Nang tumapat ang kotse ni Angelo sa tapat ng flower shop, nagmamadali na siyang bumaba. Alam niyang kabastusan, ngunit hindi na niya ito inanyayahan pang bumaba. Nagkamali siya sa inaasahang aalis na rin ito. Sa halip, ito na ang nag-imbita sa sarili para sumunod sa flower shop.
"Lirio," bati ni Mabel. Sa mga mata nito ay nakabadha ang pagtataka sa pagpasok ng lalaki na obvious na nakasunod sa kanya. "Who's he?" pabulong na tanong nito sa kanya.
"Kababayan ko," matipid na sagot niya. Hindi niya gustong pahabain pa ang eksplanasyon tungkol sa presensya ni Angelo. Ngunit atas ng kagandahang-asal ay napilitan siyang ipakilala ang dalawa.
"Pasensya ka na," baling ni Mabel sa kanya matapos makipagpalitan ng ngiti kay Angelo. "Kung hindi lang kailangan ito, hindi na kita pababalikin. Malayo rin ang biyahe. Sabagay, mukhang may knight in shining armor ka."
Nanunudyong sinulyapan nito si Angelo. Anhin naman niyang pandilatan si Mabel, ngunit hindi niya gustong magkamalay ito na si Angelo ang responsable sa dinadala niya.
"Maaga ang delivery ng tulips bukas," pag-iiba niya sa usapan.
"That's not a problem. Hindi pa naman nakakauwi si Juvy. Siya na ang sasabihan kong maagang pumasok bukas para ma-relax ka naman nang kaunti," sagot ni Mabel.
"Narinig ko ang pangalan ko." Bumungad si Juvy. Kagaya ni Mabel, nakuha rin ang atensyon nito ng binata. "Aba't ang seksing buntis ay may guwapong kasama," walang preno nitong wika.
Parang gustong atakehin ni Lirio sa narinig. Anhin na lang niya ay bumuka ang kinatatayuan at lumubog siya sa lupa. Hindi niya gustong salubungin ang tingin ng binata, ngunit tila may puwersang nanggagaling doon para lingunin niya.
Walang mababakas na emosyon sa mukha ni Angelo. Sa unang tingin ay tila nga wala itong narinig. Ngunit nasa mga mata nito ang isang uri ng galit na pinatutungkol sa kanya. Una itong naglayo ng tingin.
"Kung wala nang gagawin si Lirio, magpapaalam na kami. I promised her dinner tonight. Sige, Mabel, nice meeting you." At saka binalingan si Juvy. "And you, lady. Remind me next time we meet that there's something I owe you."
Parang bakal ang kamay ni Angelo na humila sa kanya. Ni hindi niya nakuhang magpaalam kay Mabel. Nang makalabas sila ng flower shop, halos pakaladkad na siyang hilahin nito.
"Ano ba?" angil niya. "Madadapa ako!"
"You've got to explain, Lirio." May panganib sa tinig nito. Ngunit naramdaman niyang naging masuyo rin ang paghawak nito. Inalalayan pa siya nito hanggang sa maayos siyang makasakay sa kotse.
Paharurot na pinaandar nito ang kotse. Ang galit ay halatang ibinuhos nito sa pagmamaneho. Hindi siya makakibo. Sa halip, hinagilap niya ang seatbelt at ikinabit sa katawan. Wala siyang ideya kung saan siya nito dadalhin. Isa lang ang tiyak niya. Hindi ang kalyeng dinadaanan nila ang daan pauwi sa tinitirhan niya sa Caloocan.
Saglit lang at lumusot sila sa Pasay Road. Ilang liko pa ang ginawa nito bago nito ipinasok sa basement ng isang condominium building ang sasakyan.
"I have a unit here. Come, mag-uusap tayo," anito.
Wala pa ring kibo na bumaba si Lirio. Sumunod lang siya rito nang tunguhin nila ang elevator. Pakiramdam niya ay napakatagal ng sandaling hinintay niya para bumukas ang elevator. Ang sumunod niyang namalayan ay iginigiya na siya nito na pumasok sa isang unit.
"Why didn't you tell me?" kaagad na tanong nito nang makapasok sila. Minibar ang tinungo nito at ni hindi inabala ang sariling isalin ang alak sa baso. Mula sa bote ay diniretso nito ng tungga ang alak.
"Nag-usap na tayo noon. I told you to inform me kung magbubunga ang gabing iyon. Naghintay ako ng kahit na tawag mula sa iyo. Ngunit hindi mo ginawa kaya inisip kong wala. Kung hindi pa ako sumama sa iyo sa flower shop at kung hindi dahil sa taklesang babae roon, hindi ko pa malalaman!" nag-iigting na wika nito. "Bakit hindi mo sinabi sa akin?" ulit nito.
YOU ARE READING
Hating, Loving Each Other - Jasmine Esperanza
Random"Sabihin mo nga sa akin, ano ang gusto mong kapalit para hiwalayan mo ang kapatid ko?" Sa pakiramdam ni Lirio ay pabulong lamang iyon na nagmula sa ibabaw ng kanyang ulo. "Wala kang dapat na hinging kapalit," sabi niya sa pilit na pinatatatag na tin...