CHAPTER THREE
“BILIB na talaga kami sa ‘yo, Lady,” ani Weng nang magkita sila sa tambayan at malamang break na sila ni Joel.
“Tsong, ang guwapo ni Joel...sayang,” sabi naman ni Randy.
“Sa ‘yo na lang kung gusto mo.”
“Puwede ba?” nakangiting tanong nito.
“Puwede. Saka may usapan tayo, ‘di ba? Kaya dinispatsa ko na.” Kinindatan niya ito.
“Kayo, ha!” si Weng. “May sikreto na naman kayong dalawa.”
“Mag-celebrate naman tayo para sa breakup nina Lady at Joel.”
Nagtawanan ang lahat.
“NAND’YAN ba ang kuya mo?” tanong ni Lady nang makapasok sa bahay nina Randy. Ewan niya pero ang lakas ng kabog ng dibdib niya.
“Oo, nasa pool siya,” bulong nito. “Doon tayo.”
Hinawakan siya nito sa kamay. Nang malapit na sila sa pool ay eksakto namang umahon mula roon si Vince. Naka-swimming trunks ito kaya kitang-kita ang ganda ng pangangatawan. May mahinhing balahibo sa dibdib pababa sa puson nito hanggang sa bahaging natatakpan na ng trunks. Wala itong taba sa katawan. Tila siya nagising sa pagkakahipnotismo. Napatuon ang mga mata niya sa guwapong mukha ni Vince na tulad ng dati ay magkasalubong na naman ang mga kilay.
“Dito ka muna. Hintayin mo ako,” ani Randy at pagkuwa’y tumingin sa kapatid. “Kuya, bahala ka muna kay Lady. Hahanapin ko lang ang materials namin para sa project.”
Hindi siya sang-ayon ng maiwang mag-isa. Gusto na niyang umatras ngunit nakaalis na si Randy. Lumapit sa gawi niya si Vince at naupo sa silyang bakal na malapit sa inuupuan niya.
“So, where is your boyfriend?”
Nagulat siya nang magtanong ito. Itinuon niya ang mga mata sa swimming pool. Nagkunwari siyang nalilibang sa pagtingin sa asul na tubig niyon.
“Ah, sabi nga pala ni Randy, break na kayo ng pinsan ni Maita.”
Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang pagka-sarkastiko nito. Gusto niyang mainis pero mas matimbang ang kabang nadarama niya. Pinagalitan niya ang sarili dahil tingin niya ay nagmumukhang tanga na siya sa harap nito. Nag-ipon siya ng lakas ng loob bago tumingin dito at ngumiti.
“Dahil may type akong iba.”
“Sino naman ngayon ang type mo?”
“Gusto mong malaman?” matamis ang ngiting tanong niya.
Tumayo ito, akmang iiwan na siya. “Hindi ako interesado.”
“Well, gusto kong malaman mo.”
Napahinto ito sa paghakbang at muling humarap sa kanya. “Wala akong panahon sa mga ka-cheap-an.”
“What if I tell you na ikaw ang type ko?” Lihim siyang nagpasalamat na hindi siya nag-stammer nang sabihin iyon.
Tinitigan lang siya nito at pagkatapos ay iniwan. Natatawang sinundan lang niya ito ng tingin.
“IS THAT a victory smile?” tanong ni Randy nang maabutan siya nitong nakangiti.
“Tsong, torpe yata ang utol mo.”
“Sira, nakailang girlfriends na rin ‘yan,” pagtatanggol nito sa kapatid.
“Baka bading.”
“I don’t think so.” Lumapit ito sa kanya. “I know my brother. Baka hindi ka type, my friend.”
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
General FictionNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation