Chapter 4

632 9 1
                                    

NAGKIBUTAN ang mga face muscles ni Angelo. At hindi naiwasan ni Lirio na kabahan. Parang may patalim na humihiwa sa kanya ang uri ng tingin nito. At halos kusang sumara ang kanyang mga mata para hintayin na lamang ang igaganti nito.

Marahang tawa ang nagpamulat na muli sa kanya.

"Bakit ganyan ang itsura mo?" nanunuyang wika nito. "Natatakot ka ba sa konsekwensya ng ginawa mo? Lady, kung hindi ka handa sa mga susunod na maaaring mangyari ay dapat na pinag-iisipan mo muna ang mga bagay bago mo gawin."

Numipis ang kanyang mga labi. Muli ay tila siyang tigreng nakahagilap ng panibagong tapang. "Kung ikaw itong nag-iisip muna bago ako insultuhin, hindi ka makakatikim ng sampal ko."

Hindi nawala sa mga labi nito ang maluwang na ngiti. "At matapang ka pa rin pala," ulos pa nito. "I wonder, ano kaya ang nagtutulak sa iyo para makapagsalita ng ganyan? Si Gabriel kaya?" pailing-iling na wika nito.

"Ayoko nang makipag-usap sa iyo!" pabulong ngunit mariin niyang sabi.

"Ayaw nga ba?" tuya na naman nito. "Bakit hindi mo pa sabihin kung magkano nga ang gusto mo, layuan mo lang ang kapatid ko?"

Pauyam siyang ngumiti. "I'm sorry. Walang katumbas na halaga ang pagtingin ko kay Gabriel."

"At sa palagay mo ay paniniwalaan ko iyan? Lahat ng bagay ay may katumbas na halaga."

"Maliban sa pag-ibig," aniya.

"Isang milyon, Lirio."

Nagitla siya sa walang kaabug-abog na wika nito. Gayunman, hindi siya nagpahalata. Pinanatili niyang kalmado ang sarili.

"Sa iyo na ang isang milyon mo, Angelo Romero." Kataka-takang walang kaemo-emosyon ang kanyang tinig. At kung hindi rin lang niya marahil nalalaman na nagpapanggap lang siya para sa katayuan ni Jenelyn, iisipin niyang napakawagas ng pag-ibig niya kay Gabriel sa pagkakataong iyon na tinatawaran ni Angelo ang naturang damdamin.

Tumiim ang ekspresyon ni Angelo. Tila napagtanto nitong hindi basta-basta mababali ang kanyang pasya.

"You are playing your cards right, Miss Castillo," patangu-tangong sabi nito. "Sabagay, ganyan talaga ang negosyo. Kailangang alam mong laruin ang hawak mong baraha. At sa kaso mo ay pag-ibig ang negosyo mo. Sabihin mo sa akin, magkano ang gusto mo?"

Mapakla siyang ngumiti. "Mabibigo kang bilhin ang pag-ibig ko."

"At sa palagay mo ay hindi ko inaasahan ang sagot mong iyan? I should know. Nagpapataas ka ng presyo."

"Pity you. Hindi mo matanggap na may mga bagay na hindi natutumbasan ng salapi."

"O kaya naman ay alam mo kasing higit ang magiging pera mo kung magpapakasal kayo ni Gabriel."

"Kung magpapakasal kami, iyon ay dahil sa pag-ibig, hindi dahil sa kung ano pa mang materyal na bagay."

"Pinabibilib mo ako nang husto sa mga sinasabi mo. Para bang gusto kong maniwala na napakalalim ng pag-ibig mo sa kapatid ko. Pero iba ang nakikita ko sa mga mata mo. Wala kang pag-ibig sa kapatid ko. At kung anuman ang rason sa likod ng panghahawak mo sa relasyon ninyo ni Gabriel, malalaman ko rin sa malaon at madali."

"Ganoon naman pala, bakit kailangan mo pang ipagpilitang bilhin ang pag-ibig namin? Kung kaya mo kaming paghiwalayin, gawin mo na hanggang maaga. Baka magising ka na lang isang araw na kasal na kami at wala ka nang magagawa."

Gusto niyang hingalin sa kanyang sinabi. Hamon na hamon ang kanyang pakiramdam. Pinagtakhan na rin niya kung paanong bigla na lang lumalabas sa kanyang bibig ang kanyang mga isinasagot dito. Samantalang kung tutuusin, mas madaling aminin na magkaibigan lang naman silang talaga ni Gabriel at walang kuwenta ang kanilang pinag-uusapan dahil si Jenelyn ang talagang iniibig nito.

Hating, Loving Each Other - Jasmine EsperanzaWhere stories live. Discover now