Spirit of the Coin Part 2

20.9K 373 102
                                    

Alas 3:00- tumigil ang lahat, ang paggalaw ng barya, ang kakaibang pakiramdam sa loob ng kwarto na para bang maraming tao sa loob.

"Ano na? Hindi na gumagalaw ang coin?" Walang makapagpaliwanag sa amin noong oras na iyon kung bakit huminto ang barya.

Mayamaya pa ay biglang may kumatok sa pintuan namin. Tumayo ako para agad na buksan ang pintuan at nakita kong ang katiwala iyon na bagong gising.

"Sir, bawal po ang pot session dito," wika niya, siguro ay nakita nito mula sa labas ang liwanag ng kandila namin o narinig niya ang ingay namin. Pasalamat na nga lang kami at kami lamang ang umookupa ng bahay noong panahong iyon.

"Ay hindi ho kami nag-gaganoon, mukha lang pong adik si Zeke." Napansin kong nakatuon ang pansin niya sa kartolinang nirorolyo ni Zeke.

"Binulabog niyo sila?" Mukhang may alam ang katiwalang iyon sa mga kakaibang bagay at sa isang tingin niya lamang ay nasabi niyang kinausap namin ang mga kaluluwa sa kabilang kwarto. "Hindi iyan laro, alam mo bang sa tuwing tatawagin niyo sila ay para silang dumadaan sa isang maliit na butas na puno ng karayom? Nakahanda ba kayo sa balik niyan?" dugtong pa niya.

"Anong balik?" tanong ni Mik-mik

"Binulabog niyo sila ngayon, sa susunod sila naman ang mambubulabog sa inyo." Paliwanag ng katiwala ng bahay

"Ayaw nilang magpa-alam sa amin, pero bakit bigla na lang tumigil ng alas 3:00 ang coin?" tanong ko sa kanya, kanina pa ginugulo ang isip ko kung ayos lang ba na biglang tumigil ang pakikipag-usap nila.

"Ang alas 3:00 ay kinokonsiderang banal kahit ng mga espirito, tumitigil ang mga espirito bilang paggalang sa oras na iyon. Pero hindi lahat ng espirito ay gumagalang, h'wag niyo ng uulitin yan, hindi laruan ang pakikipag-usap sa espirito. Sunugin niyo ang ginamit niyong yan," paalala niya sa amin.

. . . . . . . .

Matapos naming sunugin ay natulog kami, masyadong natakot yata sila Mikmik at Bee kaya nakiusap sila na sa kwarto na lang muna namin matulog. Mahimbing akong nakatulog, sa panaginip ko ay nakita ko ang pitong lalaki na naglalaro sa edad 15-30. 

Nakaharap silang lahat sa akin ngunit hindi ko makita ang kanilang mga mukha. Nagtangka akong lumapit pero nanatiling malayo ang aming distansya. Tumakbo ako papunta sa kanilang direksyon pero hindi ako makalapit sa kanila. 

 Wala silang ni isang salitang sinabi, hindi ko rin matandaan kung ano bang itsura ng paligid sa panaginip ko. Ang natatandaan ko lamang ay parang natatakot silang lumapit sa akin, parang mayroon silang kinatatakutan na naka-pwesto sa may lugar ko. Pero hindi ko alam kung bakit, kung lumingon sana ako sa panaginip na iyon ay baka makita ko kung sino ang kinatatakutan nila.

Nagising ako na tanghali na, para akong naalimpungatan at may nakitang isang lalaking nakaupo sa may higaan ko. Akala ko ay si Bee iyon na tumabi sa higaan ko, pero hindi, nag-iisa na lamang ako sa kwartong iyon. Nang tuluyan ko nang imulat ang mata ko ay wala naman pala talagang naka-upo doon.

Lumabas ako ng kwarto at nakita kong nagtatanghalian na ang tatlo kong barkada.

"Bakit hindi niyo ako ginising?" reklamo ko sa kanila, "At bakit ang aga niyong nagising, di ba lampas alas 3:0 na tayo nakatulog?" patuloy ko pa

"Bakit hindi kami maagang magising eh nagsasalita ka ng kung anu-ano. Kailan ka pa nagsimulang magsalita habang natutulog?" nagtaka ako sa sinabi ni Bee na iyon, alam kong naghihilik ako kapag pagod ako pero hindi ako kailanman nagsalita habang natutulog. Binalewala ko ang sinabi nila, hindi naman kagulat gulat ang isang tao na nagsasalita kapag tulog.

Habang nagtatanghalian kami ay nakarinig muli kami ng bolang tumatalbog. Lahat kami ay natigil sa pagkain at pagsalita, pinakinggan lang namin ng mabuti ang talbog ng bola. Sinundan namin ang tunog, hindi na iyon sa room no. 3 kundi ang tunog ng tumatalbog ng bola ay mismong sa loob ng kwarto na tinutuluyan namin ni Zeke.

Sa may pintuan ay may siwang sa ibaba na pwede kang sumilip para makita ang nasa loob. Dumapa si Bee para sumilip sa loob. Hindi ko alam kung anong nakita niya, pero ayaw niyang sabihin. Kitang ktia ko sa mukha niya ang pamumutla, alam kong may nakita siyang nakagulat sa kanya.

Akma kong bubuksan ang pintuan ng pinigilan ako ni Bee.

"H'wag Pare!" Hindi ako nakinig sa kanya at binuksan ko ang pintuan

Walang nasa loob, wala rin ang tumatalbog na bola. Wala, bakanteng-bakante ang kwarto. Sumilip ako sa ilalim ng kama pero wala akong nakita. Nang tumayo ako ay muling tumalbog ang bola, ngunit sa Room naman iyon nila Bee at Mikmik.

"Pinaglalaruan tayo pare!" takot na sabi ni Mikmik

"Umalis na lang kaya tayo?" sa tono ng boses ni Zeke na iyon ay hindi iyon nagtatanong, para bang isang suhestiyon na dapat ay umalis na kami doon.

"Akala ko ba, hindi sila maka-alis sa kabilang kwarto, bakit ngayon umaabot na sila sa dalawang kwarto?' pagtataka ko.

"Baka ito na yung balik." Hindi ko alam kung si Zeke ang nagsabi noon, hindi ko na rin maalala.

"Makiramdam muna tayo, huwag muna tayong umalis." Matapos kong sabihin iyon ay biglang nagkagulo sa kwarto nila Bee, dinig na dinig mo ang mga gamit na pinagbababato sa loob ng kwarto. Malakas, maingay na parang may nagwawala. Lumabas kami ng kwarto at nakitang nandoon na sa harap ng pintuan ang katiwala, takot na takot din siya na naririnig ang pagwawala ng kung sino sa loob ng kwarto. Lalo siyang natakot ng makita niyang kaming apat ay magkakasama at wala sa loob ng kwarto.

"Hindi kasi kayo dapat nagtawag." Matapos iyon ay iniwan kami ng katiwala

Nang mahinto ang pag-iingay sa loob ay binuksan namin ang kwarto. Nagkalat ang mga gamit sa loob, pati ang kamang tinutulugan nila na napakabigat ay nagawang baligtarin. Nakabukas ang lahat ng cabinet at nakatapon ang mga gamit. Isa-isa naming inayos ang mga gamit na ikinalat.

Saktong ibabalik ko na ang mga gamit sa kabinet nang may napansin ako. Ang lapag na kabinet na pinagpapatungan ng mga gamit ay may nakalagay na dyaryo. Napansin kong maumbok iyon, inangat ko ang dyaryo at nakita ko ang isang bungkos ng litrato. Nakatali pa iyon ng goma. Tinanggal ko ang goma, at napansing luma na ang mga iyon. Nakadikit na nga ang ibang litrato at nasira na ang larawan. Pero ang ilan doon ay matino pa naman.

Namutla ako sa nakita kong mga larawan. Litrato iyon ng iba't ibang tao na naka-subject sa iba't ibang uri ng torture. May roong isa doon na nakatali habang napapaikutan ng mga alambre, meron pang isa na naka taling pabaligtad at may alligator clip sa kanyang nipples, meron pang nakahandcuffs sa may kama.

"Anong gagawin natin?" wika ni Zeke

"Dapat pa ba tayong makialam?" tanong naman ni Mikmik na nag-aalangan na baka kami naman ang mapahamak kapag nakialam pa kami.

Inipon ko ang mga larawan, ibinalik ko iyon sa pagkakatali sa goma.

"Hindi ko naman kayo pipilitin kung ayaw niyong maki-alam, pero dadalhin ko ito sa istasyon ng pulis," wika ko, hindi ko inoobliga sila sa pagtulong sa akin, sarili ko iyong kagustuhan pero sa huli ay nagdesisyon silang sumama, sama-sama kaming nambulabog sa kanila, sama-sama rin kami sa bagay na ito.

Matapos iyon ay agad kaming nagdesisyon na lisan na ang bahay. Hindi kami nagpa-alam sa katiwala. Hindi namin alam kung dapat ba siyang pagkatiwalaan. Iniwan namin ang bahay na iyon na hindi nagpapalam sa kanya. Dumiretso kami sa malapit na istasyon ng pulis at pinakita sa kanila ang mga nakuha naming larawan.

Nagulat sila sa ibang nakitang larawan, ang iba daw doon ay matagal ng na-ireport na nawawala, ang iba naman ay hindi nila kilala. Ibinigay namin sa kanilang lahat pati na rin ang address ng bahay, inilihim na lang namin ang ginawa naming spirit of the coin at baka hindi sila maniwala.

Matapos iyon ay nilisan namin ang lugar, hindi na kami nagbalik. Wala na kaming balita kung ano man ang nangyari matapos naming i-report sa pulis ang nalaman namin. Naliligaw pa rin ako sa Bataan, pero hindi sa lugar na iyon. Pero hanggang ngayon ay hindi ko parin makalimutan ang panaginip ko. Bakit sila takot na takot sa akin? Hindi kaya may nakasunod sa amin sa ginawa naming spirit of the coin na iyon?

A/N: Sa mga nagtatanong po palagi kung may kasunod pa ba ang story na ito. Nagdesisyon po akong muling sumulat ng koleksyon ng oneshot horror stories. "Pinoy Horror Stories II" pero hindi gaya ng Book 1 na base sa totoong buhay ang Book 2 ay purong imahinsayon lamang. Salamat po.

Pinoy Horror Stories (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon