CHAPTER EIGHT
NAGING abala si Lady sa trabaho habang wala si Mr. Andrade. Marami silang deliveries na dapat niyang asikasuhin. Pilit niyang inalis sa isipan ang pagdating muli ni Vince dahil hindi lang siya makakapagtrabaho nang maayos. Halu-halo ang nadarama niya. Excitement, kaba, takot at kasiyahan sa muling paghaharap nila ng tanging lalaking minahal niya noon magpahanggang sa kasalukuyan. Tinanghali siya ng pagpasok sa opisina nang araw na iyon. Hindi naman siya nag-alala dahil natapos na ang mahahalagang transactions. Late na siyang natulog nang nakaraang gabi dahil dumating ang papa niya at nag-ayang kumain sa labas. Kaagad siyang pumasok sa opisina ni Mr. Andrade para papirmahan ang ilang papeles.
“Good morning, Sir...”
Pumihit ito paharap sa kanya. Natigilan siya nang makitang hindi si Mr. Andrade ang nakaupo sa swivel chair kundi si Vince.
“Vince...” Nagtama ang mga mata nila.
Nanlamig ang buong katawan niya. Lalo itong gumuwapo sa paglipas ng panahon.
“So, you still remember me.” Puno ng sarkasmo nang ngumiti ito. Ang kasiyahan na dapat na nadama niya pagkakita rito ay napalitan ng kaba.
“I’m really surprised to know na ikaw pala ang bagong sekretarya ng daddy ko.” Tumayo ito at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Tama nga ang balitang nakarating sa amin sa Amerika...bata at maganda ang laging nakikitang kasama ng daddy ko,” makahulugang sabi nito.
“What are you trying to imply?” Naglakas-loob siya, sinalubong niya ang tingin nito.
“Hindi ka pa rin nagbabago. You’re still the same Lady I used to know...but much wiser now?”
“Kung wala kang iuutos, lalabas na ako,” pag-iwas niya.
“Come on, Lady.” Tumawa ito. “Dati ako, sino naman ngayon...ang daddy ko?”
Nag-init ang punong-‐‑tainga niya. “Mr. Andrade, it is not my obligation to explain things to you. Besides, personal ko nang buhay ang pinakikialaman mo.”
“I care about my father and my mother. At hindi ko nagugustuhan ang naririnig ko between you and my dad,” matigas ang tinig na sabi nito.
“I’m the secretary of your father at wala akong pakialam sa kahit na anong sabihin mo. Kung wala si Sir Ed at wala kang ipag-uutos, maybe I can go now.”
“Tiyakin mo lang na hindi masasaktan ang mother ko dahil ako ang unang-una mong makakalaban. Kung noon ay napaglaruan mo ako...huwag ang father ko,” pagbabanta nito.
“I’ll let you believe what you want to believe, Mr. Andrade...hindi ko papatulan ang kababawan mo.” Tinalikuran na niya ito dahil kapag nagtagal pa siya ay baka sumabog na siya at masampal niya ito.
Sa loob ng comfort room siya nagtuloy. Doon niya inilabas ang galit niya. Hindi niya akalaing ganoon ang magiging paghaharap nila ni Vince pagkatapos ng mahabang taon. Pinagbibintangan siya nitong “babae” ng papa nito.
NANG bumalik siya sa kanyang puwesto ay isinubsob niya ang sarili sa pagtatrabaho. Iwinaksi niya sa isip na nasa loob lamang ng silid na iyon si Vince. Nang lumabas ang binata kasama ang papa nito ay pinigil niya ang sariling lingunin ito. Kunwa’y hindi niya pansin ang presensiya nito.
“Lady, tama na muna ‘yan at mag-break ka muna,” ani Mr. Andrade. Nasa tabi ito si Vince na tahimik lang at tila nakikiramdam. “Sumabay ka na sa aming magmeryenda ni Vince.”
“Sige ho, Sir.” Matamis na ngiti ang iginanti niya sa matanda. “Tatapusin ko lang ito.”
“Okay. Pero mag-break ka after that,” bilin pa nito bago umalis.
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
Ficción GeneralNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation