Guro #1
Ako yung guro na sobrang ganda, kung nagtuturo ako sa klase lahat ng lalaki masaya. Ang puti ng mga legs ko, crush na crush ako ng karamihan ng estudyante. Marami sakanila ako ang paborito, malapit at malambing ako sa lahat. Kapag teacher's day ako lang naman nilalaban nila sa pagandahan, panalo lagi sa best in costume. Ako din may pinakamaraming followers na estudyante sa twitter. Kaso yung iba nakakainis lang, mga walang respeto, masyadong bastos ang mga isipan. Ang gusto ko lang naman ay maayos akong tignan kapag nag klaklase.
Guro #2
Sa liit kong ito takot sa akin ang mga estudyante, ika nga nila "terror". Lagi akong may hawak na mga susi na kinakalansing ko kapag dumadaan sa hallway. Marinig palang nila yun, alam na nila na padating ako. Ang mga lalaking problema ng eskwelahan napapatino ko. Kapag maingay ang klase at pumasok ako ay tatahimik. Lahat halos nanginginig kapag ako ay nagalit. Marami akong pinapagawa sakanila, may mga dapat pang sundin na format, minsan nga may estudyante ako na hindi nag lalagay ng petsa sa kanyang papel at siya ay aking pinagalitan. Kahit kailan hindi pa ako nanalo ng teacher of the year.
Guro #3
PUNYETA KA! Ako nga pala yung palamurang guro, minumura ko mga estudyante ko. Galit ako lagi sa mundo. Galit ako lalo na sa mga hindi nag rereview ng maayos. Kung pwede lang siguro akong murahin pabalik pinag mumura na nila ako. Pero sigurado naman kapag ako ay nakatalikod na puro mura ang inaabot ko. Madalas akong nakakausap ng admin ng eskwelahan. May mga matatapang na estudyante pa palang nag-susumbong akala ko lahat madadaan sa mura. Minsan ako yung nanakit ng estudyante, humihingi pa ng regalo kapalit grades. Ngayon na ang huli kong pagtuturo sa eskwelahan, sinibak na kasi ako sa trabaho ko at makukulong ako. PUNYETANG MGA ESTUDYANTE TO!
Guro #4
Ako yung guro na nagpapamulat sa mga estudyante ko na walang yayaman sa pag-teteacher. Kaya ito nag-aasawa nalang kami ng mayayaman. Mahirap lang ang buhay namin, tanging kayamanan ko lang ay ang kaalaman ko sa aking tinuturo at ang mga mahal kong estudyante. Basta masaya ako na nakikita ko na nagiging matagumpay sa buhay ang mga estudyanteng dumadaan sa kamay ko.
Guro #5
Ako na ata ang pinakamabait na guro, masaya kapag nag-klaklase at nagbibigay ng napakaraming bonus. Mataas ako mag-bigay ng grade basta kilala kita. Kapag nakikita kong napakarami na ng mga ginagawa ng aking estudyante sa ibang asignatura ay hindi ko na sila ibabaon pa sa mga gawain. Maaga ako kung mag dismiss ng klase. Teacher of the year award lagi ang nakukuha ko. Lahat ay binibigyan ko ng pangalawang pagkakataon minsan pa nga hanggang apat pa. Pero minsan inaabuso ng iba ang kabaitan ko. Hindi na sila nag-aaral ng maayos, at di na nag-papasa ng mga gawain na dapat ipasa. Minsan huli pa sa naitakdang deadline. Lagi nilang sinasabi, "wag na tayong mag review si Sir lang yun mabait yun", "wag na tayong mag pasa si Sir lang yun", "onting uto lang kay Sir papayag na yun". Kaya minsan nagiging mahigpit din ako.
Guro #6
Ako yung guro na may dala-dalang anak sa eskwelahan, kaya ang mga estudyante ko kilala din pati anak ko. Kapag may klase nakaupo din ang anak ko kasama ang mga estudyante. Pero minsan nakikipag laro ang aking anak sa kanila. Natamaan ng bola ng baseball ang mukha ng anak ko. Kahit inaawat na ako ng mga kapwa ko guro, sinugod ko ang estudyanteng nakatama sa anak ko. Gustong-gusto ko siyang suntukin, pinagsisigawan ko siya at dinuro-duro. Ako yung tipong machong-macho, pinakamalaking katawan sa lahat ng mga guro. Wala namang magawa ang estudyanteng yun kung hindi ang mag-sorry at umiyak, pero ang laki parin ng galit ko. Sa pag-kakataon na iyon, magulang ako hindi ako guro.
Guro #7
Ako yung guro na kahit Araling Panlipunan ang tinuturo ko ay hinahaluan ko ng mga green jokes. Nagiging sex education na ito minsan. Ganun talaga, yun ang technique ko para hindi sila antukin sa klase. Sobrang komedyante ko, di lang sa mukha pati sa pananalita. Kahit kailan wala pa akong nakitang estudyante na natulog sa klase ko.
Guro #8
Reporting, wala ng ibang ginawa ang mga estudyante ko kung hindi mag reporting. Buong taon reporting ang ginagawa. Ako naman kapag medyo malabo lang ang pagpapaliwanag ng mga reporter dun lang ako nag-tuturo. Madalas kapag quizzes reporters lang ang mataas ang scores.
Guro #9
Sure ako masaya lagi mga estudyante ko, laging walang pasok. Pala absent yata ako, kung hindi absent late naman. Ang mga nagagalit lang ay yung mga nag-aaral ng maayos. Merong mga estudyante na kahit tatlong oras na akong late ay inaantay parin nila ako, mga masisipag! Minsan ganito technique ko, late na nga ako papasok sa klase papagawin ko pa sila ng activity tapos aalis ulit. Iiwanan ko sila! Saan ako pumupunta? Ayun minsan nakikipag kwentuhan sa mga janitor, minsan nag-babasketbol kasama ang mga irregular na estudyante. Minsan pa nga iniwan ko ang mga estudyante ko sa laboratory class nila tapos pag-balik ko nasunog na nila yung kwarto. Minsan may mga naaksidente na dahil naglilikot pala sila kapag wala ako. Teka late na pala ako sa next class ko.
Guro #10
Ako ang pinakamatalinong guro sa lahat, marami na akong nakamit sa buhay, matanda na pero kaya paring makipagsabayan sa mga batang guro. Sa sobrang talino ko kaya kong talunin si Kuya Kim sa paramihan ng trivia. Master na master ko ang tinuturo ko, kaya kong magturo ng walang power point, marker lang ang dala ko pwede na. Kabisado ko kasi ang libro. Sa sobrang dami ng tinuturo ko hirap mag review ang mga estudyante ko, ang dami kasi nilang notes at lahat pwedeng lumabas sa mga pagsusulit.
Guro #11
Ginawa ko ng museo at aklatan ang advisory classroom ko, punong puno din ito ng mga collection ko tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Naka dikit sa mga pader ang mga sinaunang barya dahil coin collector ako. Puro halaman din ang classroom na hinahawakan ko, isa na itong maliit na kagubatan. Best in classroom ang laging napapanalunan ng advisory class ko.
Guro #12
Batang-bata, minsan napagkakamalan akong student teacher. Kadalasan mas matanda pa sa akin ang mga estudante ko. Kinakaya-kaya lang nila ako minsan dahil mas matanda sila. Pero hindi yun dahilan para hindi nila ako respetuhin. Malapit ako sakanila, tulad ng ibang guro kaibigan ako ng mga estudyante ko lalo na kung walang pasok. Isa ako sa pinakamabait na guro dahil ramdam ko ang mga estudyante ko. Fresh grad kaya ako!
Guro#13
Ako yung guro na may estudyanteng anak ko. Pero hindi yun dahilan para hindi na siya mag-aral. Nagtataka ang karamihan ng estudyante ko dahil lagi siyang mataas sa mga quizzes namin, sikreto ko nalang yun kung may ginagawa akong magic bakit ang taas ng mga grades niya. Top 1 ata anak ko! Di niyo ba naisip na maaaring inspired lang siya kaya pinagbubutihan niya ang kanyang pag-aaral. Kasi kung bumagsak siya lagot siya sa akin. Bantay sarado siya. Kaya may mga pagkakataon na ayaw kong I-handle anak ko dahil maraming iniisip ang mga tao.
Guro #14
Ako ang tindera ng eskwelahan, talo ko pa ang canteen kung mag benta ng mga pagkain at sari-saring kagamitan. Kapag bumili ka may plus grade ka! Pero hindi ko naman pinipilit ang mga estudyante kong bumili, business minded lang ako talaga. Minsan pa nga sinasali ko pa sila sa networking ko eh. Habang nag tuturo ako kumakain ang lahat. Motto ko walang dapat nagugutom sa klase. Pero minsan nayayari din ako, yung estudyante ko nakakain ng buhok sa pastillas na ginawa ko, ayun libre tuloy siya ng limang pastillas.
