Umaga kinabukasan. Sinubukan kong maging normal kahit na gulong-gulo ang isip ko. Tumingin ako sa relo ng hallway pero hindi ko naman napansin ang oras. Tuloy tuloy lang ako sa pag-akyat hanggang sa makarating sa 4th floor. Magulo ang klase pagdating ko, palibhasa tapos na ang exam at wala na silang po-problemahin pa kundi ang gumimik. Kapansin-pansin naman ang kalungkutan ni Mark dahil wala siyang grade. Pinunit kasi ng aming propesor ang testpaper niya dahil na rin sa kagagawan ni Camille. Tiningnan niya lang ako at halatang dismayado sa nangyari. Napaupo na lamang ako sa aking upuan at naghintay. Dumating si Camille ilang minuto bago dumating ang prof. dahan-dahan siyang umupo sa aking tabi at ngumiti.
"Tapos na exam, ano...gala tayo?" tanong niya. Akala ko maiilang siya sa 'kin dahil sa nangyari kahapon.
"Oo ba...basta libre mo..." tawa lang ang naisukli niya. Saglit kaming nanahimik dahil nagsimula nang magturo ang aming prof pero hindi ko napigilang tanungin siya.
"Kumusta naman ang uwi mo kahapon?"
Dahil na rin siguro sa katorpehan kaya't medyo iniwas ko muna ang usapan tungkol sa text niya kagabi.
"Ayos lang...basang-basa ako! Loko ka kasi eh, pinasugod mo pa ako sa ulan." Hindi niya nanaman ako nagawang tingnan habang sinasabi niya iyon. Ilang minuto pa ay bigla akong nagkalakas ng loob na magtanong ulit.
"Ah Cams, yung tungkol sa text mo kagabi..."
"Wala 'yon..."
Bago ko pa man masabi ang dapat kong sabihin ay agad siyang nagsalita. Siguro ayaw niya na rin pag-usapan yung mga nangyari kahapon, siguro nadala lang din siya ng kanyang damdamin pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit hindi man lang siya nagalit. Bakit hindi niya ako sinapak o pinahiya gaya ng mga ginagawa niya sa mga manliligaw niya?
"Bakit hindi mo ako sinuntok kahapon?" tanong ko sa kanya habang kami ay kumakain sa canteen.
"Ha?..."
"Sabi ko bakit hindi mo ako sinuntok kahapon...sinusubukan na kaya kitang ligawan...haha!" pabiro kong sagot.
"Imposible 'yon, torpe ka eh, at sa susunod na gawin mo pa ulit yang mga style mo, magdadala na talaga ako ng sakong puno ng langgam...ilalagay ko yun sa ulo mo!" nakita ko ang pagkaseryoso sa kanyang muka. Hindi ko pa rin malaman kung bakit ayaw niya ng may nanliligaw sa kanya.
"Natahimik ka diyan..." sabi niya. Umiling lamang ako habang nakangiti.
Napansin kong maya't-maya na naman ang tingin niya sa kanyang celphone. Magbabasa siya ng ilang mensahe at sisimangot. Muli niyang ilalapag ang phone niya sa mesa ng padabog at pagkatapos ay ipagpapatuloy na muli ang pagkain.
Tumunog ang cellphone ni Camille habang nagka-klase kami sa pangalawang subject. Nagpaalam siya sa aming prof para saglit na sagutin ang tawag. Tiningnan ko siya habang papalabas ng room, may pagkairita na naman sa kanyang muka habang siya'y nakikipag-usap. Parang may kaaway siya sa kabilang linya habang paulit-ulit na sinasabi ang mga salitang 'please' at 'hindi pwede'. Namasdan ko din ang pagluha niya. Binaba niya ang phone, nakita niya akong nakatitig sa kanya kaya't pinunasan niya agad ang kanyang mukha at tumakbo sa hallway. Agad naman akong lumabas ng room at sumunod sakanya.
"Froylan!...saan ka pupunta? Hindi pa tapos ang klase hoy!" bulyaw ng prof sa akin habang ako'y patakbo sa labas ng room.
Tumakbo ako pababa sa hagdan at sa hallway, lingon sa kaliwa at kanan, wala siya. Sinubukan ko siyang hanapin sa paborito naming pwesto sa grounds pero wala siya doon. Lumabas ako ng gate at doon ay nakita ko siya, umiiyak habang tumatakbo palayo. Hinawakan ko ang braso niya, humarap siya at sinampal ako.
"Ano ba?!" napatigil lamang ako sa kinatatayuan ko, hindi ko akalaing gagawin niya iyon. Ang tuwa na dati kong naramdaman kapag kasama siya ay nahaluan ng kalungkutan. Hindi ko alam kung ano ba ang sitwasyon niya, kung may problema ba siya sa pamilya o mga kaibigan. Saka ko lang naisip na marami pa rin pala akong hindi alam tungkol sa kanya. Tiningnan niya ako saglit at saka umiwas, sumakay siya ng jeep at ako nama'y naiwang nakatulala at pinagtitinginan ng ilang mga tao.
Nakasakay na ako ng jeep pauwi nang mabasa ko ang text ni Camille.
'Sorry,' iyon lang ang nakalagay sa mensahe niya. Nung mga oras na iyon ay ayoko munang mag-isip. Gustuhin ko mang magreply ay hindi ko na ginawa dahil baka makagulo lang ako sa problema niya kung ano man 'yon. Tahimik lang akong pumasok ng bahay at nag-asikaso ng homework. Nakareceive ako ng text galing kay Camille.
'Magreply ka naman,..' nireplyan ko siya. Sinabi kong nasa akin ang mga gamit niya, ipinaliwanag ko rin ang ipina-homework ng aming prof. Ipinaalam ko lang kung anong gagawin at pagkatapos ay wala na. Nagreply naman siya agad:
'Ayan nasampal na kita kanina, nasaktan na kita, masaya ka na?'
'Masakit pero ayos lang...buti nga hindi iba yung sumampal' text ko sa kanya.
Naghintay ako ng reply niya magdamag pero wala akong nareceive. Tiningnan ko ang bag niya, dahil na rin sa curious ako kung ano nga ba ang laman ng bag ng mga babae. Nakita ko ang itim na notebook niya na may print ng reaper sa cover, medyo emo ang dating. Halata din naman kasi sa ayos niya at mga palawit niya sa bag. Binuklat ko ang notebook, puro letterings, konting lectures pagkatapos ay letterings ulit ng pangalan niya, ang iba naman ay hindi ko maintindihan kung tula ba o kanta. Medyo natuwa ako dahil gumagawa pala siya ng mga tula, puro tungkol sa pagmamahal, pagkabigo at iba't iba pang ka-emohan. Ang iba'y tungkol sa pasasalamat.
Binuklat ko pa ang ilang mga pahina, ibinalik ko sa bandang gitna dahil parang may nabasa ako. Isang sulat, isang love letter na isinulat para sa kanya. Nakakpagtaka dahil sa kanya naman ang notebook na 'yon pero ang nakalagay ay para sa kanya.
May pagkakahalintulad din ang mga nakasulat doon sa mga ginagawa namin araw-araw kahit medyo nakakasawa na. Noong nakaraang linggo pa ang nakalagay na date kung kailan isinulat pero ang ikinagulat ko ay ang nakalagay na pangalan sa baba, 'Roy'. Kunot noo kong binasa ang sulat na iyon, nagtataka kung bakit nakalagay doon ang pangalan ko.
BINABASA MO ANG
Patunayan
RomanceNoon, inakala ko na ang oras ay may kinalaman sa bawat galaw ng tao, kung magbabago man ang oras nito ay ibig sabihin, iba na naman ang mangyayari. Nagkamali ako. Bumabalik din kasi ang mga kamay nito sa dati; paikot-ikot lang, paulit-ulit. Wa...