niyon.

Nagsuot na siya ng sapatos at kinuha ang katernong purse. Nang lumabas siya, nakaabang sa kanya si Mercedes. Nasa mga mata nito ang piping paghanga sa kabuuan niya.

"Aalis na ako, Mama," paalam niya.

"Tiyak kong gagabihin ka. Dalhin mo na ang susi nitong bahay para hindi ka na manggising."

Tumango siya at kinuha sa ibabaw ng ref ang susi. Dinampot din niya ang susi ng kotse. Sa bihis niyang iyon, alangan na sumakay siya sa tricycle lalo't may magagamit naman siyang sasakyan.

MARAMI na ang mga bisita. At suwerte lang niya na may natira pang espasyo sa loob ng bakuran ng mga Romero para maipasok niya ang sasakyan. Sinaluduhan pa siya ng guwardiya nang makita siya.

Kaagad niyang hinanap si Gabriel. Hindi naman ito mahirap hanapin lalo't kasama nito si Jenelyn, ang punong-abala sa pagtanggap ng mga bisita.

"Lirio!" Halos magkasabay sina Jenelyn at Gabriel sa pagtawag sa kanya nang magtagpo ang kanilang mga mata. Bakas sa mga ito ang kasabikan sa kanya.

Hating, Loving Each Other - Jasmine EsperanzaWhere stories live. Discover now