CHAPTER ONE
NAILANG si Lady sa mapanuring tingin na ipinupukol sa kanya ng Kuya Vince ni Randy. Na-conscious siya lalo at alam niyang mukha siyang lalaki sa suot niyang maluwang na T-shirt, pantalong maong at rubber shoes. Bukod pa sa napakaikli ng pagkakagupit ng buhok niya. Randy, ang tagal mo, naiinis na naisaloob niya. Hindi niya maiwasang mamura sa isip ang kaibigan. May lakad sila nang hapong iyon. At wala siyang nagawa nang papiliin siya nito: sunduin niya ito o hindi ito sasama sa lakad ng barkada. Kung siya ang tatanungin, ayaw niyang magpunta sa bahay na iyon. Ngunit waring nanadya si Randy. Alam kasi nitong crush niya ang kuya nito kahit na nga suplado ito. Palihim siyang sumulyap kay Vince. Salubong ang may-kakapalang mga kilay nito ngunit hindi iyon nakabawas sa guwapo nitong mukha. Tingin niya ay lalo pa itong gumuwapo. Alam niyang inis ito sa kanya dahil natanim na sa isip nito na bad influence siya sa nakababata nitong kapatid.
Taal na taga-San Bartolome ang pamilya nina Vince, samantalang siya at ang kanyang mama ay napadpad lang sa lugar na iyon. First year high school siya nang una niyang nakilala at kalauna’y naging kabarkada si Randy. Hanggang sa mag-fourth year sila ay nanatili ang pagiging magkaibigan nila. Marami ang nag-aakalang higit pa sa pagkakaibigan ang relasyon nila. Pero ang hindi alam ng mga ito’y mag-best friends lang talaga sila. May mga sikreto itong siya lamang ang nakakalaam. At ganoon din ito sa kanya. Sa edad niyang disisais ay tatlo na ang naging nobyo niya. Marami ang nanliligaw sa kanya bagaman tomboyish ang dating niya. Hindi naman siya kagandahan ngunit malakas ang personalidad niya ayon sa kanyang mga kaibigan.
“Lady!” pukaw ni Randy sa kanya. Halatang kaliligo lang nito. “Kanina ka pa ba?”
“Oo.” Isang matalim na tingin ang ipinukol niya rito.
“Halika na,” yaya nito.
“Saan ka na naman pupunta?” singit ni Vince nang akma na silang aalis.
“May lakad lang kami, Kuya.”
“May pasok bukas. Baka gabihin ka.”
Sumulyap ito sa gawi niya.
“Uuwi kaagad ako. At saka nagpaalam ako kay Mommy,” sagot naman ni Randy. Bumaling ito sa kanya. “Come on.” Isinuot nito ang hawak na cap at sumenyas ng paalam kay Vince na hindi maipinta ang mukha.
“‘TADO ka talaga!” Binatukan niya si Randy nang nasa labas na sila ng bahay.
Hinimas nito ang ulo. “O, bakit?”
“Ang hilig mong magpasundo, 'tapos, pagdating ko hindi ka pa pala nakagayak,” yamot na sabi niya. “Ang kuya mong Hitler, pakiramdam ko gusto akong kainin.”
“Para ka namang hindi nasanay sa kuya ko.”
Natatawang hinubad nito ang suot na cap.
“Sa susunod nga, huwag ka nang mag-inarte na susunduin pa kita,” inis pa rin niyang sabi. “Kung hindi ko lang alam na kasama sa lakaran si Arnel, naku, hindi kita pipiliting sumama.” Ang tinutukoy niya’y isa sa mga dati niyang nobyo na kaklase nito.
“Hus, ikaw naman, gano’n lang ang Kuya Vince ko pero mabait ‘yon. Hindi ko nga lang malaman kung bakit ang sungit pagdating sa ‘yo.” Tinapik siya nito sa balikat. “Kaya nga crush na crush mo ‘yon, ‘di ba?” biro pa nito.
“Ang sarap ngang upakan ng kuya mo.”
“Pagpasyensiyahan mo na lang ang utol ko.”
Inakbayan na siya nito.
“Pasalamat siya at guwapo siya.”
HINDI na halos maidilat ni Lady ang mga mata dahil sa sobrang antok. Kulang na lang ay sumubsob siya sa lamesa. Madaling-araw na siyang nakauwi sa bahay galing sa dinaluhan nilang party nina Randy.
![](https://img.wattpad.com/cover/384783370-288-k455107.jpg)
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
General FictionNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation