Patawad

18.7K 291 30
                                    

A/N Unlike most of the stories in this collection, this one is not inspired on the life of a serial killer.  This is some sort of a preview of the second collection (PHS Book 2), which by the way has already been marked as completed.  Thank you for your support and hope you will enjoy it as much as the Book 1.


"Sabi nila, sa huling sandali ng iyong buhay ay babalikan at makikita mo ang buong pangyayari ng iyong buhay. Pagdadaanan mo ulit ang lahat. Sa mga huling hininga ay sinasabi ring mas mabagal ang oras. Paano kaya kung ito na pala ang punto na bumabalik ka sa mga pangyayari ng iyong buhay? "

Habang binabasa ang mga kataga sa isang libro ay hindi mo mapigilan ang hindi mapaisip. Pinisil-pisil mo ang iyong braso, pumikit ka at mabilis na dumilat. Sinampal mo ang iyong pisngi, wari'y kinukumbinsi ang sarili mo na magigising ka na naghihingalo na pala. Bigla mong naisip na paano kung sensasyon lang pala na binubuo ng iyong mga utak ang iyong nararamdaman. Natandaan mo ang mga oras na nasugat ka ngunit hindi mo alam kung saan mo nakuha ang sugat na iyon. Napagtanto mong hindi pala ang sakit ang p'wedeng magsabi sa iyo kung gising ka ba o nasa isang panaginip.

Nainis ka at binato mo ang librong hawak mo. Ayaw na ayaw mo nang pinag-iisip lalo na at marami nang gumugulo sa iyong isipan. Ilang araw na ang lumipas matapos kayong maaksidente ng iyong kapatid habang minamaneho mo ang kotse ng iyong Ama na itinakas niyo lamang. Kung hindi mo sana pinilit na sumama si Ardie, malamang wala ito sa ospital ngayon at maayos ang kalagayan. Hindi gaya ngayon na nag-aalala ka para sa buhay ng iyong kapatid. Kung p'wede nga lang ipagpalit ang kalagayan ninyo. Ikaw na lamang sana ang nakaratay sa ospital at siya na rito sa loob ng inyong bahay na katiting lamang ang natamong sugat.

Pinakinggan mo ang paligid at dinig na dinig mo pa rin ang mga nakakabinging huni ng kuliglig. Parang mga maliliit na tinig na bumubulong. Wala kang mainitindihan, animo'y isang aparato na humuni dahil sa isang diretsong linya ng isang taong mamamaalam na. Tunog na hindi kaaya-aya sa iyong pandinig. Masakit, parang karayom na tumutusok sa kalooblooban ng kweba ng iyong tenga. Sinalya mo ang bintana ng iyong kwarto at nang mabawasan na ang ingay na iyon. Bakit ba puro kamatayan na lamang ang sumasagi sa iyong isipan?

"Hindi mamamatay si Ardie."deklara mo sa iyong sarili. Kinukumbinsi ang iyong konsensya na magiging maayos lang ang lahat.

Bumaba ka upang mabawasan ang iyong pag-aalala. Tinungo mo ang inyong sala at naupo ka sa sofa. Binuksan mo ang telebisyon dahil gusto mong ituon ang iyong atensyon sa iba. Sa tuwing matutulala ka kasi ay ipapaalala nito ang panahon nang naaksidente kayong magkapatid. Hindi malinaw sa iyo ang lahat kung naipihit mo ba pakanan o pakaliwa ang manibela.

"Cut the shit!" galit mong sinigaw ang bagay na iyon. Alam mong kahit anong direksyon mo pa napihit ang manibela ay palaging sa iyo ang sisi. Ikaw at ikaw lamang ang dahilan kung bakit nakaratay sa ospital ang iyong kapatid.

Mayamaya pa ay narinig mo ang tunog ng makina ng sasakyan na huminto sa inyong tapat. Sinilip mo iyon at nakita mong bumaba ang iyong Ina mula sa taksi Agad mong pinatay ang inyong telebisyon at kumaripas ka ng takbo papaakyat sa ikalawang palapag ng inyong bahay upang magtago sa loob ng iyong kwarto. Nahihiya ka sa ginawa mo, hanggang ngayon ay wala kang mukhang maihaharap sa kanila. Bumukas ang pintuan at narinig mo ang boses ng iyong ama. 

 Tila may kuryenteng dumaloy sa iyong katawan nang dumapo sa iyong tenga ang tinig na iyon. Lalo ka pang kinilabutan nang marinig mong magsalit ang iyong kapatid. Dapat sana ay magaan na ang pakiramdam mo at nakalabas na siya ng ospital ngunit dahil sa sarili mo ay alam mong ikaw ang dahilan ng aksidente ay hindi mo pa rin magawang lubusang matuwa. 

 Lalabas ka sana upang tingnan ang kondisyon ng kapatid mo ngunit narinig mo ang tunog ng isang bagay na hinihila papaakyat ng inyong hagdanan. Sumilip ka sa maliit na butas ng pinto ng kwarto mo na eksaktong nakatapat sa may hagdanan. Nakita mo kung paano hirap na hirap buhatin ng iyong ama ang iyong kapatid na parang isang bagong panganak na sanggol habang hinahatak naman pabaliktad ng iyong Ina ang wheelchair. 

 Nadurog ang iyong puso sa iyong nasaksihan. Napadukdok ka sa pintuan at nagsimula mong pagsusuntukin ang pintuan ng kwarto mo sa galit. Habang ginagawa mo iyon ay kumatok ang iyong ama.

"Anak, tama na 'yan. Hindi ka namin sinisisi, pahinga ka na." Tiningnan mo ang oras at lampas alas-diyes na pala ng gabi. Lumipas ang mga oras na hindi mo napapansin dahil sa patuloy mong pagsisisi sa sarili mo. Ni ang pagkain ng hapunan ay nakaligtaan mo na rin.

Diniretso nila ang naka-wheelchair mong kapatid sa kanyang kwarto. Gustong-gusto mo siyang silipin ngunit pinapangunahan ka ng hiya. Alam mong galit sa'yo ang kapatid mo. Alam mong kinasusuklaman ka niya. Alam mong sa oras na makita ka niya ay uulanin ka ng mga salitang babaon na parang pako sa iyong sintido at hindi na muling mabubunot pa.

Nanatili kang nakaupo sa sahig nang iyong kwarto habang nakasandal sa iyong pintuan kahit na narinig mo na ang pagsara ng pintuan sa kwarto ng kapatid mo at pagpasok naman ng mga magulang mo sa kanilang silid. Madilim na sa labas pero ayaw mo pa ring humiga sa iyong kama. Hindi ka rin naman makakatulog at inuusig ka ng konsensya mo.

Tanging liwanag ng buwan na lamang ang nagbibigay sa iyo ng kakayahan upang maaninag ang kwarto. Inipon mo ang natitira mong lakas. Tumayo ka at pinagibayo ang kapal ng iyong mukha. Inisip mo na mas nakakahiya na hindi ka man makahingi ng tawad mula sa iyong kapatid. Kung mumurahin ka niya, babatuhin, pagsisigawan, laitin at sisihin, inisip mong tama lamang iyon at nararapat lamang sa isang kagaya mo.

Buong tapang mong binuksan ang pintuan ng iyong kwarto at naglakad patungo sa kanyang silid. Dahan-dahan mong inikot ang seradura ng pintuan. Sinilip mo siya at nakita mo ang imahe ng iyong kasalanan. Nakabenda ang kanyang kaliwang braso at nakasuot ito ng alalay sa kanyang leeg. Ang dalawang paa nito ay may mga matitigas na bagay na umaalalay sa pagiging mahina nito sa dulot ng iyong kapabayaan. Alam mong tulog na siya pero wala kang pakialam. Dapat ka nang humingi ng tawad sa kanya. Hindi ito kagaya noong bata lamang kayo na palilipasin niyo na lamang ang sama ng loob ng bawat isa.

Dahan-dahan kang umupo sa gilid ng kanyang kama. Hinaplos mo ang pisngi niya na may nakadikit pang plaster. Hindi mo na napigilan ang humagulgol habang humihingi ng kapatawaran sa iyong kapatid. Kahit ikaw ay hindi mo na maintindihan ang mga salitang lumalabas sa iyong bibig. Ilang segundo pa ay nakita mo ang pagkislot ng katawan ng iyon kapatid. Dinilat nito ang mga mata mo at nagsisigaw.

"Ma! Pa!" sigaw nito. Ayaw ka niyang tingnan man lamang. Pakiramdam mo ay punong-puno siya ng galit at suklam na suklam sa iyo.

Ngunit hindi ka nagpatalo sa kanyang galit. Naiintindihan mo kung saan siya nanggagaling Paulit-ulit ka lang humingi ng tawad habang umiiyak.

"Sorry. Hindi ka dapat nagkaganyan kung hindi dahil sa akin."

Habang nagsisisigaw siya ay biglang dumating ang mga magulang mo. Wala ka nang pakialam kung pagalitan ka pa nila nang dahil sa ginagawa mo. Ang nais mo lamang ay marinig ang kapatawaran ng iyong kapatid.

"Ma, si Kuya. Nandito siya." Sumbong ng kapatid mo.

"Hihingi lang ako ng sorry, Ma." Pagpapaliwanag mo.

"Anak, tama na. Manahimik ka na. Tama na." Sigaw ng iyong Ina na hindi rin makatingin sa iyo.

"Pero Ma!"dahilan mo pa.

"Kuya, pinapatawad na kita, pero sana patawarin mo rin ang sarili mo. Tama na. Magpahinga ka na. Sana matahimik na ang kaluluwa mo."

Matapos mong marinig ang sinabi ng iyong kapatid ay isang liwanag ang tumama sa iyong mata na nakabulag sa iyo. Makaraan iyon ay dahan-dahan mong iminulat ang iyong mga mata at nakita mong nakangiti sa iyo ang mga magulang mo. Parang lahat ng bagay sa iyong paligid ay higit na malaki kumpara sa iyo. Kinarga ka ng iyong Ina habang inaalog-alog pa.

"Ang cute naman ng beybi. Kamukhang-kamukha ko oh."

"Ako kaya ang kamukha." Apela ng iyong ama.


Pinoy Horror Stories (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon