Chapter 7

757 16 2
                                    

Walang direksyon ang kanyang lakad. Nang makita niyang nasa dirty kitchen siya ng mansyon, ay tiwala siyang doon na magdaan para makaiwas kay Angelo. Ni walang pumansin sa kanya. Busy ang mga kusinera sa pag-aasikaso sa mga lumalapit na waiters.

Nasa dining room na siya nang mamataan si Angelo. Sa wari, ay sinusundan din siya nito at sinadyang salubungin siya ng daan. May kislap sa mga mata nito nang sandaling magtama ang kanilang mga paningin, ngunit napigil ng isang bisita ang tangka nitong paglapit sa kanya.

Nasa hagdan na siya. Patalilis, umakyat siya roon. Gusto niyang magpalipas ng sandali sa maliit na sala sa itaas. At inaasahan niyang hindi iisipin ni Angelo na umakyat siya roon. Mas malamang na ipagpalagay nitong bumalik siyang muli sa kusina at mula sa back door ay muling makihalubilo sa mga bisita.

Napasimangot siya nang pagdating sa itaas ay may nakahiga sa mahabang sofa. Isang pinsan nina Angelo at Gabriel na ilang beses na rin niyang nakita. Sa ayos nito, ay lango na. Tulog na tulog ito at hindi namalayan ang kanyang presensya.

Pasimpleng sumilip siya sa ibaba. Mula roon ay tanaw ang malaking bulwagan. Pilit niyang ikinubli ang sarili sa higanteng haliging kahoy. Nasa main door si Angelo, kausap pa rin ang umabalang bisita. Sa mukha nito ay nakalarawan ang pagkainip at pandalas ang sulyap sa lugar na kinakitaan sa kanya.

Umalis siya roon at naghanap ng lugar na maaaring pagpalipasan ng oras. Kahit gusto niyang bumaba, ay hindi niya gagawin nang oras na iyon. Makakakita siya ni Angelo.

Binaybay niya ang pasilyo. Hilera iyon ng mga kuwarto. Sinubukan niyang buksan ang isa. Tiyak niyang isa sa mga guest rooms iyon ngunit naka-lock.

Lima ang guest rooms doon, bukod pa sa malalaking kuwarto nina Gabriel at Angelo. Sa dulo ay ang master's bedroom na siyang pinakamalaki.

Nasa pang-apat na siya ngunit isa man ay walang bukas na pinto. Inisip niyang sa banyo na lamang magpalipas ng ilang sandali kung ang panlimang guest room ay nakakandado rin. Bumigay ang doorknob ng huling pinto at nakahinga naman siya nang maluwag. Ang kuwarto ay nasa panig na nakaharap sa lawn. Kung sisilip siya sa bintana, ay makikita niya ang kasiyahan.

Gamit ang liwanag na naglalagos sa bintana, ay tumuloy na siya sa loob. Hindi na niya inabala ang sarili na magbukas ng ilaw. Diretso ang hakbang na nanungaw siya sa bintana.

Nagkakasayahan ang mga bisita. Nakita niyang pumagitna si Marcial Romero at kinuha ang mikropono sa inarkilang combo. Kahit hindi masyadong naririnig, ay halos alam na niya ang sasabihin nito. At hindi nga nagtagal, sumigabo ang palakpakan at nagpunta sa gitna ang parehang Gabriel at Jenelyn.

Naghalikan sila, na lalong ikinalakas ng palakpak ng mga naroroon.

Lumapit si Angelo. Anyong bumati. Kinamayan ang kapatid saka magaan na hinalikan sa pisngi ang magiging hipag. At wala sa balak nito ang mang-agaw ng eksena. Saglit lang at nawala na rin ito sa gitna.

Kung saan napunta si Angelo ay hindi na nasundan ng kanyang tingin. Mas natuon ang pansin niya kina Gabriel at Jenelyn. Nagsimulang sumayaw ang dalawa. At matapos ang isang tugtog, ay unti-unti nang napuno ng mga pareha ang dance floor.

Umalis na siya sa bintana. Alam niyang mayamaya lang ay mas mainit na ang party. Makakatalilis na siya.

Kasabay ng paghila niya ng pinto, ay siya namang pagbukas niyon mula sa labas. Pareho silang nagulat. Muntik na siyang mapagibik kung hindi lamang niya maagap na natakpan ang bibig. Si Angelo ay nangunot ang noo. Waring manghang-mangha ito sa di-inaasahang tao sa silid.

Subalit mas madali itong nakabawi sa pagkabigla. Nawala ang paglalim ng gatla ng noo at isang ngiti ang sumilay sa mga labi nito.

"Well, well... a pleasant unexpected visitor at my room," amused na wika nito.

Hating, Loving Each Other - Jasmine EsperanzaWhere stories live. Discover now