Miracle Drug

24.3K 369 34
                                    

Ang insidenteng ito ay nangyari sa may San Simon sa Pampangga. Ang pangalan ko ay Dyzer at ito ang kwento tungkol sa Miracle Drug.

Di kalayuan sa may bayan ay may isang maliit na botika. Kadalasan ay makikita mong mahaba ang pila dito at mukhang maraming parokyano. Pagmamay-ari ito ng isang doktora na nagretiro na at nagdesisyon na lamang na magtayo ng maliit na botika upang gawin iyong pangunahing pagkukunan ng kanilang gastusin.

Katapat noong ang isang mas malaki at kilalang botika pero mapapansing mas sikat talaga ang maliit na botikang iyon. Kahit nga sila Mama, Papa at Lola ay loyal na sa botikang iyon. Kilala raw kasi na mabisa ang gamot na binebenta nila. Bukod pa sa sigurado ka na sa kalidad ng gamot, sinasabing may binebenta rin silang gamot na kung tawagin ay "Miracle Drug". Ang gamot na 'yon ay pinaniniwalaang nakagagamot ng iba't ibang sakit. Bukod pa rito binebenta nila ang "Miracle Drug" sa mas mababang halaga. Kung tutuusin ay mas mura pa iyon sa pangkaraniwang gamot sa ubo o lagnat.

Malimit na nagbabantay doon ang doktora. Minsan kapag wala sa kanyang pribadong klinika ang anak ay tumutulong din ito sa pagtitinda. Ang pamilya nila ay kilala na sa lugar namin at talaga namang karesperespeto.

Minsan ay nagreklamo si Lola na masakit ang kanyang tiyan. Dinala namin siya sa ospital at sinabing may amoebiasis si Lola. Niresetahan siya ng iba't ibang gamot na mabibili daw sa botika ng ospital.

"Sa labas na namin bibilhin Dok." Ang paalam ni Lola habang nakaratay pa rin sa higaan ng ospital. Sa tono ng pagsasalita ni Lola sigurado akong doon na naman kami uutusang mamili ng gamot sa botika nila Doktora. Wala namang masama doon lalo na at matagal na kaming suki talaga.

Sinuri ni Lola ang mga naka-resetang gamot. Nagreklamo siya sa dami ng gamot na nakalista samantalang simpleng amoebiasis lang naman ang sakit niya.

"Napakarami namang gamot. Bilhin mo na lang kay doktora yung Miracle Drug. Siguradong mga ilang inuman lamang noon ayos na ako." Mukhang kampanteng kampante talaga si lola sa bisa ng gamot na iyon.

Nagmamadali kong nilisan ang ospital at pumunta sa botika alam kong mahaba na naman ang pila doon kaya't sa kagustuhan kong makabalik agad ay agad na akong pumunta. Ilang minuto pa at narating ko ang botika. Gaya ng inaasahan ko ay napakahaba talaga ng pila. Inabot ako ng kulang-kulang dalawampung minuto bago ako nakabili ng gamot. Pagtapat ko sa counter ng botika ay bumati sa akin ang katulong ni Doktora.

"3 Miracle Drug nga raw ho." sabi ko sa isang babae na agad na pumunta kay doktora na nakaupo malapit sa kahadiyero.

Inabot ni Doktora ang tatlong kapsula ng gamot. Wala ka namang mapapansing kakaiba sa gamot na iyon dahil kaparis din iyon ng ibang gamot. Siguro ay nasa isip lamang ng ibang tao kung bakit sila gumagaling ng agaran sa gamot na ito.

Walang ring mga nakasulat sa "Miracle Drug", plano ko sanang babasahin para malaman kung para saan talaga ang gamot na iyon. Mahirap na at baka lalo lang lumala ang sakit ni Lola. Ipinagkibit balikat ko na lamang ang bagay na iyon, sa tingin ko ay hindi naman magbibigay si doktora ng gamot na maaring makasira sa kanya.

Maya-maya pa ay narating ko na ang hospital. Nakita kong namimilipit pa rin si Lola sa sobrang sakit ng kanyang tiyan. Agad kong binigay sa kanya ang gamot na binili ko. Lingid sa aking kaalaman ay nakita pala iyon ng Doktor sa ospital.

"Lola, ano ho ang ininom niyo?" Tanong ni Doktor na nakangiti pa.

Patay malisya naman si Lola at natatakot din na pagalitan siya ng doktor.

"Yung nireseta niyo ho sa akin." Iniwas niya ang paningin niya sa doktor

Halata mong nagtaka ang doktor sa sinagot ni Lola.

"Parang hindi ko ho naman yata kilala yang gamot na ininom niyo." Patuloy pa ng doktor.

Hindi na siya pinansin ni Lola. Umarte na lang si Lola na dumadaing sa sakit ng kanyang tiyan sa halip na magsasagot pa sa dami ng itatanong na iyon ng doktor.

Makalipas ang mga isang oras ay mapapansin mong malaki na ang pinagbago ni Lola. Hindi na siya namimilipit sa sakit ng tiyan. Nagugutom na raw siya at gusto niya ng makakain.

Pinuntahan ko ang doktor at sinabi ang kalagayan ng aking lola.

"Dok, nagugutom daw po si Lola. Pwede na ba siyang kumain?" tanong ko sa doktor.

Tila may bakas ng pagkagulat sa mukha ng doktor. Hindi niya yata inaasahan ang agarang paggalaing ni Lola.

"Maayos na Lola mo?" gulat na tanong ng doktor.

"Parang okay na ho siya." Maikli kong sagot

Sa halip na sagutin ng doktor ang tanong ko kanina ay pinuntahan niya si Lola upang tingnan ang kalagayan. Hindi pa rin siya makapaniwala na ang kaninang matandang namimilipit sa sakit ay nakaupo na sa kama ng hospital.

"Dok, pwede na ho yata akong umuwi." Ang sabi ni Lola na parang naiinip na sa hospital.

Inasikaso na ng doktor na iyon ang mga kakailanganin ni Lola para madischarged. Ako na rin ang pumunta sa cashier para magbayad. Bago ako bumalik kay Lola ay pinuntahan ko ang doktor para magpasalamat.

"Dok. Salamat ho sa pagtingin niyo sa Lola ko." Paalis na sana ako ng pigilan niya ako.

"Ano ba yung pinainom mo kanina sa Lola mo?" usisa niya. Sa tingin ko naman ay hindi masamang sagutin ko ang tanong na iyon, dahil galing rin naman ang gamot sa isang doktor na kagaya niya.

"Miracle Drug po, galing sa may botikang maliit malapit sa may bayan."

"May sample ka pa?" tanong nito at agad ko naman inabot ang isa sa dalawang gamot na natira. Ang isa nama'y tinabi ko para kung saka-sakali na muling sumpungin ang sakit sa tiyan ni Lola.

Matapos iyon ay pinuntahan ko na si Lola, inayos ang kanyang gamit at umuwi na kami.

Lumipas pa ang mga ilang araw at wala namang pagsumpong na nangyari pa kay Lola. Tila napaka-epektibo talaga ng gamot na iyon.

Tulad ng nakagawian, madalas kaming sabay-sabay na nanonood ng balita habang inabangan ang paboritong teleserye nila Lola. Maya-maya pa ay nagulat na lamang kami sa laman ng balita. Nakita namin si Doktora at ang kanyang anak na inaaresto.

Ang Headline....

Isang Doktora at anak niyang aborsyonista, nagbebenta ng gamot na gawa sa pinulbos na fetus.

Wala sa amin ang nakapagsalita sa natunghayang balitang iyon. Napag-alaman ng mga awtoridad na ang laman ng Miracle Drug ay mga pinulbos na fetus na galing sa anak niyang aborsyonista. Patutuyuin daw nila ang fetus sa isang microwave at kapag tuyo na ay pupulbusin, hahaluan ng ilang herbal at gagawing Miracle Drug.

Mukhang ang doktor na pinagbigyan ko ng gamot ang naka-alam na gawa iyon sa fetus.

Nagulat naman ako sa sunod na sinabi ni Lola.

"Eh ano ba ngayon kung pulbos ng fetus yon, eh sa totoo naman nakagagamot. Wala na namang magagawa pa sa fetus na iyon, pero tayong mga buhay pa na kailangan ng mas murang gamot, kailangan natin ang ganoong gamot. Kesehodang gawa iyon sa fetus o sa anu paman ang importante nakagagamot. Mas gusto kasi nila ang kumita ng malaking pera at matagalan na gamot ang ibigay sa atin. Sa tingin niyo ba wala pang gamot sa cancer? Meron na iyan pero mas kikita sila kung ang paggamot ay tatagal ng ilang taon kumpara sa isang araw na inuman lang ng gamot."

Paalala:

Ang Miracle Drug po na gawa sa pinulbos ng fetus ay hindi siguradong nakagagamot ng kahit anong sakit. Pero totoo pong malaki ang demand sa gamot na iyon lalo na sa Tsina. Ayon sa balita, ang mga naggagawa nito ay mayroong kontak sa mga ospital kung saan merong madalas namamatay na mga bata. Meron ding nagsabi na ang mga bata ay nanggaling sa "dying-room" isang lugar sa Tsina kung saan hinahayaang mamatay ang mga bata na galing sa mga pamilyang naabot na ang limit na bilang ng anak. Ang gamot na ito ay pinagbawal na ngunit ini-smuggle pa rin sa iba't ibang bansa.

Kilala na ang Tsina sa iba't ibang alternatibong medisina, hindi lingid sa pagkakalam natin ang pagkain nila ng human placenta para sa pagganda ng circulation ng kanilang dugo.

Pinoy Horror Stories (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon