CHAPTER TWO
NAMIMINTIG na ang mga paa niya sa pagkakatayo pero wala pa ring lumalabas na Randy. Ang usapan nila ay maghihintay siya sa tapat ng bahay nito. Nang hindi makatiis ay nag-doorbell siya. Mabuti na lang at kakilala na siya ng katulong kaya pinapasok siya.
“Ano’ng kailangan mo?” anang baritonong boses na nakapagpalingon sa kanya. Tulad ng dati ay magkasalubong na naman ang mga kilay ni Vince.
Hindi yata ito marunong ngumiti, naisaloob niya.
“S-si Randy ho.”
“Ano ka ba ng kapatid ko? Girlfriend ka ba n’ya?” Para itong imbestigador kung magtanong.
“B-barkada lang ho kami ni Randy,” kinakabahang sagot niya. Nailang siya sa paraan ng pagkakatitig nito sa kanya. Sa pagkakaalam niya’y graduate na ito ng kursong Management at naghihintay na lang ng pag-alis patungong Amerika.
“Grounded si Randy at hindi na siya makakasama sa mga lakad mo,” diretsang sabi nito. “Nakakasira sa pag-aaral n’ya ang pakikipagbarkada sa ‘yo.”
Napataas ang kilay niya sa sinabi nito.
Nagtaray siya. “Na kay Randy na iyon kung gusto o ayaw na niyang makipagbarkada sa akin.”
Tumalim ang pagkakatitig nito sa kanya. “Sa ayaw at sa gusto n’ya ay walang magagawa si Randy. Ayokong bumabarkada siya sa tulad mo na puro walang kuwenta ang natututunan.”
Pakiramdam niya ay umakyat ang dugo sa ulo niya ngunit pinigil niya ang sarili.
Sarkastikong ngumiti siya rito. “Well, at least, kahit paano ay may natututunan siya sa akin. You should be thankful.”
Lalong nagsalubong ang mga kilay nito, halatang nagpipigil ng galit. “Ano bang klaseng pagpapalaki ang ginawa sa ‘yo ng mga magulang mo?”
Kahit paano’y masakit ang dating niyon sa kanyang pandinig. “Wala ka nang pakialam. And besides, kung ayaw mong nababarkada ang kapatid mo, bakit hindi mo siya itali diyan sa pundilyo mo?” Tinalikuran na niya ito. Wala siyang pakialam kahit alam niyang galit na galit ito at nagbabaga ang mga matang nakasunod sa kanya.
Bago lumabas ng gate ay umandar na naman ang kapilyahan niya. Itinaas niya ang kanang kamay at kahit nakatalikod ay nag-dirty finger siya.
“Luring! Isara mo kaagad ang gate!” narinig pa niyang utos nito sa katulong.
Napangiti naman siya dahil alam niyang nainis niya ito.
TINAMAD siyang pumasok nang araw na iyon kaya naisipan na lang niyang dumaan sa tambayan. Eksakto namang naroroon si Art. Nang magyaya ito ng inuman ay hindi siya tumanggi. Nagbigay pa siya ng pera pambili ng alak.
“Si Randy?” tanong ni Art.
“Malay ko. Baka nakatali sa pundilyo ng kuya niya?” natatawa niyang sagot.
“Wala ka bang pasok?”
“Ako, walang pasok pero ang mga kaklase ko meron.”
Malamlam na ang mga mata niya at ubos na rin nila ang isang bote ng gin nang dumating si Joel. Tumabi ito ng upo sa kanya.
“Ano ba?” piksi niya nang akbayan siya nito.
“Lasing ka na yata.”
“Ako pa?” mayabang na sabi niya.
“Ihahatid na kita sa inyo.” Tumingin ito sa gawi ni Art at nagpaalam. “Pare, iuuwi ko na muna si Lady.”
Nang tumango si Art ay inalalayan na siya nito hanggang maisakay siya sa kotse nito.
YOU ARE READING
Naghihintay Sa Iyong Pag-ibig by Jennie Roxas
Ficción GeneralNAGHIHINTAY SA IYONG PAG-IBIG by Jennie Roxas Published by Precious Pages Corporation "I love you at gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na girlfriend kita." ©️Jennie Roxas and Precious Pages Corporation