CHAPTER FIVE
“TSONG!” patiling tawag ni Randy kay Lady nang lumabas siya ng bahay.
“Napasugod ka?” Pinagbuksan niya ito ng gate at pinapasok.
“Tsong, kasama ako sa ga-graduate,” masayang pagbabalita nito.
“Talaga?” Masaya siya para dito bagama’t nakadama ng lungkot para sa sarili. “Mabuti at nakahabol ka pa.”
“Ikaw lang kasi—” Napailing ito. “Di sana sabay tayong ga-graduate.”
“Saan ka mag-aaral ng college?”
“Sa La Salle sana kaso—” Lumungkot ang mukha nito. “Tumawag si Daddy at ang sabi ay sa Amerika ko na raw ituloy ang pag-aaral ko.”
“Ayaw mo n’on...sa Amerika ka na titira?”
Nagkibit-balikat ito. “Kung sa bagay. Pag-meryendahin mo naman ako.”
“Matakaw ka talaga,” tukso pa niya bago pumasok sa kusina para ipaghanda ito ng meryenda.
Natutuwa siya para kay Randy ngunit kinabahan siya nang maalala si Vince. Pupunta rin kaya ito sa Amerika? Itatanong sana niya iyon nang makabalik na siya kaya lang ay nag-alangan siya. Kahit nga ang sabihin ditong nobyo na niya ang kapatid nito ay hindi niya magawa.
“Basta sa graduation, kailangan nando’n ka, ha?” ungot nito sa kanya.
“Oo na. Basta magpapakain ka,” biro niya rito.
“Ikaw nga dapat dahil natalo kita. Remember?” tatawa-tawang sabi nito.
Iyon ang akala mo, naisaloob niya.
“O, ano, hindi ka na nakakibo riyan?”
Pinagkiskis pa nito ang dalawang palad.
“Mukhang may matatalo ako.”
Kunwa’y sumimangot siya. “Kumain ka na nga lang.”
Hanggang sa makaalis ito ay hindi niya nasabing magkasintahan na sila ni Vince. Hindi rin niya nasabi na umuurong na siya sa pustahan nila.
NAGPAALAM agad ang mama niya nang inabutan niyang kausap nito sa salas si Vince.
“I’m ready!”
Tinitigan siya ni Vince.
Na-conscious siya. “Pangit ba ang suot ko?”
“No. Kaya lang, hindi kaya isipin ng makakakita sa atin na cradle snatcher ako?” natatawang sabi nito. Muli nitong pinasadahan ng tingin ang suot niyang maong at maluwang na T-shirt.
“Sandali...magpapalit lang—”
“Huwag na.” Hinawakan siya nito sa kamay.
“Then let’s go.” Hinila na niya ito palabas ng pintuan.
Maghapon silang naglibot sa Maynila. Dinala siya nito sa Robinson’s Place. Nagpatulong ito sa paghahanap ng regalo para kay Randy. Nasa department store sila nang tawagan siya nito. Itinaas nito ang hawak na bestidang puti.
“Isukat mo.” Iniabot nito iyon sa kanya.
“Ito?” napamaang na tanong niya.
“Bagay sa ‘yo ‘yan,” nakangiting sabi nito.
“Ma’am, dito po ang fitting room,” anang saleslady na nakangiting lumapit sa kanila.
Wala na siyang nagawa kung hindi isukat ang damit. Diretso ang bestida hanggang bukungbukong. Malambot ang tela niyon kaya kumukurba sa magandang hubog ng katawan niya. Nakita niya ang kasiyahan sa mga mata ni Vince nang lumabas siya ng fitting room.
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
General FictionNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation