Matalim ang tingin na ipinukol niya kay Angelo. Kulang na lang ay magbuga ng apoy ang mga mata ni Lirio para tupukin ang kabuuan ng binatang tumambad sa kanya. Ngunit sa halip, pinuno niya ng hangin ang kanyang dibdib saka humakbang palihis sa kinatatayuan nito.
"Ipagpaumanhin mo, hindi ako nagpunta dito para ikaw ang kausapin ko," aniya sa pinakamataas na tinig.
"Really? Si Gabriel pa rin ba ang pinagkakamatayan mo?" Ni hindi nabalino si Angelo sa asidong nasa tinig niya.
"Wala kang pakialam. Ang importante ay hindi ikaw ang makausap ko. Ang totoo ay ni makaharap ay hindi ko nanaisin kung ikaw lang naman."
"Whew!" eksaheradong bulalas ng binata. "Watch your tongue, lady. Baka kainin mo ang sinasabi mo."
"Makikiraan," aniya, anyong tutunguhin ang daan pabalik sa lanai, ngunit maagap ang kamay nito na pumigil sa kanya.
"May pag-uusapan pa tayo." May diin sa tono nito.
Halos maningkit ang mga matang umangat ang tingin niya rito. "Kung anuman ang pag-uusapan natin, matagal na iyong tapos. Tinapos mo iyon nang paghiwalayin mo kami ni Gabriel."
Tumaas ang sulok ng labi ni Angelo. "Ako ba ang sinisisi mo sa paghihiwalay ninyo? Think again, Lirio."
Pinigil niyang mapapikit nang mariin. Kung hindi siya nagkakamali, wala pang limang beses na tinawag siya nito sa kanyang pangalan. At sa tuwing mangyayari iyon, tila nais niyang kiligin.
Sa kanyang pandinig, nag-iiba ang paraan ng pagbigkas nito sa pangalan niya kumpara sa ibang tao na palagi na ay tumatawag sa kanya. Lirio. Kapag binibigkas ni Angelo ang pangalan niya, tila ba naroroon ang paglalambing—malayung-malayo sa intensyon nitong insultuhin siya.
Nagtagis ang kanyang mga bagang. Insultuhin. Iyon lang ang tanging alam na gawin nito sa kanya noong una pa man. At magpahanggang ngayon, iyon pa rin ang nais nitong ipamukha sa kanya.
"Ano?" untag nito. "Naisip mo na bang tama ako sa sinabi ko? Ikaw ang pumili sa kung ano ang relasyon ninyo ngayon ni Gabriel."
"Kahit kailan, napakaarogante mo." Pigil na pigil ang emosyon niya. "Ikaw ang nagmaniobra sa relasyon namin."
"Ako nga siguro. Pero ang natatandaan ko ay matigas ka. Hindi ka magpapamanipula sa ibang tao kung ayaw mo. O mas tama yatang sabihin na hindi ka magpapamanipula kung hindi rin lang tama ang presyo?"
Awtomatikong umangat ang isang kamay niya. Ngunit bago nakadapo ang kanyang palad sa pisngi ni Angelo, maagap na iyong nasangga nito.
"Subukan mong gawin, Lirio. Kung napayagan kita noon, hindi na ngayon. Pagsisisihan mo."
"Hinahamon mo ba ako?" galit na wika niya.
"Nahahamon ka ba?" balik na tanong nito.
Pabagsak siyang huminga. "Napakaimposible mo!" saka niya binirahan ng talikod.
Walang anumang sinundan siya ng tingin nito. Wala siyang kamalay-malay na sa likod niya ay nag-iwan ng tipid na ngiti ang mga labi ni Angelo.
Diretso ng uwi si Lirio. Nagbilin lang siya sa mayordoma ng mga Romero para ipasabi kay Sophia na uuwi na siya. At sa halip na sumakay sa tricycle, nilakad lang niya ang isang block. Hindi niya iniinda ang init ng sikat ng araw. Mag-aalas-onse na ang oras sa kanyang relo at dahil palagi siyang nakakulong sa air-conditioned na bangko, mahapdi sa kanyang balat ang init. Ngunit bale-wala iyon kung ikukumpara sa inis na nararamdaman niya sa dibdib. Iyon ding inis na iyon ang dahilan ng pagkunot ng noo niya at hindi ang pagkasilaw sa sikat ng araw na nasa harapan niya.
Kahit kailan, hindi niya makakalimutan kung paano sila unang nagkatagpo ni Angelo.
Malapit sila ni Gabriel sa isa't isa. Labas-masok siya sa tahanan ng mga ito. Likas na mababang-loob ito. Hindi nito tinitingnan ang katayuan niya sa buhay.
YOU ARE READING
Hating, Loving Each Other - Jasmine Esperanza
De Todo"Sabihin mo nga sa akin, ano ang gusto mong kapalit para hiwalayan mo ang kapatid ko?" Sa pakiramdam ni Lirio ay pabulong lamang iyon na nagmula sa ibabaw ng kanyang ulo. "Wala kang dapat na hinging kapalit," sabi niya sa pilit na pinatatatag na tin...