CHAPTER SEVEN
“ANAK, wala ka bang pasok ngayon?” takang-tanong ng mama niya nang magkaharap na sila sa hapag-kainan para mag-almusal.
“Nasa Maynila si Sir Ed ngayon at mamayang hapon na lang ako pinapapasok,” nakangiting sagot niya. “Iaayos ko lang naman ang mga delivery receipts.”
“Mabuti at natanggap kang secretary ni Mr. Andrade kahit wala ka pang experience sa ibang trabaho.” Iniabot nito sa kanya ang isang tasa ng kape.
“Suwerte nga ako at nag-resign ang dati niyang secretary. Saka nalaman pa ni Sir na kaibigan ko si Randy.”
“Siyanga pala, tumawag nga pala ang papa mo at itinatanong sa akin kung bakit hindi ka pa raw sa Maynila magtrabaho. Bibigyan ka raw ng trabaho ng Kuya Marlo mo.”
“Ang papa talaga, kaya pinipilit akong sa Maynila magtrabaho ay para pumayag ka na doon na rin tumira,” natatawang sabi niya matapos humigop ng kape.
“Alam mo naman na hindi kita maiiwan ditong mag-isa.”
“Nakakahiya naman kay Sir Ed kung magre-resign kaagad ako. Isa pa, maganda naman siyang magpasuweldo at madali lang ang trabaho ko.”
“Ang sabihin mo, ayaw mo lang umalis ng San Bartolome.” May halong panunukso sa tinig nito.
Hindi kaila rito ang naging relasyon niya noon kay Vince limang taon na ang nakakaraan. Noong una ay madalas sumulat sa kanya si Randy. Nagpapadala ito ng mga cards kapag may espesyal na okasyon. Ngunit ang masakit ay wala itong nababanggit tungkol kay Vince dahil kung saan-saang bansa raw ito nagpupunta. Hanggang sa dumalang at nawalan na sila ng komunikasyon. At tanging kay Mr. Andrade na lamang siya nakakarinig ng balita paminsan-minsan. Kaga-graduate lang niya ng four-year Secretarial course nang sinuwerteng matanggap siyang secretary ni Eduardo Andrade, ang daddy ni Vince. Dalawang taon na itong nasa Pilipinas. Nagtayo ito ng import-export business ng mga furniture at hindi na muling nagbalik sa Amerika. Ang asawa naman nito ay pauwi-uwi lang ng Pilipinas at siyang kasama ni Vince sa Amerika. Minsan ay naikuwento sa kanya ni Mr. Andrade na sa Europe nagtatrabaho si Randy samantalang si Vince ay sa isang business firm sa Chicago. Wala itong alam sa nakaraan nila ng huli pero alam nito na kaibigan niyang matalik ang bunso nitong anak.
Natatandaan pa niya nang makaalis na ang mga ito ng Pilipinas. Wala siyang ginawa kung hindi magmukmok hanggang sa maospital siya. Kasabay niyon ay namatay ang tunay na asawa ng kanyang papa. At doon nagsimulang magbago ang takbo ng kanyang buhay. Paglabas niya ng ospital ay ipinakilala siya ng papa niya sa tatlong kapatid na lalaki niya. Tinanggap naman siya ng mga ito. Naglaho ring bigla ang galit niya sa kanyang mama. Marahil dahil nakita niya ang labis na pag-aalala nito at pag-aasikaso sa kanya habang may sakit siya. Hinarap niya ang kanyang pag-aaral. At ikinatuwa iyon ng kanyang mga magulang. Hindi niya binigo ang mga ito dahil nakatapos siya sa kolehiyo. Kung titingnan ang Lady noon sa Lady ngayon ay malaki ang pagkakaiba. Malaki ang nabago sa kanyang pagkatao. Madalas umuwi sa San Bartolome ang papa niya bagama’t sa Maynila pa rin ito nag-i-stay dahil naroon ang negosyo nito. Gusto nitong dumoon na rin silang mag-ina sa Maynila ngunit wala sa isip niya ang lumuwas. Ayaw naman siyang iwanan ng kanyang mama sa San Bartolome na mag-isa. Naging biro na ng ina kaya ayaw niyang lumuwas ay dahil may hindi siya maiwanan at gusto pa rin niya makabalita ng tungkol kay Vince. Sinasagot na lang niya iyon lagi ng ngiti dahil may katotohanan iyon.
“SIR ED, kailangan na ba itong i-fax sa Manila?” nakangiting tanong niya sa mabait na matanda.
“ASAP ‘yan, hija.” Nagtaas ito ng mukha mula sa binabasang papeles.
“Okay, Sir. Would you like a cup of coffee, Sir?”
“Sige nga.” Muli nitong ibinalik ang atensyon sa binabasa.
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
General FictionNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation