Sabi nila, pinaka-memorable daw sa buhay natin ang ating high school life. Ito daw kasi ang pinakamasayang bahagi ng ating mga buhay. Dito kasi natin unang nararanasan ang mga bagay-bagay nilang mga adults at hindi na bilang mga bata.
Tulad ko, hinding-hindi ko rin makakalimutan ang aking high school life lalo na noong aking senior year. Hinding-hindi ko talaga yun makakalimutan dahil doon ko naranasan ang pinakanakakatakot na sigurong bagay na nangyari sa'kin.
Ganito kasi yun. Nakatira ako sa isang malayong probinsya. At sa maliit na baranggay kung saan kami nakatira, bihira at madalang pa ang mga sasakyan na nagbibiyahe sa amin. Pwede mong tawaging liblib ang lugar namin, pero hindi naman iyon sobrang liblib dahil may kuryente at signal ng telepono naman sa amin. May kalayuan nga lang kami sa pinakamalapit na bayan, at kung pupunta kami doon ay katumbas iyon ng halos kalahating-oras na biyahe sakay ng habal-habal.
Nasa bayan ang high school kung saan ako pumapasok. At ang mga estudyante na tulad kong malayo ang tinitirhan mula sa paaralan ay may dalawang choices lamang kapag nag-aaral sila doon: makitira ka sa mga kamag-anak mo sa bayan at umuwi sa inyo ng lingguhan o tiisin mo ang mag-commute araw-araw sakay ng habal-habal.
At dahil wala naman kaming mga kamag-anak na maaari kong tirhan doon sa bayan, simula nung first year high school ako ay araw-araw na akong nagko-commute papunta at pauwi ng school. Kahit mahirap ay tiniis ko dahil wala namang ibang paraan, at sa lugar namin na bihira ang makapagtapos ng high school, isang malaking achievement na ang makapagtapos ng high school. Iyon ang nagpatibay sa'kin na pumasok araw-araw sa kabila nang maraming pagsubok lalo na sa layo ng paraalan namin.
Nariyang napakahirap pumasok kapag tag-ulan na, at madalas napipilitan akong umabsent dahil parusa ang bumiyahe patungong bayan kapag maulan. Mahirap ding makauwi sa lugar namin dahil bilang lang ang mga namamasadang habal-habal kaya hindi ka pwedeng magabihan sa bayan dahil wala ka nang masasakyan nun pauwi. Ilan lamang yun sa mga bagay na first-hand kong na-experience habang nag-aaral. Ang masaya lang dun ay umabot ako sa huling taon ko sa high school na wala namang gaanong problema.
Kapag malapit na ang pagtatapos ng school year ay kabi-kabila na ang aming mga projects na kailangang gawin. At ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang mga group projects tulad ng sa isa naming subject na kailangan naming magpresent ng isang sayaw. Kaya napipilitan akong magpunta sa bayan kahit weekends para magpractice. Madalas inaabutan kami ng dilim sa kaka-practice kaya may mga pagkakataon talagang hindi na ako nakakauwi sa amin at nakikitulog na lamang ako sa bahay ng isa sa mga classmates ko.
May mga pagkakataon namang kailangan kong umuwi talaga, kaya napipilitan akong maglakad pauwi sa amin.
Normal iyon, para sa mga tagaroon sa amin ang maglakad pauwi mula bayan hanggang sa baranggay namin kung walang masasakyan. Kadalasan, mga estudyanteng katulad ko ang gumagawa nito, kapag may mga mahahalagang events sa bayan at kailangang mag-attend. Pauwi ay sama-sama kaming maglalakad. Hindi naman namin iniinda ang layo at pagod dahil sa katuwaan namin sa daan.
Kadalasan inaabot nang mahigit sa dalawang oras ang paglalakad pauwi sa amin. Ngunit kung nagmamadali ka, may isang shortcut na maaari mong daanan upang makarating ka sa amin ng humigit-kumulang isang oras lamang.Ngunit kahit di hamak na mas mabilis ang daang iyon ay halos wala na ring dumadaan doon. Una ay sa kadahilanang hindi sementado ang daan roon, at kapag tag-ulan ay bumabaha din doon. Wala ka ring madadaanang kabahayan doon dahil nasa gitna ng kagubatan ang shortcut na iyon. At ang pinakainiiwasan ng lahat, kapag dumaan ka doon ay mapapadaan ka sa isang lumang sementeryo.
Bali-balita sa amin na nakakatakot daw ang sementeryong yun. Hindi pa naman ako napapadpad doon kaya hindi ko alam kung ano ang itsura nun. At lalong wala akong balak na dumaan doon kahit na anong mangyari. Ayon kasi sa mga matatanda, ponamumugaran ng mga demonyo at mga ligaw na kaluluwa ang lugar na iyon. Sumikat din noon ang balitang isang estudyante noon ang nawala sa katinuan nang mapagpasyahan nitong doon dumaan galing sa bayan. Simula noon ay wala na talagang dumadaan doon. Isa pa, may bagong sementeryo doon mismo sa baranggay namin kaya wala nang naglilibing doon ng kanilang mga namatay.