CHAPTER NINE
ILANG araw nang nakakaalis si Mr. Andrade at ilang araw na ring si Vince ang namamahala sa opisina. Tila ito nananadyang tinambakan si Lady ng trabaho. Kapag may mga deliveries ay halos subsob na ang ulo niya sa dami ng dapat gawin. Madalas ay mainit pa ang ulo nito, pinagtataasan siya ng boses. Hindi na lang niya iyon pinapansin dahil ayaw niyang makita nitong naapektuhan siya sa ginagawa nito sa kanya.
“Nasaan ba ang mga resibo ng mga deliveries kahapon?” Iritado na naman ang boses nito nang ipatawag siya.
“Ibinigay ko na kahapon din sa ‘yo,” kalmadong sagot niya.
“Then where are they?”
Napapailing na lumapit siya sa mesa nito. Binuklat ang folder na puti at kinuha roon ang hinahanap nito.
“Here.”
Hindi ito kumibo. Alam niyang napahiya ito.
“May iuutos ka pa ba?” Ngumiti pa siya.
Napakunot-noo ito. “Wala na.”
Nagkibit-balikat pa siya bago lumabas ng opisina nito.
“MUKHANG napapadalas ang pag-o-overtime mo,” anang mama niya habang ipinaghahanda siya ng almusal.
“Wala kasi si Sir Ed ngayon.”
“At si Vince ang nand’yan,” panunukso na naman nito.
“Ma, hindi na kami tulad ng dati ni Vince.”
Pilit niyang itinatago ang lungkot na nadarama sa tuwing maalala ang nakaraan nila ng binata.
“Marami nang nabago. Hindi na kailanman puwedeng ibalik ang dati.”
“Lady—” Hinawakan siya nito sa kamay. “Kalimutan mo na siya. Ayokong nakikitang malungkot ka.”
“Salamat, Mama.”
NAPAANGAT ang ulo niya nang marinig ang tunog ng sapatos na palapit sa gawi niya. Maganda ang babaeng palapit sa mesa niya. Sopistikada ang dating nito. Sexy ito sa suot na blouse at miniskirt.
“Good morning, Ma’am,” bati niya rito kahit ang unang impresyon niya’y antipatika ito.
Nag-alis ito ng salaming de-kulay. “Is Vince here?”
“Do you have an appointment with Mr. Andrade?” Hindi siya puwedeng tumanggap ng bisita dahil may kausap na kliyente si Vince.
Kabilin-bilinan nitong huwag magpapasok ng kahit na sino.
“No, but I don’t need one,” mataray na sagot nito. “I want to see Vince now.”
“He is busy right now. If you want, you can wait for him until he finishes talking to the client.”
Tumaas ang kilay nito at hindi siya pinansin. Nagtuluy-tuloy itong pumasok sa opisina ni Vince. Mabilis siyang napatayo. Iniharang niya ang katawan sa pintuan.
“Hindi ko sinabi puwedeng pumasok,” inis na sabi niya.
“And who are you para pigilan ako?” Tinabig siya nito at pinilit buksan ang pinto.
“Mahirap ka palang kausap.”
Nagalit na rin siya ngunit huli na. Nabuksan na nito ang pinto. Napatingin sa kanila si Vince at ang kausap nito.
“Vince, darling.” Bigla ang pagsungaw ng ngiti sa mga labi ng babae.
“Serena!” Halatang nagulat si Vince pagkakita sa babae.
“Yeah, it’s me. And your secretary here doesn’t want to let me in.” Inirapan siya nito.
Napatingin sa kanya si Vince. “It’s okay, patapos na naman kami,” anitong tila sinasabing huwag siyang mag-alala at wala siyang kasalanan.
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
Fiksi UmumNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation