August 2013
May bagong lipat na naman sa tapat ng bahay namin. Pang-ilan na ba ang mga ito? Pangatlo? Ay hindi pang-apat na nga pala sila kung isasama ang unang pamilya. Hindi kami masyadong nakiki-alam sa isyu ng lugar namin. Kanya-kanya, bahala kami sa buhay namin, bahala kayo sa buhay niyo. Ganoon ang sistema ng lugar namin. Ang bagong lipat ay isang bagong kasal na mag-asawa ngunit meron na silang limang taong gulang na anak, sila ang Ramirez family at ito ang kwento ng doorbell.
Ako nga pala si Mico, matagal na kaming nakatira sa tapat ng bahay nila, 29 na taong gulang na ako. Tanging ang ama ko na lamang ang kasama ko sa aming bahay. Ang aking Ina naman ay iniwan na kami simula ng nagkasakit ang aking ama. Ang alam ko magmula nang umalis ang unang pamilyang nakatira sa bahay sa tapat ay naging papalit-palit na ang pagtira ng mga tao doon.
Isang araw ay nagreklamo ang bagong lipat na mag-asawa tungkol sa nanggugulo sa kanila. Base sa kanilang pahayag, mayroong paulit-ulit na pumipindot ng doorbell nila sa dis-oras ng gabi. Kwento pa nila sa tuwing papatak ang oras na 10:36 ay bigla na lamang paglalaruan ng kung sino ang kanilang doorbell at magsusunod-sunod ang pindot.
Ang nakapagtataka ay hindi sila ang unang nagreklamo tungkol dito. Ang mga nakaraang nakatira sa bahay na iyon ay nagreklamo din tungkol sa walang patid na pagpindot ng kanilang doorbell. Sabi ng pamunuan na ginawa na nila ang lahat ng magagawa nila pero hindi nila mahuli kung sino man ang pumipindot ng doorbell. Umalis ang mag-asawa na dismayado at walang nakuhang sagot mula sa pamunuan.
Nakausap ko rin ang bagong kasal na lalaki makalipas ang ilang araw. Kasama niya noon ang kanyang limang taong gulang na anak. Sinabi niya sa akin na patuloy pa rin silang piniperhuwisyo ng doorbell nila kaya't napagdesisyunan nilang maglagay ng cctv camera at ng makita kung sino ang pumipindot ng doorbell.
Matiyaga silang nagbantay hanggang sumapit ang gabi. Muling dumating ang alas-diyes trentay sais at tumunog muli ang kanilang doorbell. Sunod-sunod ang ginawang pagpindot na para bang kailangang kailangan sagutin ng may bahay ang pintuan. Ngunit 'di gaya ng dati na agad silang tatakbo sa may pintuan, ngayon ay tiningnan nila ang surveillance monitor. Nanindig ang balahibo nila ng makitang walang tao sa harap ng pintuan nila ngunit patuloy pa rin ang pagtunog ng doorbell. Tulad din ng mga nakaraang gabi ay hihinto ang pagtunog matapos ang ikalabing dalawang tunog.
Nang sigurado nang tapos na ang pagtunog ng doorbell, dali-dali silang lumabas ng bahay. Nagkatinginan silang mag-asawa at nagtataka kung paano tumutunog ang doorbell na iyon ng wala namang pumipindot. Inisip nilang baka faulty wiring lang o kaya naman ay may depekto ang doorbell.
Kinabukasan ay agad silang nagpatawag ng repairman para tingnan ang doorbell at iayos iyon. Makalipas ang matagal na pagtingin ni Manong Repairman sa doorbell pati na rin sa wiring ay wala siyang nakitang sira dito. Tama rin naman ang pagkakakabit dito, sinabi niyang sigurado siyang walang sira ang doorbell.
Sumapit muli ang gabi, inaasahan ng mag-asawa na hindi na muling tutunog ang doorbell. Ngunit pagdating muli ng 10:36 ay muling tumunog iyon. Mukhang hindi na nakapagpigil ang lalaki at pumunta sa labas. Winasak niya ang doorbell at ibinato sa kanilang hardin. Inaasahan niyang titigil na ang pagtunog ngunit patuloy pa ring tumunog ang doorbell gaya ng dati labindalawang tunog bago ito tuluyang tumigil.
.........
September 2008
Ako si Mico at ito ang kwento ng doorbell. 24 taong gulang ako, hindi ko alam ngunit tuwang tuwa ako sa mga bata. Gaya na lamang ng bata sa tapat ng bahay namin. Siguro ay naglalaro ang edad niya sa 7-9 na taong gulang. Nakakalungkot lamang isipin na parang hindi gaanong naalagaan ang batang iyon. Tanging ang yaya lamang nito ang palaging kasama ng bata. Kung maari nga lang ay aampunin ko ang batang iyon. Kaya lang masyado ng marami ang inaalagaan ko. May sakit sa pag-iisip ang aking ama dahil na rin sa substance abuse. Narehab siya noong kabataan niya at ngayon ay naapektuhan ang kanyang utak.
Madalas kapag gabi ay nakikita kong nasa labas pa ang batang iyon, kahit ang mga magulang niya ay nasa loob na ng bahay. Tinanong ko siya ng minsan at sinabi niyang wala naman daw pakialam sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Ni hindi nga raw alam ng mga ito na gabi na siyang pumapasok ng kanilang bahay.
Sa tuwing uupo ako sa bintana ng kwarto ko ay makikita ko ang batang iyon na palakad-lakad sa daan. Sa oras kasing iyon, tulog na ang yaya nito. Ang akala rin naman ng mga magulang at yaya nito ay tulog na din siya. Lingid sa kanilang kaalaman ay lumalabas pa ito para mag lakad lakad. Dumadaan siya sa bintana sa likod ng bahay dahil nakasara na ang pintuan nila sa harapan. Nakatuwaan ko nang tingnan ang batang iyon, siguro ay dahil sa wala rin naman akong nakababatang kapatid.
Isang gabi habang pinagmamasdan ko ang bata ay kitang kita ko kung paano siya habulin ng aking ama habang hawak ang isang kutsilyo. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, hindi ko maigalaw ang aking katawan sa takot. Nakatakbo pa ito ng malayo at makaraan ang ilang sandali ay bumalik ito habang umiiyak. Gustong kong lumabas ngunit natatakot ako. Nakita ko ang aking ama na papalapit na ng direksyon ng paulit ulit na pindutin ng batang iyon ang doorbell. Wala ni isa man sa mga magulang nito ang bumaba para tingnan ang batang paulit-ulit na pinipindot ang doorbell.
Tiningnan ko ang oras at alas-10:36 na. Nahuli siya ng aking ama at kinaladkad papasok ng aming bahay. Sinilip ko ang bata at kitang kita ko kung paano siya katayin ng aking ama ng buhay. Para bang sinisigurado niyang hindi agad mamamatay ang bata sa gagawin niya. Wala akong ginawa habang unti unting nawalan ng hininga ang bata at ang aking ama ay tuwang-tuwa.
Napagdesisyunan kong itago ang insidenteng iyon. Sigurado naman akong walang nakakita sa aking ama. Ilang araw pa ang lumipas bago nai-report na nawawala ang batang iyon, pero imposible na nila iyong makita. Nakatago iyon sa kabinet ng aking ama na para bang ginawang tropeo.
.........
Present day
Magmula ng umalis ang Ramirez Family sa bahay na iyon ay naging bakante na ito. Ang huli naming balita ay binebenta iyon sa murang halaga ngunit wala pa ring bumibili. At ang doorbell? Nawawala iyon at hindi na makita, ngunit patuloy pa rin ang pagtunog noon tuwing alas 10:36 ng gabi. Humihiling na pansinin siya at pagbuksan ng pinto.
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories (Completed)
TerrorExperience true horror with this chilling collection of stories inspired by real-life events. From the twisted minds of history's most notorious serial killers, comes a macabre selection of tales guaranteed to leave you speechless. Beware, this is n...