Chapter 3

775 14 1
                                    

Walang nakakaalam sa kinahinatnan ng relasyon nila ni Gabriel. Kahit kay Mercedes ay hindi niya sinabi ang totoo. Hindi naman likas na mapagtanong ang kanyang ina sa personal na bagay tungkol sa kanya, at hindi rin naman siya palakuwento.

Madalas pa rin siya kina Gabriel. Kung tutuusin, wala namang nagbago sa pagtitinginan nila, maliban na nga lamang sa mga pagkakataong naroroon ito sa babaeng talagang nagustuhan.

"Lirio!" Malayo pa lamang ay tinatawag na siya nito. Napangiti siya. Mula sa kinauupuan, tumayo siya at gumanti sa kaway nito. Ngunit nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha nang mapansing madilim ang bukas ng mukha nito.

"May problema ba?" tanong niya nang ganap itong makalapit.

Bahagya itong tumango. "Si Jenelyn."

"Ano'ng problema sa girlfriend mo?"

"Kagaya mo noon. Insecure."

"Insecure?" protesta niya. "Hindi ako ganoon, ah?" dugtong pa niyang depensa.

"Ang ibig kong sabihin ay sa kalagayan ninyo sa buhay. Hindi naman sila iyong dukhang matatawag, pero siguro nga sa pamantayan ng marami ay mahirap pa rin siya kumpara sa yaman nakikita sa amin." Binuntutan nito ng buntong-hininga ang sinasabi.

"Gusto nang makipag-break sa iyo?"

"Ayoko," kaagad na sagot nito. "Lirio, may gusto lang sana akong ipakiusap sa iyo."

"Shoot! Basta ba kaya ko," game na sagot niya.

"Gusto ko sana, wala munang makaalam ng tungkol sa amin ni Jenelyn. Baka puwedeng palabasin natin sa kanilang lahat na tayo pa rin."

"Hindi ba't iyon nga ang alam nila? Na tayo pa rin? Wala namang problema sa akin. Kaya lang, baka sa girlfriend mo ikaw magkaproblema. Papayag ba siya?"

"Wala namang siyang alam tungkol sa iyo. Ang gusto ko, maging secured muna ang feelings niya na hindi ko siya lolokohin lang. Gusto ko kasi, 'pag ipinakilala ko siya sa pamilya ko, iyong talagang malapit na kaming magpakasal."

"Kasal? Nag-aaral ka pa lang, Gabriel. Sigurado ka ba sa mga sinasabi mo?" Para siyang nakatatandang kapatid na nagsermon dito.

"Sigurado ako sa pagmamahal ko sa kanya, Lirio. Ngayon ko nakikita iyong pagkakaibang sinasabi mo sa akin noon. At gusto kong gawing lahat para lang mapatunayan ko sa kanya na seryoso ako."

"Seryoso ka pala, bakit hindi mo siya ipakilala sa mga magulang mo?"

"Ayaw pa niya. Hindi pa raw siya handa. Ang gusto niya ay 'pag nakatapos na kami pareho sa pag-aaral. Para daw hindi malait nang husto ang katayuan niya. Sinasabi ko nga sa kanya, hindi naman ganoon ang parents ko, eh. Pero ako na rin ang pumayag sa bandang huli. Lalo at paparating si Angelo. Mabuti nga siguro na itago na muna ang tungkol sa relasyon namin."

"Ibig mong sabihin ay si Angelo ang kontrabida sa inyo?"

Nagkibit ito ng balikat. "Ewan ko. Siguro. Hindi ko alam kung makikialam sa akin si Angelo pero ang importante sa akin ngayon ay ang maprotektahan ko ang relasyon namin ni Jenelyn. Mahal ko si Jenelyn, hindi ko siya gustong masaktan."

"Di kontrabida nga si Angelo." Tiyak ang bawat salita niya. Nadagdagan ang inis na nasa dibdib niya para sa lalaking hindi pa man niya ganap na nakikilala.

"Mapagbibigyan mo ba ako sa hinihiling kong pabor, Lirio?"

"Ang magkunwaring girlfriend mo?"

"Puwede ba?"

Tumango siya. "Hindi naman iyon mahirap gawin. Isa pa, mukhang may thrill ang ganoon."

May ngiting gumuhit sa mga labi nito. "Salamat."

Hating, Loving Each Other - Jasmine EsperanzaWhere stories live. Discover now