May dumating na bisita si Sophia. Kahit na ayaw nitong iwan sila at nais pa sanang makipagkuwentuhan sa kanya, napilitan itong umalis.
Iyon din ang gusto niyang gawin—ang umalis. May pakiramdam siyang naiwan siyang nakakulong sa hawla kasama ang isang leon. At ang tingin niya sa kaharap na leon ay napakabangis kahit na wala pa itong ginagawang kilos.
"Why don't you eat?" pansin ni Angelo.
Matabang ang tinging ipinukol niya rito bago sinulyapan ang pagkain. Bahagyang itinulak niya ang platito ng crema de fruta palayo sa kanya.
"Wala akong gana. Nagpunta lang ako rito para pagbigyan ang imbitasyon ng mommy ninyo. Ngayong wala na siya, mas gusto kong umuwi na."
Tumaas ang sulok ng labi nito. "Nagmamadali ka? Inilaan ko pa naman sana ang oras na ito para muli kang makaharap."
Tumaas naman ang kanyang kilay. "Really?" sarkastiko niyang tugon. "Interesado ka palang makausap ako."
"Very interested, so to speak," ayon nito. "Alam mo naman ang dahilan, hindi ba?"
Umalon ang kanyang dibdib. "Talagang desidido kang presyuhan ang pag-ibig ko kay Gabriel, ganoon ba?"
Bahagyang idinukwang nito ang sarili palapit sa kanya. "Bakit? Mukha ba akong nagbibiro sa pinag-uusapan natin? Tell me, nakapag-isip ka na ba?"
"Hindi ko kailangang mag-isip. My answer is no."
"No?" ulit nito na tila napapantastikuhan sa isinagot niya. "Isang milyong piso ang tinatanggihan mo kung nakakalimutan mo."
"Isang milyon o kahit na magkano pa man. Wala akong pakialam," matigas na wika niya.
Napailing-iling ito. Hindi niya alam kung kasiyahan ang kanyang nakikita sa mukha nito o pagtataka. Kagyat itong tumindig.
Hindi niya gustong sundan ito ng tingin kung saan papunta, ngunit malakas ang hatak nito. Kahit sa sulok ng kanyang mga mata, nagawa niyang tingnan kung saan ito pupunta. At waring may pumalyang tibok sa kanyang puso nang gumawi ito sa kanya.
Tumigil ito sa mismong likuran niya. She felt herself stiffened. Para bang kahit anong kilos ang gawin niya ay hindi niya magagawa dahil sa pagkakalapit nito. Halos bumitin ang kanyang paghinga.
Hindi niya naisip na kayang magkaroon ni Angelo ng kontrol sa kanya sa ganoong kasimpleng paraan. At gusto niyang kainisan ang sarili. Ano at nagkaroon ito ng ganoong epekto sa kanya?
"Sabihin mo nga sa akin, ano ang gusto mong kapalit para hiwalayan mo ang kapatid ko?"
Mahina lamang ang boses nito. Sa pakiramdam niya, pabulong lamang iyon na nagmula sa ibabaw ng kanyang ulo. Ramdam niya ang bahagyang pagyuko nito na tila nais samyuin ang amoy ng kanyang buhok.
"Wala kang dapat na hinging kapalit," sabi niya sa pilit na pinatatag na tinig. "Hindi mo kami kayang paghiwalayin ni Gabriel."
"Kaya?" tila nakakalokong sagot nito. "Hindi ko inaasahang magmamatigas ka."
Bigla ang ginawa niyang paglingon. At sa ginawang iyon, halos mag-abot ang kanilang mga mukha. Sa ilang sumunod na sandali, wala isa man sa kanila ang gumawa ng kilos para magkaroon ng mas malaking distansya sa pagitan nila.
Dumaplis sa mukha niya ang mainit-init na hininga nito. Tila iyon ang nakagising sa kanya. Ibinaling niya sa ibang direksyon ang leeg para umiwas, ngunit mas maagap ang isang kamay nito. Sa isang iglap, dumako iyon sa batok niya. At sa isang marahan ngunit pirming mosyon, naibalik nito sa dati ang posisyon ng kanyang leeg at sinalubong ng mga labi nito ang kanyang mga labi.
Awtomatiko ang pagpikit ng kanyang mga mata. Mula sa puso niya, naramdaman niya ang isang uri ng pananabik na banyaga sa kanya. Naramdaman niya ang bahagyang pagdiin ng mga labi nito. Iyon marahil ang nagpagising sa kanya. Determinadong hiniklas niya ang pagkakahawak nito sa kanya saka mabilis na tumindig.
YOU ARE READING
Hating, Loving Each Other - Jasmine Esperanza
Ngẫu nhiên"Sabihin mo nga sa akin, ano ang gusto mong kapalit para hiwalayan mo ang kapatid ko?" Sa pakiramdam ni Lirio ay pabulong lamang iyon na nagmula sa ibabaw ng kanyang ulo. "Wala kang dapat na hinging kapalit," sabi niya sa pilit na pinatatatag na tin...