Ang susunod na istorya po ay inspired sa isang pangyayari noong Mayo 2003 at maaring hindi para sa lahat. Wala po akong intensyon na hamakin ang isang relihiyon o kaya naman po ay hamunin ang inyong paniniwala. Pinangungunahan ko na po kayo, kung meron man pong may disgusto sa mga salitang naisulat ko sa istoryang ito ay humihingi po ako ng paumanhin.
***
Ako si Mary, kahit ang pangalan ko ay sinunod ng aking Ina sa Birheng Maria. Isa akong deboto ng isang relihiyon. Sa araw-araw ay bumibisita ako sa lokal na kapilya ng aming lugar. Panata ko na rin ang palitan ang mga bulaklak sa altar tuwing ikalawang araw. Sa umaga rin ay maaga akong pumupunta ng kapilya upang makatulong na rin kay Father. Ako rin ang nangunguna sa pag-rorosaryo tuwing alas-6 ng gabi bago mag-umpisa ang panggabing misa.
Matapos iyon ay umuuwi na ako dahil kailangan ko ring asikasuhin ang tatlo kong anak na lalaki. Sa kasamaang palad ay namatay ng maaga ang aking asawa at nabubuhay lamang kami sa tulong ng simbahan. Mabait din sa akin si Father at sinusuklian ko iyon ng tapat na paglilingkod sa simbahan.
Ang bibliya ay punong puno ng misteryo at himala at malalim ang paniniwala ko dito. Kung ano man ang nangyayari sa pamilya ko ngayon, marahil ay pagsubok lamang iyon ng panginoon sa akin. Sabi nga ang pinakamahihirap na laban ay binibigay ng panginoon sa pinakamatatatag niyang sundao. At ako yon.
Gabi ng Oktubre 23, hinding hindi ko malilimutan ang gabing iyon. Noon ko napanaginipan si Miguel Arkanghel na sinasakal ang isang palaka, matapos iyon ay binalingan niya ang isa pang palaka at sinaksak niya iyon ng kanyang espada, sinunod niya ang pangatlong palaka at binato niya iyon hangang sa mamatay. Ilang sandali pa ay nagising ako. Alam kong isa iyong pangitain. Sinusubok ng panginoon ang aking pananampalataya. Agad kong naisip ang pagsubok ng panginoon kay Abrahan noong inutusan niyang isakripisyo ang kaniyang nag-iisang anak na si Isaac.
Tiningnan ko ang tatlo kong anak. Marahil ang tatlong palaka ang simbolo ng tatlo kong anak. Ngunit hindi ko iyon kayang gawin. Mukhang sa unang pagkakataon ay sasawayin ko ang kanyang utos.
Kinabukasan ay tinungo ko ang simbahan at nakipag-usap kay Padre. Hindi ko direktang sinabi sa kanya ang napanaginipan ko ngunit huming ako sa kanya ng ilang payo para na rin sa ikaliliwanag ng isipan ko.
"Padre, naniniwala ba kayo sa mga pangitain sa itaas?" pag-aalinlangan na tanong ko sa pari.
"Aba, oo naman. Hindi porket bago na ang panahon ngayon eh kailangan na nating kalimutan ang mga mensahe na galing sa itaas." Sagot ni Father. Nais ko sanang sabihin sa kanya ang buong panaginip ko ngunit nagdesisyon akong huwag na lamang ituloy.
"Paano natin malalaman kung may nais siyang iparating sa atin?" muli kong tanong.
"Sa sarili natin mararamdaman na natin iyon. Kung dumating na ang sagot sa mga tanong natin na matagal na nating hinahanap. Ang mga simpleng bagay na nangyayari kagaya na lamang ng kung bakit tayo nakakapag-usap ngayon ay kaloob ng Diyos. Siguro sa mga nangyayari sa buhay mo ay marami kang tanong pero kailangan mo lamang magtiwala sa kanya." Wika ni Father.
Tama si Father, anuman ang mangyari sa buhay ko ay kailangan ko siyang pagkatiwalaan. Hindi naman siguro ako ipapahamak ng paniniwala ko. Sinubukan ko munang palipasin ang ilang araw at baka isang simpleng panaginip lamang iyon. Ngunit noong ika-9 ng Nobyembre ay muli kong napanaginipan si Miguel Arkanghel. Ganoon na ganoon muli ang aking panaginip. Matapos ang pagkitil niya sa buhay ng ikatlong palaka ay muli akong nagising.
Tiningnan ko ng mabuti ang aking mga anak at hinalikan isa-isa. Lumabas ako at kinuha ko sa labas ang isang malaking bato. Kinuha ko rin ang kutsilyo at pinutol ang sampayan na gawa sa matibay na tali. Umiiyak ako ngunit wala akong magagawa, pagsubok ito ng panginoon sa aking pananampalataya.
Una kong nilapitan ang natutulog kong panganay. Napaka-inosente nito. Walang sabi-sabi ay pinagsasaksak ko siya. Habang pumapatak ang luha sa mga mata ko ay patuloy ang pagsasaksak ko sa kanya. Nakita kong nagising ang dalawa kong anak. Takot na takot sila sa nakita nilang ginawa kong pagsaksak sa kanilang kapatid.
"Pagsubok ito ng panginoon sa atin. Magtiwala kayo." Tumango ang pangalawa kong anak ngunit takot na takot siya. Ang bunso ko naman anak ay nagpapapalahaw na ng iyak. Alam kong kung hindi ko bibilisan ay baka makaistorbo pa ng kapitbahay. Nakakahiya naman sa kanila, dis-oras na ng gabi at maingay pa kami.
"Nay, anong ginagawa mo?" Takot na takot na tanong ng aking pangalawang anak habang hinahatak ko siya palapit sa akin.
"Magtiwala tayo." Sagot ko sa kanya. Bigla kong binaibid sa kanya ang tali ng sampayan at sinakal siya. Hanggang sa huling hininga niya ay narinig ko ang paki-usap niya na itigil ko na kung ano man ang ginagawa ko.
Sa puntong iyon ay nagtatakbo na palabas ang bunso kong anak. Hinabol ko siya bitbit ang malaking baato na kinuha ko sa labas. Dahil na rin sa may dala akong mabigat na bagay ay agad itong nakalayo sa akin. Ngunit naririnig ko pa rin ang kanyang iyak.
Nakaabot siya sa kabilang kanto bago ko siya maabutan. Alam niyang maabutan ko na siya kaya huminto na siya.
"Nay! Huwag, hindi na ako uulit." Kahit alam kong wala naman siyang kasalanan ay ganoon pa rin ang sinasabi niya. Sadyang ganoon ko tinuruan ang aking mga anak.
"Magtiwala tayo." Paulit ulit kong sinasabi sa kanila na magtiwala lang at ito ang nais iparating ng Panginoon.
"Nay, hindi na ako uulit, tama na po." Kitang-kita ko ang takot sa kanyang mga mata.
Aktong babatuhin ko na siya ng pinigilan ako ng mga baranggay tanod. Itinali nila ako para hindi ko masaktan ang bata.
"Huwag kayong makialam. Pinipigilan niyo akong isakatuparan ang kanyang hangarin." Sigaw ko sa mga taong nandoon. Kailangan kong matapos kung ano man ang binigay niya sa aking tungkulin.
Noong mga oras na iyon ay tinawag na rin nila si Padre.
"Sabihin mo sa kanila Padre, na kailangan nating magtiwala sa Panginoon. Mga makasalanan kayo." Sigaw ko sa kanila.
Maya-maya pa ay nagtatakbo papunta sa aming direksyon ang isa pang tanod.
"Kapitan, yung dalawa niyang anak, patay na." Wika nito na gulat na gulat ang itsura.
"Anong ginawa mo?" tanong sa akin ni Padre habang nakita ang aking anak na takot na takot.
"Sinusunod ko lamang ang kagustuhan niya. Nakatanggap ako sa kanya ng mensahe, kailangan kong i-alay sa kanya ang aking mga anak. Maniwala kayo sa akin padre." Paki-usap ko sa kanya
"Hindi ko alam kung anong sinasabi mo, ngunit hindi gugustuhin ng Panginoon na patayin mo ang mga anak mo." Pangaral sa akin ni Padre.
Noong gabi din na iyon ay dinala ako sa presinto. Matagal din akong namalagi doon hangang iutos ng korte na hindi ako maaring gawing responsable sa krimen dahil sa estado ng aking pag-iisip.
Hindi naman ako nagsisisi sa ginawa ko. May isa lamang akong hinanakit kay padre. Si Padre kasi, nalimutan na yata niya ang pagsubok ng Panginoon kay Abraham.
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories (Completed)
HorrorExperience true horror with this chilling collection of stories inspired by real-life events. From the twisted minds of history's most notorious serial killers, comes a macabre selection of tales guaranteed to leave you speechless. Beware, this is n...