Buhat-buhat ko si Camille habang kami ay nag-aabang ng jeep na masasakyan, may kabigatan din pala siya na noon ko lang napansin dahil na rin sa bumalik na ang pakiramdam ko.
"Ang bigat mo...ano bang pinapakain sa 'yo ng magulang mo?" tanong ko sa kanya.
"E 'di wag mo na akong buhatin...dali, ibaba mo na ako kaya ko na yatang maglakad eh!" Nagpupumiglas siyang bumaba mula sa likod ko, nagtampo yata.
"'Wag na...umayos ka nga ang kulit mo..." natahimik naman siya at kumalma, yumakap siya ng mahigpit at ako naman ay tahimik na naghintay ng jeep.
"Hmm...daan muna tayo sa flowershop, sige na Roy..."
"Bakit naman?" tanong ko.
"Bili mo 'ko ng bulaklak sige na..." pangungulit niya.
"Ha? Ayoko nga..." sagot ko naman.
"Sige na, sige na, sige na..." nagpatuloy siya sa pangungulit at sinipa pa niya ang hita ko, akala mo'y batang naglulupasay.
"Aray! Oo na, oo na..."
Bumaba kami sa bilihan ng mga bulaklak at tinanong ko siya kung ano bang paborito niyang kulay ng rose. Puti ang sinabi niya kaya't iyon na rin ang binili ko.
"Yehey!...thank you..." sabi niya.
"Para kang bata..." bulong ko naman.
"Ano 'yon ha?!" tanong niya.
"Wala!"
"Akala ko nagrereklamo ka eh...tara na bilis uwi na tayo," pagmamadali niya.
Palibhasa hindi siya ang nahihirapan at nabibigatan. Naglakad ako habang pasan siya sa aking likuran simula sa gate ng villa kung saan sila nakatira.
"Ang yaman niyo pala..." sabi ko.
"Oh ano naman?"
"Wala lang, nahihiya lang ako, nakita mo naman yung bahay namin 'di ba? Maliit lang," sagot ko.
"Comfortable naman sa loob eh...kumpleto naman ang gamit tsaka, ambait pa ni tita."
Napangiti na lamang ako at natahimik. Medyo malayo-layo din pala ang bahay nila simula sa gate, napansin ko na lang na nakatulog na pala siya noong malapit na kami.
"Tao po..." walang sumagot.
"Tao po..." inulit ko.
Hindi ko napansin na may doorbell pala sa gilid ng gate ng bakura nila. Pinindot ko at binuksan naman iyon ng lola niya. Hindi ako nakapagsalita ng makita ko ang reaksyon ng kanyang lola. Para siyang nagulat at naawa dahil na rin siguro sa mga sugat namin. Tinawag niya ang nanay ni Camille at dali-dali naman itong pumunta sa pinto.
"Nako anong nangyari sa inyo? Loko-loko talaga 'tong batang 'to..." sabi ng nanay niya.
"Pasok ka muna iho, pakihiga na lang doon sa sofa..."
Dahan-dahan kong hiniga ang pagod nang katawan ni Camille, tinanggal ko ang sapatos at inilagay sa tabi. Kinuha naman ng kanyang lola ang puting rosas at inilagay sa vase na nasa gitna ng mesa. Kumuha ng basang twalya ang kanyang ina at pinunasan siya.
"Ano bang nangyari sa inyo?" tanong ng kanyang ina.
Ipinaliwanag ko naman ng maayos sa kanila ang mga nangyari. Sinabi ko ang nangyaring gulo sa bilyaran at ang may pakana ng lahat, si Roy.
"Matigas talaga ang ulo ng batang 'to, ang sabi ko sa kanya iwasan niya yung lalaking 'yon eh..." sabi niya.
"Buti na lang at nandoon ka ano? Para kang prinsipe..." nakangiting sabi ng lola niya.
"Pasensya ka na ah? Nako...ikaw pa yata ang sumalo ng mga suntok doon...medyo magulo kasi utak nitong anak ko kaya madalas napapaaway, nadamay ka pa tuloy," paliwanag naman ng nanay ni Camille.
"Gusto mo ba ng softdrinks? Ikukuha kita..."alok naman ng kanyang lola.
"Wag na po...ayos lang po ako"
"Ano bang pangalan mo?" tanong niya.
"Froylan po, Roy din po ang tawag sa 'kin."
"Ah ikaw yata yung minsang nakwento sa akin nitong apo ko eh, ikaw yung lagi niyang kasama sa school?" tanong ng lola niya.
"Nako gusto ka yata niyang apo ko eh...haha..."
"Nay!" awat naman ng nanay ni Camille.
Close pala sila ng lola niya, siguro kunsintidor. Doon ko lang din nalaman na kahit papaano ay gusto ako ni Camille. Tingin ko alam ko na rin dahil sa mga ikinikilos niya noong mga huling araw.
"Ikaw ba ang bumili ng bulaklak?" tanong ng lola niya.
"Opo, pinabili niya po sa 'kin...ayon, para daw po sa kanya." Natawa naman ang lola niya, ang nanay naman niya ay napangiti na lamang.
"Ahmm...mauna na po ako pakisabi na lang po kay Camille..."
Magpapaalam na sana ako, niyaya nila akong kumain. Kahit na gutom na ako noong gabing iyon ay tumanggi pa rin ako, dahil na rin siguro sa hiya. Ang laki ng bahay nila at ang linis, pakiramdam ko ako lang ang madumi sa bahay na iyon.
Hindi na ako nagtagal sa bahay na iyon. Mag-isa akong sumakay ng jeep, masaya akong umuwi dahil alam kong may nararamdaman din pala si Camille para sa akin.
Malapit na ako sa aming bahay nang maalala kong nasa akin pala ang notebook niya. Nakalimutan kong isauli, ano ba yan. Tinext ko na lang siya para ipaalam na nasa akin pa iyon, sinabi kong magpagaling siya para makapasok na siya bukas.
BINABASA MO ANG
Patunayan
RomanceNoon, inakala ko na ang oras ay may kinalaman sa bawat galaw ng tao, kung magbabago man ang oras nito ay ibig sabihin, iba na naman ang mangyayari. Nagkamali ako. Bumabalik din kasi ang mga kamay nito sa dati; paikot-ikot lang, paulit-ulit. Wa...