October 27, 2004
Tanauan, Batangas
Ako si Benedict at ito ang kwento ng Child Killer.
Umaga ng martes nang bumulaga sa amin ang balita na may nakitang dalawang bangkay ng dalawang bata sa may tabing ilog. Wakwak ang kanilang tiyan at nakalabas ang mga bituka. Sinakal daw ang mga ito ng hindi kilalang salarin at pagkatapos ay nilaslas ang tiyan kaya't lumabas ang bituka.
Pinagbawalan ang mga tao na lumapit sa tabi ng ilog ng mga pulis. Tinatanaw lang namin ang kanilang ginagawa mula sa tulay. Hindi na naman bagong makakita kami roon ng mga patay. Ginawa na kasing tapunan 'yun ng mga patay, merong salvage victim, drug addict, rape victim at kung anu-ano pa. Ngunit ito yata ang unang pagkakataon na mayroon kaming nakitang pinatay na bata at bukod pa doon ay kalunos-lunos at parang binaboy ang mga katawan nito.
Matapos ang pagkuha ng sandamakmak na litrato ng mga awtoridad at pati narin ang pagsasaliksik sa lugar ay nagtanong sila kung saan maaaring makakita ng pari para na rin mabendisyunan ang mga bata. Agad naman akong nagprisinta na may kakilala akong pari dahil na rin sa isa akong batang simbahan.
Tinakbo ko agad ang kapilya sa may tapat ng plaza. Sa ganitong oras ay siguradong nasa loob ng simbahan si Father Zabala at may mga nagkukumpisal. Mangilan-ngilan lang naman ang nangungumpisal kaya't sigrado akong agad na matatapos iyon. Patakbo akong pumasok sa loob ng simbahan. Huminto pa ako sa gitna para yumuko sa may altar bago tuluyang pumunta sa mga nangungumpisal.
"Father!" tawag ko sa aming lokal na pari. Lingid sa aking kaalaman ay nakita pala niya ako na nagtatakbo sa may loob ng simbahan.
"Anak, ang lugar na ito ay tahanan ng Diyos at hindi tamang tumatakbo ka sa loob ng banal na dalanginan." Sermon ni Father sa akin.
"Pasensya na po. Pero may nakita na naman pong patay sa may tabing ilog at pinapabendisyunan po bago nila dalhin." Umiling na lang si Father marahil ay nanlulumo na ito dahil ginawa na lamang tapunan ng bangkay ang lugar namin.
Dali-dali naming tinungo ni Father Zabala ang lugar. Sinama ako ni Father para magbitbit ng gamit niya kaya't nakalapit ako ng husto sa mga bangkay. Mukhang wala namang pakialam ang mga pulisya na naroon ako. Habang dinarasalan ni Father Zabala ang bangkay ng dalawang bata ay napansin kong may marka sa hita ng isang bata. Ang isa naman ay hindi ko makita dahil nakabaligtad ito.
Natapos ang bendisyon nang tinanong ko ang isang lalaking nandoon. "Sir, ano 'yong namumula sa may hita ng bata?"
Mukhang nagulat naman sa tanong kong iyon ang lalaki. Sinuri niya ang hita ng batang tinuturo ko at nakita niyang may puncture wound sa may hita nito. Mukhang may humigop sa dugo nito mula sa dalawang butas sa kanyang hita. Sinuri nila ang isa pang bangkay at ganoon din ang nakita nila.
"Mukhang may humigop ng dugo ng dalawang batang ito. Buti na lang matalas 'yung mata ng bata." wika niya.
"Pulis ka po ba?" usisa kong muli dahil iba ang uniporme niya kumara sa mga nandoon.
"Hindi, SOCO ako. Karaniwan sa mga SOCO hindi pulis, pero nagtatrabaho kami para sa mga pulis. Ikaw parang may future ka sa pagkalap ng ebidensya." Biro nito sa akin. Kalaunan ay nakilala ko siya bilang si Kuya Niel.
Pinanood ko sila hangang ilagay nila sa bodybag ang mga katawan ng bata. Mukhang sanay na sanay talaga sila na nakakakita ng ganitong eksena, lalo na si Kuya Niel. Nakita ko pa kung paano niya inayos ang bituka ng isang bata dahil nakaharang iyon sa body bag. Mukhang karaniwan na sa kanya ang makakita ng patay na tao.
Kumalat sa buong bayan ang istorya tungkol sa isang aswang dahil na rin sa paraan ng pagpatay sa dalawang bata. Dagdag pa doon nalaman din nila na may humigop ng dugo sa mga bata kaya't lalong lumakas ang ugong na isang aswang nga ang pumapatay. Bagong gabi pa lamang ay wala nang lumalabas na tao hindi gaya ng dati. Mukhang takot talaga ang mga naroon tungkol sa diumano'y isang aswang.
Lumipas ang apat na araw at muling may nakitang bangkay ng bata sa may bakanteng lote na hindi kalayuan sa may ilog. Gaya ng dalawang nauna, may palatandaan na sinakal ito at winakwak din ang tiyan. Muli ay may nakitang dalawang puncture wounds sa may hita nito at may palatandaang hinigop ang kanyang dugo.
Muling ipinatawag si Father Zabala upang bendisyunan ang bangkay ng bata, laking gulat niya nang makilala niya ang bata. Isa itong sakristan sa kanyang simbahan.
"Umatake na naman ang aswang!" sigaw ng isang mamang nandoon.
"Totoo po bang aswang ang may gawa niyan?" tanong ko kay kuya Niel.
"Hindi, pero mas maganda na muna sigurong isipin nila na may aswang nga nang hindi na sila naglalalabas kapag gabi. Mukhang may gumagalang serial killer sa lugar niyo."
"Benedict, hindi magandang nakikiusyoso ka sa ganitong mga maseselan bagay. Baka makagulo ka lang."saway sa akin ni Father Zabala. "Mamayang hapon ay tulungan mo na lang ako sa misa. Matatagalan pa bago ako makahanap ng bagong sakristan. Sa halip na pinakikialam mo ang trabaho nila ay mas magandang pagsilbihan mo na lamang ang panginoon." Wika nito.
Agad naman akong sumang-ayon kay Father Zabala, taong simbahan din naman ako at hindi naman ito ang unang araw na magsasakristan ako.
Kinahapunan ay tinulungan ko nga si Father Zabala sa misa. Hindi gaya ng nakakaraan ay kakaunti na ang nagsisimba. Mukhang natatakot talaga sila sa balitang aswang at sa mas maagang misa sila pumupunta.
Hindi pa ako nakauwi agad pagkatapos ng misa. Tumulong ako sa pag-aayos ng simbahan. Dahil na rin alam ni Father Zabala na takot akong umuwing mag-isa gawa na rin sa balitang patayan ay sinabi nitong sasamahan niya akong maglakad pauwi sa amin. Sumabay na rin sa akin ang isang bata na isang sakristan din.
Habang naglalakad kami sa may daan ay niyaya kami ni Father sa may eskinita, nang bigla niyang inatake ang batang kasama namin. Kinuha nito ang panyo sa kanyang bulsa at sinakal ang bata. Hindi ako makagalaw habang pinapanood kung paano unti unting mawalan ng buhay ang bata. Matapos iyon ay ginilit niya ang tiyan ng bata. Tinusok niya rin ang bandang hita nito at sinimulang higupin ang dugo.
Agad akong tumakbo bago pa niya matapos ang kaniyang ginagawa sa kawawang bata. Hindi ko alam kung anong direksyon ako papunta. Basta't ang mahalaga ay nakakatakbo ako palayo sa lugar na iyon. Takbo lang ako ng takbo, gusto kong umiyak pero hindi ko magawa nang dahil sa takot.
Hindi ko namalayan na napunta na pala ako sa may kabilang baranggay nang katatakbo nang biglang may pumigil at yumakap sa akin. Nagpumiglas ako sa takot, pinagkakalmot ko siya at sinubukang makawala. Nahimasmasan lamang ako nang makita kong si Kuya Niel 'yun. Kanina pa pala niya ako hinahabol nang makita niya akong tumatakbo.
Sinabi ko ang lahat ng nakita ko kay kuya Niel. Sinamahan ako ni Kuya Niel sa pulisya at agad silang bumuo ng team para arestuhin ang pari. Nadatnan nila ang pari sa may loob ng simbahan at nagdadasal. Inaresto nila ang pari at nanlaban ito.
"Mga tampalasan! Bastos, hindi niyo na ginalang ang pagdarasal ko. Pinagdarasal ko ang kaluluwa ng batang namatay kanina." Galit na sabi nito.
"Inaaresto po namin kayo sa salang pagpatay sa mga bata." Wika ng isang opisyal.
"Mahina ang ulo mo! Wala akong kasalanan! Ginagawan ko sila ng pabor. Kapag ang isang tao ay namatay habang bata pa lang sila ay didiretso sila ng langit. Ikaw sa edad mo siguradong impyerno ang punta mo."
BINABASA MO ANG
Pinoy Horror Stories (Completed)
HorrorExperience true horror with this chilling collection of stories inspired by real-life events. From the twisted minds of history's most notorious serial killers, comes a macabre selection of tales guaranteed to leave you speechless. Beware, this is n...