(Rebound...part2)

739 53 22
                                    

         Biyernes ng umaga, naglakad ako sa hallway habang bitbit ang bag ni Camille.

"Oh pare, pa-girl ka ngayon ah.." sabi ng isang kakilala.

"Hindi akin 'to sira!" sagot ko naman sa kanya habang pinapakita ang checkered na bag na may kulay pink. Nginitian lamang niya ako habang papasalubong sa hallway. Umakyat ako ng hagdan na walang emosyon kagaya ng mga una kong araw na pagpasok dito. Hindi ko na pinagmasdan ang relo gaya ng dati kong ginagawa. Noon, inakala ko na ang oras ay may kinalaman sa bawat galaw ng tao, kung magbabago man ang oras nito ay ibig sabihin, iba na naman ang mangyayari. Nagkamali ako. Bumabalik din kasi ang mga kamay nito sa dati; paikot-ikot lang, paulit-ulit. Walang saysay. Pwera na lang noong makilala ko siya.

Pumasok ako ng room, nagulat ako nang makita ko doon si Camille, mas maaga siya sa inaasahan. Nakangiti siyang bumati ng 'good morning' sa akin. Kung titingnan ay parang nakalimutan niya na ang mga nangyari kahapon. Inabot ko ang bag niya pagkatapos ay umupo sa tabi. Pagkaupo ko ay sinuntok-suntok niya ako sa braso. Medyo masakit pero hindi ko alam kung bakit ako napapangiti.

"Ginalaw mo 'tong bag ko 'no?!" tanong niya habang nakasimangot.

"Ah oo pero hindi ko tiningnan..." tiningnan niya ako ng masama sabay kagat sa aking balikat.

"Aray! May lahi ka talagang aso 'no?" sabi ko. Pinagtawanan niya lang ako.

"Ang sama mo talaga..."

"Kung masama ako, bakit mo pa ako sinasamahan?" Tumingin lamang ako sa mga mata niya, umaasang makikita niya ang kasagutan sa kaniyang tanong. Sa madaling salita, hindi ako sumagot, nakinig na lamang ako sa aming prof na noon ay kapapasok lang.

Sumapit ang oras ng uwian, masaya kaming magkasabay na bumaba ng hagdan habang nagtutulakan. Muntik pa nga akong masubsob sa hawakan. Akalain mong pinagtawanan lang niya ako imbis na tulungan. Naglakad kami palabas ng hallway, himala at maaraw ang hapon na iyon. Sa daanan palabas ng hallway ay may humingi na naman ng number niya, nakita ko na naman ang pagkairita sa kaniyang mukha. Lumapit ako sa kanya at hinila ko na lang siya palayo.

"Sandali lang kinukuha niya number ko eh, ibibigay ko lang..." sabi ni Camille.

"Wag na...delikado na naman yung celphone niya," sagot ko. Agad namang lumapit sa akin yung nanghihingi ng number niya.

"Sandali pare, hinihingi ko yung number eh..."

"Ah...hehe, pasensya na pare medyo wala kasi sa mood 'to eh, baka masira niya lang phone mo," sagot ko habang nakangiti. Bumalik na lamang siya sa kanyang kinauupuan at tila nagkantyawan kasama ang mga katropa niya.

"Ang KJ mo!" sabi ni Camille.

"Hindi ko naman sisirain phone niya, ibibigay ko lang sana number ng boyfriend ko..." dagdag pa niya. Napatingin ako sa kanya at natahimik.

Boyfriend? Hindi ko maintindihan. Akala ko wala pa siyang gano'n. Naisip ko agad yung sulat na nabasa ko sa notebook niya, isang love letter na hindi ko alam kung bakit nakalagay ang pangalan ko. Napaisip pa ako kung ako nga ba ang nagsulat noon.

"Hindi ka ba magtatanong?" tanong niya.

"Tungkol saan?"

"Tungkol sa boyfriend ko.."

"Ah, hindi na..." sagot ko habang nakangiti.

Hindi naman ako puwedeng umasa na yung tinutukoy sa sulat na nabasa ko ay tungkol sa amin, imposible din. Masyado siyang maganda para sa isang katulad ko. Oo at napapagkamalan nga kami minsan pero malay ko ba kung pinagti-tripan lang nila ako at nagmumukha lang pala akong alila niya sa tuwing magkasama kami. Para siyang prinsesa pero ang ugali naman niya ay parang bagyo, sobrang gulo.

PatunayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon