"Miss mo na agad si Kuya Jairus 'no? Mamaya na 'yan! Swimming pa tayo!" sigaw ni Maria sa kanya nang maabutan siya nito sa tabing-dagat. Mabilis itong tumakbo sa dagat at sumisid. Naupo naman siya sa buhangin habang malayo ang tingin.
Hindi na siya ginising ni Jairus kanina nang umalis ito ng madaling-araw. Nag-iwan lang ito ng note sa kanya na nagsasabing 'Babalik din ako agad para sa'yo. I love you and I will miss you." Itinago niya din iyon gaya ng pagtago niya sa note na iniwan nito sa kanya kasama ang tatlong pulang rosas.
Kita ni Maria ang lungkot niya kanina kaya niyaya siya nitong lumangoy sa dagat. Hindi naman siya maaaring lumangoy ng matagal dahil hindi pa din maaaring pwersahin ang balikat niya dahil sasakit na naman iyon. Ngunit wala siyang pinagsisisihan sa lahat ng nangyari noon. Hindi niya kailanman pagsisisihan ang pagharang sa upuang ihahampas sana kay Jairus. At kung bibigyan siya muli ng pagkakataong gawin iyon para dito, kahit na masakit, ay gagawin niya. Ganoon niya ito kamahal.
"Oh, bakit malungkot ka pa rin? Sabi naman ni Kuya Jai na uuwi din siya ngayong araw ah." Sabi ni Maria na nakalapit na pala sa kanya. "Huwag ka nang mag-isip diyan. Alas-dos na din naman at maya-maya lang baka nandito na 'yon."
Nginitian niya lang ito. "Ngayon na lang kasi kami ulit nagkahiwalay ng ganito. Ewan ko, nalulungkot ako."
"Hala, grabe siya!" natatawa nitong sabi. "Halos araw-araw nga kayo magkasama eh sa halos dalawang linggo ninyo sa isla. Okay lang 'yan, para naman mamiss ninyo ang isa't-isa paminsan-minsan."
Kung alam lang ni Maria kung ilang beses na silang nagkahiwalay ni Jairus. Kung alam lang nito kung ilang beses siyang nangulila dito at wala siyang magawa kundi ang maghintay ng walang kasiguruhan kung babalik ito sa kanya. Siguro iyon ang dahilan kung bakit nahihirapan siyang pakawalan si Jairus. Maraming beses na itong nawala sa kanya, malakas lang siguro siya sa Panginoon kaya kahit na malaki ang agwat ng mga buhay nila ay pinagtatagpo pa rin sila.
Pero siguro tama si Maria. Ayos lang kung minsan ay magkahiwalay naman sila nito. Hindi maaaring habangbuhay niyang itali si Jairus sa kanya. They both still need to grow. May kanya-kanya pa rin silang buhay kahit na mag-asawa na sila. Tinignan niya ang singsing sa daliri niya. Alam niyang iyon ang assurance ni Jairus sa kanya, na kahit umalis siya, babalik at babalik ito sa kanya.
"Alam ko na, para naman sumaya-saya ka. Kainin na lang natin 'yung mango float na gawa ko kanina. Malamig na siguro 'yon ngayon." pagyaya ni Maria sa kanya na pilit pinapagaan pa rin ang loob niya.
Ngumiti na siya dito at sumabay na papasok sa villa. Naligo muna silang dalawa bago tumungo sa kusina.
"'Nay Guada, wala pa po bang text o tawag galing kay Jairus?" tanong niya nang maabutan ito sa kusina. Wala siyang dalang cellphone dahil naiwan niya sa sasakyan na nakaparada pa sa gilid ng MarLes. Kinakabahan na nga siya't baka tinatawagan na siya ng magulang niya. Mabuti na lang at nakapag-paalam siya sa mga ito kaya baka iniisip na busy lang siya sa bakasyon niya kaya hindi siya nakakasagot sa tawag.
"Nag-text siya kanina na kumain ka na daw." Nangi-ngiti nitong sabi sa kanya. Yeah, that's him. "Uuwi na din siguro iyon mamaya."
Nilapag na ni Maria ang platito niyang may mango float sa counter ng kusina at doon na sila kumain. "Sinabi ko na nga sa kanya 'nay, naku ganyan pala kapag in love."
Umiling lang siya dito bago sumubo ng mango float na gawa nito. "Aba, sarap ah! Pwede ka na ding mag-asawa."
Tumawa ito sa sinabi niya. "Kung kasing-guwapo lang din ni Kuya Jairus aba, go na ako!" siya naman ang natawa nang batukan ito ni Nanay Guada. Nag-aaral pa lang kasi ito sa college at hindi pa nakakapag-tapos.