CHAPTER TEN
“MUKHANG pinagod kang masyado ni Vince, ah.”
Napaangat siya ng ulo nang marinig ang boses ni Mr. Andrade. “Sir Ed.” Napatayo siya at masayang sumalubong dito. “Kailan pa ho kayo dumating?”
“Kahapon pa kami sa San Bartolome. Hindi ba sinabi sa ‘yo ni Vince?”
Napailing siya.
“Anyway. Nakalimutan na siguro ng batang iyon.” May dinukot ito sa bulsa. “Para sa very efficient at hardworking na secretary.” Iniabot nito ang isang kahita sa kanya. “I hope magustuhan mo,” masayang sabi nito.
Isang pares ng hikaw ang laman niyon. Mabilis niya iyong ibinalik sa lalagyan at iniabot dito.
“Sir, hindi ko ho matatanggap ‘yan.”
“Hija, pasalubong ko ito sa ‘yo. Actually pasalubong namin sa iyo ni Misis.” Inilagay nito sa palad niya ang kahita. “Nalaman kasi niya na ikaw ang tumulong sa akin sa pamimili ng regalo ko sa kanya. Nagustuhan niya at maganda ka raw pumili.”
“N-nakakahiya naman ho, Sir. Pero salamat po. Pakisabi na rin kay Mrs. Andrade.”
“Walang anuman. O, ilabas mo at tingnan natin kung babagay sa ‘yo.”
Muli niyang binuksan ang maliit na kahon at nakangiting tiningnan ang hikaw.
“Lady, where is the—” Natigilan si Vince pagkakita kay Mr. Andrade at sa hawak niyang alahas.
“Vince, hijo,” anang matanda na napalingon dito. “Masyado mo naman yatang pinapagod si Lady.”
“Dad, bakit hindi mo sinabi sa akin na pupunta ka pala rito?” Walang kangiti-ngiti at matalim na naman ang sulyap na ipinukol nito sa kanya.
“Dumaan lang naman ako para ibigay kay Lady ang pasalubong ko.”
“Ganoon ba? Maiwan ko muna kayo at baka nakakaistorbo yata ako.”
“Pasyensiya ka na kay Vince, hija,” baling sa kanya ni Mr. Andrade. “May pagka-slave driver ‘yang anak ko. Workaholic kasi.”
“Nasasanay na po ako, Sir.”
“Mabuti naman. Tingin ko’y hindi pa ako makakabalik dahil magbabakasyon muna ako nang mahaba-haba. Medyo matatagalan pa na si Vince muna ang mamamahala rito sa opisina.”
“Hindi pa kayo babalik, Sir Ed?” pagtataka niya.
“Magbabakasyon muna ako. Gusto ko rin naman na matutunang mabuti ni Vince ang negosyo, tutal sa kanya naman maiiwan ito dahil hindi ko na inaasahan pa si Randy.” Biglang lumungkot ang mukha nito nang banggitin ang bunsong anak.
“Sir, hindi pa ba uuwi ng Pilipinas si Randy?”
“Pinuntahan namin siya sa Europe. Sa tingin ko’y walang balak umuwi ng Pilipinas si Randy.”
Saglit pa’y nagpaalam na ito sa kanya. Hindi nakaila sa kanya ang lungkot sa tinig nito nang mabanggit ang kaibigan niyang si Randy. Gusto pa sana niyang magtanong tungkol dito ngunit naunahan na siya ng hiya. Hindi kaya—Agad niyang iwinaksi ang nasa isip niya.
ARAW ng anibersaryo nina Mr. and Mrs. Andrade. Ginanap iyon sa malaking bahay ng mga ito sa San Bartolome. Nagliliwanag ang buong kapaligiran. Marami ang dumalo, kabilang na siya. Dapat sana ay kasama niya ang kanyang mama kaya lamang ay nirayuma ito kaya mag-isa siyang um-attend. Simple lang ang diretsong bestida na suot niya. Hinayaan niyang nakalugay ang kanyang buhok. Nagpahid lang siya ng manipis na make-up. Kahit sa simpleng kaayusan ay hindi maikakaila ang kanyang ganda. Bumagay sa kanya ang kanyang ayos. Tuloy, maraming lalaki ang napapatingin sa gawi niya. Nang magsalita si Mr. Andrade ay tahimik lang siyang nakikinig sa isang sulok ng malawak na lawn.
“It’s been twenty-eight years and still, my love for my wife never fades,” anito.
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
General FictionNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation