<Carmella’s POV>
Wala siyang magawa ngayon kundi ang maupo kasama ni Nash at ng damuhong si Paul. Gusto na niyang umalis pero hindi naman niya makita si Sharlene na kasama ni Francis na maglakad-lakad. Isinasama siya ng dalawa pero tumanggi siya, mas mao-OP lang naman siya kung sasama pa siya sa mga ito.
Isa pa alam naman niyang miss na ni Sharlene si Francis na halos isang linggo ding nawala. Hindi na nga ito nasanay na walang Francis sa tabi nito. She can’t blame her friend. Hindi madali ang pinagdaanan nito kaya naman masaya na siya ngayong masaya na din ito.
Ganoon nga siguro minsan, hindi dahil pinagtagpo na kayo, kayo na hanggang sa huli. Pwedeng ‘yung taong ‘yun lang ang daan para mahanap mo ‘yung nakatakda talaga para sa’yo. Gaya ng nangyari kanila Sharlene at Jairus.
“Ang tahimik mo Carmella.” Singit ni Paul sa malalim na pag-iisip niya. Pinigilan niya ang sarili na ihampas ang bote na nasa harapan niya dito. Hindi pa rin niya makalimutan ang nangyari noon.
Pakiramdam niya kasi pinaglaruan lang siya. At hayun naman siya sa sobrang ka-adik-an niya sa pag-ibig ay nagpa-uto dito. Walang kakayahan si Paul na magmahal dahil ang tingin lang nito sa mga babae ay laruan. Pampalipas-oras.
Kung bakit naman kasi dito pa siya nagka-crush noon. Kung bakit kasi ito pa ang pinangarap niya.
“Nag-date kayo noon ‘di ba?” tanong ni Nash. Napalingon siya dito. Paano nalaman nito ‘yon? “Ano’ng nangyari?”
“Friendly date lang ‘yun.” Paul said casually. “Girlfriend ko pa kasi si Jasmine no’n.”
“Si Michelle ang girlfriend mo no’n.” she said out of annoyance.
Umarte si Paul na parang nag-iisip. “Si Michelle ba? Baka si Jasmine ‘yung after ni Michelle, o vice versa?”
Naka-kuyom na ang kamay niya na nakapatong sa hita niya. This is too much! She can’t stand this kind of humiliation. Kahit hindi nito alam na parang naiinsulto siya sa mga sinasabi nito. Kaya tumayo na siya nang walang pasabi. Ite-text na lang niya si Sharlene, maiintindihan naman siya siguro nito.
Hinawakan ni Paul ang braso niya. Nagulat siya na nakasunod na pala ito sa kanya. “Hey, where are you going?”
Marahas niyang binawi ang braso dito. Inabutan siya ni Nash ng basong punong-puno ng alak. Kinuha niya iyon at isinaboy sa pagmumukha ni Paul.
“Hindi laruan ang mga babae Paul! Hindi kami pampalipas-oras! Alam mo? Pinagsisisihan kong nagkagusto ako sa’yo noon dahil wala ka naman pala talagang puso!” sabi niya at naglakad na palayo.
Hindi lang siya naiinis sa ginawa nito sa kanya noon. Naiinis siya dahil sa mababaw na pagtingin nito sa damdamin nilang mga babae. He’s a total jerk!
“Teka, ano ba’ng ginawa ko sa’yo Carmella?!” sigaw ni Paul sa kanya.
“Go to hell!” balik sigaw niya dito.
<Sharlene’s POV>
“Kumusta na daw siya?” nag-aalalang tanong ni Francis sa kanya.
Kakatapos lang ng tawag niya kay Carmella. Nagulat na lang kasi sila ni Francis nang mag-text si Carmella sa kanya. At nang bumalik sila sa pinag-iwanan nila dito kanina, punong-puno naman ng alak ang polo shirt ni Paul.
“Ayos naman daw. Pero nag-aalala pa rin ako eh, gusto ko siyang puntahan ngayon.”
“Ano ba kasing ginawa ko sa kanya Sharlene?” singit ni Paul sa kanila. “Bakit galit sa’kin ‘yun?”