Ako si Mina, isa akong saksi sa isang karumaldumal na krimen. September 28, 2011 noon ng magsimula ang mga sunud-sunod na hindi maipaliwanag at nakagigimbal na pangyayari na hindi ko makakaimutan.
Nagmamadali akong umuwi galing sa aming opisina sa Quezon Ave. Kailangan ko kasing mag-overtime at tapusin ang iba ko pang naiwan na trabaho sa opisina. Inabot tuloy ako ng gabi.
Bago ka makapunta sa main road kung saan puwede kang makapara ng sasakyan ay dadaan ka muna sa liblib na lugar. Kadalasan nga ay may itinalagang bantay ang ibang opisina dito upang panatilihing ligtas ang kanilang mga empleyado ngunit noong mga sandaling iyon ay parang hindi ko makita ang mga bantay. Lalo tuloy akong kinabahan. Noong isang buwan lang kasi ay naitakbo ang kasamahan ko sa trabaho sa ospital matapos may magtangkang magnakaw sa kanyang bag at nanlaban siya. Nasaksak tuloy siya sa likuran dahil sa pagpupumilit niyang mabawi ang bag.
Ang daan matapos mong lumiko ay sadyang madilim na. Dati naman ay may mga poste ng ilaw sa paligid pero laging may sumisira noon. Hindi mo tuloy maiiwasan ang hindi mag-isip ng masama sa tuwing lalakad ka sa daan na iyon. Makakahinga ka lamang ng maluwag matapos mong lagpasan ang Metrobank at ang isang kilalang pizza store. Pero habang wala ka pa roon, kailangan mong manatiling alerto at baka may bigla na lang humatak sa iyo.
Mayamaya ay may narinig akong parang nag-aaway sa di kalayuan. Didiretso sana ako ng nakita kong may isang malaking lalaki na pilit hinahatak ang isang babae. Nagtago ako sa mga nakatanim na halaman sa gilid. Alam kong kailangan niya ng tulong ng mga oras na iyon, pero ano namang maitutulong ng isang patpatin na kagaya ko. Tatawag sana ako gamit ang phone pero natatakot ako na baka mag-ingay pa iyon at marinig ako ng lalaki. Nagdasal na lamang ako na sana ay may taong dumaan sa mga oras na iyon.
Sa kasamaang palad ay mukhang walang ibang tao na dadaan doon. Kitang-kita ko kung paano siya sakalin ng lalaking iyon gamit ang kanyang necktie na nakapalupot sa leeg nito gamit lamang ang isang kamay. Habang sinasakal siya nito ay ginilitan niya ang leeg at sumirit ang dugo nito. Tila tuwang-tuwa ang lalaking iyon nang makita na parang naging fountain ang pagsirit ng dugo. Kailangan kong hawakan ang aking bibig sa takot at baka bigla na lamang akong sumigaw. Pinagmasdan pa siya ng lalaki hangang sa matapos ang paghihirap ng kawawang biktima para ba siyang nanood ng isang magandang pelikula.
Nakapaling ang mga mata ng biktima sa akin ng mga panahong iyon. Para bang nakita ako ng biktima bago siya malagutan ng hininga. Matapos noon ay hinatak ng lalaki ang walang malay na katawan ng babae, isinilid niya iyon sa body bag na tila pinaghandaan na niya at inilagay sa trunk ng kotse. Kinuha niya ang tubig na nakalagay sa isang 4 gallon na mineral water at binuhusan niya ang dugo na kumalat sa daan.
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories (Completed)
HorrorExperience true horror with this chilling collection of stories inspired by real-life events. From the twisted minds of history's most notorious serial killers, comes a macabre selection of tales guaranteed to leave you speechless. Beware, this is n...